Ang Pilipinas sa loob ng Sandaang Taon
(The Philippines a Century Hence)
Ang unang bahagi ng sanaysay na ito ay tungkol sa pagsulyap sa nakaraan ng Pilipinas. Dito, ipinakita ni Rizal ang mga pagbabago na naidulot ng pagkasakop ng Pilipinas sa Espanya. Kung saan, ang dating pinuno sa Pilipinas ay napasailalim sa mga dayuhan dahil na rin sa pag-asang pag-unlad mula sa mga mananakop. Unti-unting naisantabi at nalimutan ng mga Pilipino ang kanilang mga katutubong tradisyon, mga awitin, tula at mga paniniwala nang sa gayon ay mayakap ang mga bago at dayuhang doktrina, na sa totoo'y hindi naman nila naiintindihan. Ikinahiya at tinanggihan ng mga Pilipino ang sarili nilang kultura. Hinangaan at pinuri ng mga Pilipino ang anumang bagay na banyaga hanggang sa nagapi ng dayuhan ang kanilang puso at diwa. Lumipas ang mga taon, ang relihiyon ay nagpakitang gilas din kung saan ginamit ang pagsamba sa Diyos upang akitin at sa huli'y pasunurin at mapasailalim ang mga Pilipino sa kagustuhan ng mga dayuhan. Nang makuha ang loob ng mga Pilipino ay itinuring na parang hayop, inalisan ng kaisipan at damdamin at ginawang mga alipin upang pagsilbihan ang mga dayuhan sa ikauunlad ng Espanya. Muling nabuhay ang natutulog na damdamin ng mga Pilipino dahil sa mga pasakit at panghihiya na kanilang naranasan. May ilang damdaming nagising sa katotohanan sa mga kahayupan at paniniil ng mga dayuhan dahil na rin sa patuloy na pag-alipusta at pagsasamantala na unti-unti ay gigising sa lahat.
Sa bahaging ito makikita ang obserbasyon ni Rizal sa pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Ipinakita niya ang naging epekto nito sa mamamayan at sa mga pinunong Pilipino. Ipinakita ang hindi pantay na pagtrato sa mga Pilipino simula ng mamuno ang mga Kastila. At umaasa si Rizal na magigising at mamumulat ang mga Pilipino sa katotohanan at kasamaan ng mga dayuhan.
Ang ikalawang bahagi ay tungkol sa kabiguan ng mga kolonyal na patakaran ng Espanya sa pagpapaunlad sa Pilipinas. Sinabi dito ang kalagayan ng Pilipinas sa tatlong-daang taon na nakalipas simula ng panahong iyon (1889). Para sa mga nagnanais ng kalayaan ng kanyang bansa, ang bayan ay may tiyak na kalayaan noon. Para sa mga nakasaksi naman ng kaguluhan at di pagkakaunawaan, nararapat lamang na tanggapin ng buong pagsang-ayon ang anumang magaganap sa hinaharap. Ayon sa mga liberal na Kastila, ang kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan (1889) ay katulad pa rin ng dati, walang pinagbago subalit para sa mga prayle ay nagkaroon ng pag-unlad. Ang pamamahala ng mga kastila sa Pilipinas noong una ay hindi madali ngunit nagpatuloy pa rin sila upang mapamahalaan ito. Mayroong pwersang-militar, mabagal na komunikasyon sa pagitan ng Mexico at Espanya at ang paglalakbay ay delikado dahil ang dagat ay pinamumugaran ng mga pirata at mga kaaway ng Espanya.
Binanggit din na sa panahong 1889,ang sitwasyon ay mas maigi. Nagkaroon ng mas mainam na organisasyon sa pamunuang sibil at military. Ang komunikasyon ay naging mas madali, mabilis at sigurado. Ang Espanya ay wala nang mga kaaway-panlabas. Ang kanyang pagkasakop sa Pilipinas ay permanente na at humina ang kagustuhan ng mga Pilipino na magsarili. Sinabi ni Rizal na ang Pilipinas ay nanatiling panatag sa simula ng dominasyong Kastila. Ang mga Pilipino at nagiging opisyal ng militar. Ang isang indio ay maaaring maging encomendero at maging isang heneral ng isang hukbo. Wala pang masyadong nagaganap na paninirang-puri at pang-iinsulto sa mga tao. Ang mga prayle at ang residencia ay napanatili ang katapatan ng mga Pilipino sa pamahalaang Kastila. Umusbong din ang isang bagong paninindigan ng mga Pilipino sa pamunuan ng Kastila. Lahat ng mabubuting bagay ukol sa pagpapaunlad ng bayan ay nawala. Ang pamahalaan ay napalitan ng pananakot, pagsasamantala at pang-aalipin.
Tulad ng unang bahagi, makikita pa rin sa ikalawang bahagi ang pagtingin at pagsusuri ni Rizal sa mga ginagawa ng mga Kastila. Ipinaliwanag dito kung paano ang pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas simula noong una hanggang sa kasalukuyang (1889) panahon nito. Makikita dito ang kalagayan ng mga Pilipino. Masasabing tiningnan din ni Rizal ang magagandang ginawa ng mga Kastila pati na rin ang kasamaan nito.