Pabaon

132 0 0
                                    

“Hindi ka pa ba matutulog?” tanong ni Maria sa asawa habang pinupunasan ang mga braso nito ng basang bimpo.

“Ayoko munang matulog,” sagot ni Manuel. “Kausapin mo na lang ako. Matagal na tayong hindi nakakapagpuyat.”

Ngumiti si Manuel sa asawang abala sa pagpiga ng bimpo sa palangganang may maligamgam na tubig. Hindi naman ito napansin ni Maria. Nakatuon ang atensyon nito sa pagpupunas sa katawan ng asawa.

Bukas nang maaga ay hihilahin na ng mga nars ang higaan ni Manuel patungong operating room. Hindi na kinaya ng chemo ang pagpatay sa tumor niya sa likuran. Kailangan na itong tanggalin nang sapilitan.

“Natatakot ako,” sambit ng matandang ooperahan. Bakas sa simangot na pumawi sa ngiting lagging taglay ng kanyang mukha at sa luhang gumugulong sa kulubot niyang pisngi ang katotohanan sa mga salitang kanyang itinuran. “Mamaya tuturukan na nila ako ng pampatulog.”

“Sabi mo hindi ka takot sa karayom,”  sabi ni Maria na may halong kaunting pambubuska.

“Hindi ako sa karayom takot,” paglilinaw ni Manuel. “Takot akong hindi na magising.”

Napatingin si Maria sa asawa. Binitawan niya ang bimpong nilalamas at umupo sa kama nito. Hinawakan niya ang kamay ni Manuel. Hinalikan niya ito sa kalbo niyang ulo.

“Panaginipan mo ako,” bulong ni Maria na halatang pinipigil ang mga luha sa pagbagsak. “Panaginipan mo ang kabataan natin. Iyong kasal natin. Ang mga anak natin. Ang mga apo....”

“Okey na ako doon sa ‘panaginipan mo ako’,” wika ng kanyang asawa habang pinupunasan ang mga nagpupumiglas na luhang hindi kinayang maibigkis ni Maria. Tuluyang isinandig ng maybahay ang ulo niya sa balikat ni Manuel at saka pinabayaan ang sariling umiyak.

Sumakit nang bahagya ang likuran ni Manuel sa pagyakap ng asawa, ngunit hindi niya ito ininda. Hinigpitan niya ang pagyakap sa kanyang minamahal, paanyaya upang higpitan rin nito ang pagyakap sa kanya. “Natatakot rin ako,” usal ni Maria habang tumatangis.

Inilayo ni Manuel ang sarili mula sa yakap ni Maria. “Dala mo ba ang pustiso ko?” tanong nito sa kanyang asawa. Kinuha ni Maria ang basong nakapatong sa lamesa katabi ng kama ni Manuel. Inabot niya ito sa kanyang asawa. Isinuot naman nito ni Manuel.

Ngumiti si Manuel kay Maria, pilit itinatago ang takot at pangamba sa kanyang puso sa likod ng kumpleto at maputing kinang ng kanyang pustiso.

“Ganito mo ako alalahanin,” hiling ni Manuel. Tumango si Maria at niyakap muli ang asawa. Sabay silang pumikit, nagdasal, umidlip at nanaginip.

Sa huling pagkakataon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 19, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PabaonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon