Chapter 8:
Kinabukasan, maagang nagpatawag ng meeting si Jeffrey, ang presidente ng teatro. Bilugan ang mukha, at kulay yellow ang buhok na pa-Quiff ang gupit. Nasa 5'7 pataas ang height at may hitsura.
Aniya'y kailangan namin maghanda para sa darating na events ngayong september. Magkakaroon daw ng bagong act at ang lahat ay required mag-audition para sa mga role na maaaring ibigay. Bukas na bukas din ay maaari nang makuha ang mga script kapag na-print out na ito.
Pagkatapos ng meeting ay dumiretso ako sa library at natulog. Sa pinakadulo ako pumwesto para walang makakapansin sa akin. Kumuha ako ng libro sa bag para gamiting pantakip ng ulo.
Kanina pa ako antok na antok. Sino ba namang hindi aantukin, e, puyat ako kakaisip sa mga kaganapan kahapon lalong-lalo na sa mga binitawang salita ni Glen.
Buong magdamag akong naloka sa mga pinagsasabi niya.
Tahimik ang buong library at malamig kaya 'di ko alam kung ilang oras na akong natutulog. Paggising ko ay tulo ng laway ang unang bumungad sa akin na nagkalat sa pisngi ko. Mabuti na lang at natatakpan ng libro ang aking mukha kaya dali-dali kong pinunasan ang laway na nagkalat sa pisngi at mesa gamit ang aking jacket na suot.
Dahan-dahan kong iniangat ang aking ulo para silipin kung may mga tao ba sa paligid. Pasimple ko ring ch-in-eck kung may muta ba ako.
Bilang lang ang mga tao sa paligid kaya umayos na ako ng upo. Pero natigilan ako nang may mamataang isang tao na nakaupo malapit sa kinaroroonan ko.
Homaygas! Si Glen!
Nakaupo siya sa kabilang mesa habang titig na titig sa kung saan. May hawak siyang isang libro na nakapatong sa mesa pero halos malukot na ito sa higpit ng kanyang pagkakahawak.
Walang reaksyon ang kanyang mukha pero nagsisilabasan naman ang mga ugat sa kanyang kamay na tila nagtitimpi o nanggagalaiti.
Agad kong sinundan ang kanyang tinititigan.
Pero laking gulat ko nang makita si Angel sa kabilang mesa na may kasamang isang lalaki. Pa-diamond ang hugis ng mukha at pa-mullet ang gupit ng maitim na buhok. May kalaliman ang mata at matangos ang ilong. Pero kapansin-pansin ang mga alahas at earings nito na nagbibigay bad boy look sa kanya.
Magkatabi sila ni Angel habang nagtatawanan sa isa't isa. May mga hawak din silang libro at kung anu-ano ang mga pinagtuturo nila roon saka sabay na matatawa.
Naningkit ang mga mata ko sa nakikita saka muling binalingan ng tingin si Glen na ganoon pa rin ang reaksyon.
Hindi ko alam kung anong nangyayari sa kanilang tatlo pero isa lang ang nasisiguro ko; may relasyon si Angel at iyong lalaking katabi niya dahilan para magselos si Glen na may gusto naman sa babae.
Napanguso na lang ako. Ang ganda naman ni Angel. Pinag-aagawan ng dalawang lalaki. Sana ol.
Pero kung ako sa kanya ay mas pipiliin ko si Glen. Mas disente kasi tingnan kumpara sa lalaking kasama niya na halatang babaero.
Biglang may pumasok na idea sa isip ko. Dali-dali kong kinuha ang aking cellphone at palihim na kinuhaan sila ng litrato. Pero mas naka-focus ako sa reaksyon ni Glen.
Bumungisngis ako nang makita ang picture ni Glen na sobrang epic! Halatang selos na selos sa nakikita. Magagamit ko ito for future use.
Maya-maya lang ay biglang tumayo si Glen na siyang ikinataranta ko. Dahil do'n ay nabitawan ko ang cellphone na agad lumikha ng ingay.
Nanlaki ang mga mata ko kaya naman ay agad ko itong pinulot at saka tinago sa bulsa. Pero saktong pag-angat ko ng tingin ay nakatingin sa akin si Glen. Nagsimula siyang maglakad papunta sa gawi ko na siyang nagpakabog nang husto sa aking dibdib.
