Isang araw, ako'y may napagtanto
Ako pala'y may lihim na pagtingin na sayo
Di ko alam kung kailan at paano nagsimula
Ang alam ko lang, ang gusto'y ikaw na nga
Di ko alam kung bakit pagdating mo'y laging inaabangan
Laging natutuwa sa ating mga nararanasan
Magkasama lagi sa mga kalokohan
Na hatid ay kagalakan at tunay na kasiyahan
Hindi ba noon ako'y naging tulay pa
Dahil sa matalik kong kaibiga'y may pagtingin ka
Tagahatid ng kung ano-ano para sa kaibigan ko
Ginagawa mo para mahulog ng tuluyan sayo
Kaya ganoon nga ang nangyari
Aking kaibiga'y ikaw na ang napili
Kaya pag nakikita kayong dalwa'y lagi nang magkasama
Ngunit bakit tila lungkot ang aking nadarama
Nang sa wakas, bigla kong napagdugtong - dugtong
Ang nararamdaman kong tila isang bugtong
Nang mayroon nagtanong sa akin
Kung anong tipong lalaki ang aking gugustuhin
"Iyong matangkad, mabait at matalino", tanging sabi ko
At sabi niya'y parang may kilala siyang ganyang tipo
Parang si ano, siya ba ang tinutukoy mo?
Ako rin ay napaisip dahil nga sa sinasabi kong mga katangia'y ikaw nga ang tinuturo . . .
Ako'y biglang naguluhan, ba't ikaw ang pinagbabasehan?
Ikaw pala'y akin nang nagugustuhan higit pa sa pagiging kaibigan
At sa tuwing tayo'y magkakalapit
Sumasaya lagi sa piling mo
Ngunit nadarama ko'y di ko rin naman na ipipilit
Dahil alam kong kaibigan ko, ang naiibigan mo
Parang pinaglalaruan ng kapalaran
Dahil pareho ka naming mahal ng aking kaibigan
Alam kong sa kaibigan ko'y,
Pagmamahal ang iyong nararamdaman
At sa sitwasyong ito'y,
Ako'y nasa gitna lang naman
Ngunit sarili'y di ko na inisip at pinili kong umatras
Di ko alam kung magsisisi ako pagdating ng bukas
Inaasam kong maging kayo pa rin sa wakas
Dahil alam kong mas malalim pa rin
Ang nabuong pagkakaibigan natin
Kaysa sa Lihim kong Pagtingin...