ANG MADALDAL NA PAGONG

455 1 0
                                    

Isang umagang maganda ang panahon ay nagkita-kita sa tabing-sapa ang magkakaibigan. Sila ay si Pagong Daldal, si Abuhing Gansa at si Puting Gansa. Nagkuwentuhan sila at di-nagtagal ay nagpaalam ang magkapatid na gansa. "Isama naman ninyo ako sa inyong tirahan sa kabilang ilog", pakiusap ni Pagong Daldal. "E, paano ka namin maisasama ay wala ka namang pakpak at hindi ka makakalipad?" wika ni Abuhing Gansa. "Oo nga ano", wika ni Pagong Daldal na halatang lungkot na lungkot. "Teka, may naisip ako", wika ni Puting Gansa. "Maisasama ka namin kung susunod ka sa aking sasabihin." "Salamat. Ipinangangako kong susunod ako sa ipag-uutos ninyo", wika ni Pagong Daldal. "Kakagatin mo itong patpat sa gitna. Kakagatin naman namin ni Abuhing Gansa ang magkabilang dulo at saka tayo lilipad. Kaya lamang, ito ang tandaan mo. Huwag na huwag kang magsasalita kung hindi ay mahuhulog ka at lalagpak sa lupa. O, hala. Tayo na. Kagatin mo na ang patpat, kaibigang Pagong", wika ni Puting Gansa. "Tandaan mo, huwag kang magsasalita. Wala kang pakpak at kapag nakabitaw ka, tiyak na lalagpak ka sa lupa." "Hindi ako magsasalita", pangakong muli ni Pagong Daldal.

Kinagat ni Abuhing Gansa ang isang dulo ng patpat at ang kabilang dulo ay kinagat naman ni Puting Gansa. At sila ay lumipad na. Tuwang-tuwa si Pagong Daldal nang nasa ibabaw na sila ng mga punongkahoy! Waring nakaakyat sa langit ang pakiramdam ni Pagong Daldal. Nakita ng mga batang nagsisipaglaro sa parang ang lumilipad na pagong. Naghiyawan sila sa tuwa at itinuro nila ang pagong na kagat-kagat ang patpat! "Tingnan ninyo ang Pagong Daldal! Lumilipad! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!" Nagalit si Pagong Daldal. "Mga batang_______" Hindi natapos ang iba pang sasabihin ni Pagong Daldal. Tuluy-tuloy siyang bumagsak sa lupa. "Kaawa-awang Pagong!" nawika na lamang ni Puting Gansa at ni Abuhing Gansa.


Aral:  Tuparin ang ipinangako sa kapwa. Mas mainam ang taong may isang salita kaysa puro salita ngunit mahina naman sa gawa.

           Kung ikaw ay may minimithi o pangarap sa buhay, mag-pokus ka. Isa ito sa mga sangkap upang magtagumpay ang isang tao. 

           Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may mga taong handang tumulong sa iyo kaya huwag sayangin ang tulong na binigay ng kaibigan.

ANG MADALDAL NA PAGONGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon