Piging

51 0 0
                                    

Dalawampung taon na pala ang nakalipas mula nang huli akong makasakay ng jeep.

Marami-raming bagay na ang nagbago mula nang mapiit ako sa bilibid. Unang-una, mas mahal nang ‘di hamak ang pamasahe. Iba na rin ang itsura ng mga kalye, ng mga tao. Kabilang na ako. Lagas na ang buhok ko. Kuba na ang likod. Malaki na ang tiyan. Malayung-malayo mula sa sigang lasenggo na bigla na lang nang-itak nang kainuman sa sobrang pagkalango sa alak. Ni hindi ko nga alam kung kaya ko pang bumuhat ng itak.

Mag-isa akong uuwi sa amin. Tatlong buwan bago ako lumaya, pumanaw na si Mercy, ang asawa ko. Kaya pala napansin ko noong wala nang dumadalaw sa akin. Ilang linggo ko rin siyang iniyakan. Ni hindi man lang ako nakapunta sa libing niya. Baka hindi raw kayanin ng kalusugan kong makita siya.

“May apo na po ba kaya, ‘Lo?” tanong sa akin ng escort ko. Macario yata ang pangalan o apelyido, nalimutan ko na. Buti na lang at nagmagandang-loob  siyang ihatid ako sa amin, kahit na may kalayuan ang Bulacan sa Munti. Bata pa kasi itong parak na ito, wala pa masyadong sungay.

“Hindi ko alam,” tugon ko. “Wala namang nabanggit noon si Mercy tungkol kay Junior.”

Naitanong ko na rin sa sarili ko ‘yun. Siguro mayroon na nga. Ayaw lang siguro ng asawa kong madagdagan pa ang hahanapin ko kapag bumisita siya. O baka ayaw lang ipasabi ng anak niya.

“Siguro po miss na kayo ng anak niyo,” wika ni Macario. Kung may lakas lang ang mga braso kong nanginginig ay sinapak ko na sa mukha ang diyaskeng batang yaon. Siguro nga miss na ako ng anak ko, sabik na sabik nga  akong ihatid pauwi e.

Naalala ko ‘yung kwento ng tungkol sa alibughang anak. Kahit pa winalang-hiya ng anak ‘yung tatay niya para magpakasasa sa kasalanan at magwaldas ng pera, yakap pa rin ang isinalubong sa kanya ng ama noong bumalik siya. Pinaghanda pa siya ng piging.

Paano naman kaya kung ang ama ang nagluko? Ganoon rin kaya ang sasalubong sa kanya?

Hindi ko alam kung ‘ganun ba ako kakapal na pagkatapos ng lahat ng ginawa ko, masayang pagsalubong pa ang inaasahan ko. Baka gusto ko lang isipin na pagkalaya ko mula sa kalaboso, magiging masaya na’t maayos ang lahat.

Binaba ako ni Macario sa tapat ng bakuran namin. Iimbitahin ko sana siyang manatili’t kumain, kung akin nga lang talaga ang pamamahay na iyon.

Pagbukas ko ng geyt, sinalubong ako ng yakap ng isang maliit na batang lalaki, mga apat na taong gulang. “Jun?” tanong ko sa bata bago ko yakapin.

“Third po, Lolo,” sagot ng batang kamukhang-kamukha ng ama. “Pasok na po kayo, hinihintay kayo nina Tatay!”

Hindi kasing-garbo ng piging. Pero kuntento na ako.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 19, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PigingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon