Kabanata 54

249 8 1
                                    

MALAPIT ng dumilim nang magyayang umuwi si Saia. Mukhang napagod na sa paglilibot at kakatakbo. Nagpabuhat niya sa akin dahil hindi na raw niya kayang maglakad, mabuti na lamang ay magaan lang siya kaya pinagbigyan ko na.

Kasabay kong naglalakad si Asheer patungo sa dulong bahagi ng pamilihan, tahimik ito at mukhang pagod na rin.

Nang madaanan namin ang tindahan ng mga armas ay nakasalubong namin si Renzo na kalalabas lamang.

Agad itong ngumiti nang masilayan kami at naglakad palapit sa amin kaya napahinto ako.

"Asheer! Kumusta ang pamamasyal?" Binuhat niya ang bata na agad nagpumiglas sa kaniya.

"Huwag mo akong buhatin, Tiyo Renzo!" nakasimangot nitong wika.

Tumawa ito at hindi sinunod ang sinabi ng bata. "Bakit? Pagod ka na kaya sasamahan ko kayo pauwi. Tingnan mo, namumungay na ang mga mata mo."

"Hindi ako pagod. Kaya kong maglakad, Tiyo! Ayokong magpabuhat."

Napangiti na lang ako dahil sa pangungulit ni Renzo rito. Inasar niya muna ito ng kaunti bago ibinaba. Ayaw magpabuhat ni Asheer dahil hindi na raw siya bata kaya natawa ako.

Ang anak ko talagang ito. Akala niya siguro ay binata na siya dahil pakiramdam niya ay responsable na siya para sa kapatid niya.

"Pauwi ka na rin ba, Renzo? Sabayan mo na kami," wika ko.

Ngumiti siya at nagkamot ng ulo. "Hindi pa. Mamaya pa kasi magsasarado ang tindahan kaya aayusin pa. Ihahatid ko sana kayo ni Asheer para hindi na siya mapagod sa paglalakad kaso nakita mo naman, punong-puno pa ng lakas ang isang iyan," sinadya niyang iparinig kay Asheer ang huling sinabi dahilan upang umismid ito.

Hinawakan niya ang damit ko at marahang hinatak upang yayain na akong umuwi.

"Ganoon ba? Sige, mauuna na kami," nakangiti kong wika.

Tumango siya at bumaling kay Asheer. "Kwentuhan mo na lang ako mamaya tungkol sa naging paglalakbay ninyo at ipakilala mo ako sa kapatid mo," wika nito at inginuso si Saia na mukhang nakatulog na sa balikat ko kaya hindi na pinansin si Renzo.

Tumango na lang ako bilang pagpapaalam bago tumulak pauwi sa kanilang tahanan. Nang malapit na kami ay gumalaw si Saia upang tingnan ang daang tinatahak namin. Luminga-linga sa paligid habang kinukusot ang kaniyang mga mata.

"Sino ang ginoong iyon, Ina?" tanong niya kaya napahinto ako at napatingin sa kaniya. Sinundan ko ang tingin niya hanggang sa dumapo ito sa nilalang na hindi ko na namalayang sumusunod nga pala sa amin.

Hindi ko inaasahang hanggang pag-uwi ay susundan niya kami. Wala ba siyang ibang pupuntahan? Ngayon niya talaga gustong makipag-usap?

"Mauna na muna kayo sa ating tahanan, mga anak. Kakausapin ko lang siya." Ibinaba ko si Saia na nakatingin pa rin kay Savion. Tila biglang mawala ang antok, dilat na dilat na ang mga mata.

"Sino siya, Ina?" tanong ni Asheer.

Tipid akong ngumiti upang matakpan ang kabang nararamdaman ko. Hindi ko kayang sabihin na ama niya ito.

"K-Kakilala ko siya, Asheer. Sabihin mo kay Calem na siya na muna ang bahala sa inyo dahil baka matagalan ako sa pakikipag-usap sa ginoo."

Tumango-tango ito na tila inintindi ng mabuti ang utos ko.

"Saan kayo mag-uusap?" kuryosong tanong ni Saia.

"Dito lang, Saia. Siguro ay mga isang oras." Yumuko ako upang mahalikan siya sa pisngi, sunod ay kay Asheer.

Kinuha ni Asheer ang kamay niya. "Halika na, Saia. Para makakain na tayo at makapagpahinga." At hinatak na ito patungo sa tahanan hindi kalayuan.

Lumingon pa sila sa akin at kumaway. Kumaway din ako pabalik habang tinatanaw sila hanggang sa makapasok sila sa tahanan. Ilang sandali lamang ay binuksan ni Calem ang pinto at tinanaw ako, bahagyang nagtagal bago iyon muling isinara, naiintindihan ang nangyayari.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon