Natulos ako sa aking kinatatayuan nang mapagsino ko ang katauhan sa likod ng mga maskarang nagkukubli sa dalawang taong naglalaban.Hindi... Hindi maaari. Hindi dapat sila ang nagpapatayan. Bakit sila pa?
Pareho... Pareho silang mahalaga sa akin at wala akong balak na mamili kung sino dapat ang makikitlan ng buhay para manalo.
Gusto kong sumigaw. Gusto kong tumakbo sa kinaroroonan nila para ako mismo ang magtigil ng kahibangang ito. Pero hindi maaari.
Isa lamang akong mahinang kalahok na kilala bilang isang ganid sa karahasan para manalo. Wala akong laban sa nakatataas na makapangyarihan.
Sa pagtitig ko sa impyernong kinasasadlakan ng dalawang taong naglalaban, walang pagsidlan ang nagngangalit na tensiyon sa pagitan nila. Kitang kita ko ang nakakapasong galit sa mga mata nila para sa isa't-isa.
Nagsusumigaw ang determinasyon nilang makuha ang kampeonato sa bawat galaw na pag-ilag, sugod at wasiwas ng kani-kanilang sandata at katawan.
Isang labanan para sa buhay at kinabukasan. Lalaki laban sa babae.
Pareho silang malakas at ayaw magpatalo. Gamit ang kaniya-kaniyang hinubog na taktika, nagagawa nilang salagin ang bawat pag-atake ng bawat isa.
Ang malaking perang premyo... Hindi ito hinahangad ng halos lahat sa aming miyembro ng grupo. Isa lang ang oo. Isa lang ang naghahangad nito.
Sa pagtagal ng laban, sa pagdehado ng isa. Nananalo na kami. Pero pilit pa rin siyang lumalaban.