Lolo Mauricio

25.3K 1.4K 316
                                    

Sumakay ako ng bus at tanaw ko agad ang matandang lalaki na lagi kong nakakasabay.

--

PALAGING ALAS-OTSO ang pasok ko nitong semester na ito sa unibersidad na nasa mismong syudad ng aming probinsya, isang oras ang layo mula sa amin. Lukot-lukot pa man ang polo ko ay agad na akong sasakay kapag dumating na bus dahil sa palagi akong nahuhuli sa unang klase ko.

Nitong mga nakaraang araw, palaging may isang pamilyar na matanda ang sumasakay sa bus na sinasakyan ko. Siya si Lolo Mauricio. Maliit siya, may kaitiman ang kutis, sobrang payat, nakayukos ang kanyang likuran, may salamin sa mata at kitang-kita ang katandaan sa kulay ng kanyang buhok. Isang kanto lang ang layo ng pinagsasakyan ko sa pinagsasakyan niya, mas nauuna siyang sumakay bago ako.

Palaging may nakasabit na maliit na bag mula sa kanyang balikat at berdeng sumbrero na halatang luma na. Sa bawat sakay ko sa bus, palaging may pinagpasa-pasahan na mga papel ang bawat pasahero. Ang mga iyon ay galing kay Lolo Mauricio.

Ang unang bubungad kapag napunta sa isang pasahero ang papel ay isang sulat na naglalaman ng...

"Ako po si Mauricio Dela Peña. Ang asawa ko po na si Laurina Dela Peña ay nakaconfine sa ospital. Nais ko po sanang manlimos ng kahit magkano na maari nyong ibigay para matulungan ang aking asawa sa kanyang paggaling. Siya po ay may tuberculosis at ako na lang po ang natitira para sa kanya. Kahit magkano po ay tatanggapin ko.

Maraming salamat."

At ang iba pang may papel ay mga katibayan ng pagkaka-ospital ng kanyang asawa.

Noong una ko iyong nakita, agad akong nalungkot. Bilang isang tao, bilang isang anak, at bilang isang apo ... naawa talaga ako sa matanda. Kung titignan siya, halata mo na ang kahinaan ng katawan niya. Ang pagbyahe ng ganito ay siguradong palaging sanhi ng kapaguran niya.

Ang iba'y nagbibigay at ang iba naman ay walang pakialam. Ako? Palagi akong nagbibigay ng pera. Maliit man pero alam kong kahit papano'y may maitutulong ako. Hindi naman kasi ganun kalaki ang baon ko sa araw-araw. At mula noong nakita ko si Lolo Mauricio ay nagbabaon na ako ng tinapay kada umaga. Lumalapit ako sa kanya ang binibigyan ko siya. Sa tuwing ginagawa ko iyon, ngumingiti siya sa akin sabay nagpapasalamat. Sa simpleng reaksyon niya'y sobra na akong napasaya.

Nagdaan ang ilang araw at nakakasabay ko pa rin si Lolo Mauricio. Hanggang sa isang araw ay nakatabi ko na talaga siya. Ibinigay niya sa akin ang mga papel na lagi niyang dala. Naglagay ako ng pera rito at ibinalik sa kanya. Ibinigay naman niya ito sa iba.

"Lolo, gusto nyo po?" Pag-alok ko sa kanya ng tinapay ko.

Ngumiti siya, "Aba'y salamat, apo. Hindi pa ko nag-aagahan."

Iyon ang palagi niyang sinasabi. Napangiti ako.

"Nasaan po ang mga anak nyo?" Nakangiti kong tanong.

"May mga sarili na silang pamilya sa ibang bansa."

Napakunot ako ng noo. Kung nasa ibang bansa na pala ang mga anak nila, bakit siya na lang ang natira para sa asawa niyang may sakit?

"Nakalimutan na nila kami," muli niyang sinabi sabay kagat sa tinapay na bigay ko.

Napahawak ako nang mahigpit sa plastic na naglalaman ng tinapay ko. Marahil ay dahil sa gulat o marahil ay dahil sa inis.

Ilang sandali ay inilabas niya ang wallet niya mula sa maliit niyang bag. Binuksan niya ito at isang litrato ang bumungad sa akin. Isang family picture.

"Sila ang mga anak ko. Si Joel, Irene at Edgar, lahat sila ay nasa abroad. Si Joel ay isang civil engineer habang si Irene at Edgar naman ay mga nurse." Malapad ang ngiti ni Lolo Mauricio habang tinitignan ang hawak niyang litrato. Mabagal siyang magsalita at nanginginig ang mga labi ngunit masaya pa ring siyang nagkukwento. "Magaganda na ang mga buhay nila. Ni hindi ko lubos maisip na nakaya kong itaguyod at itawid ang kanilang pag-aaral sa pag-eextra ko sa mga construction at pagtatanim at pagbebenta ng mga gulay pati na rin ang bigas, noon."

Nararamdaman ko ang galak sa tono ng pananalita ni Lolo Mauricio ngunit mayron din doon na para bang kalungkutan.

"Baka nagsawa lang silang alagaan at intindihin kami." Malungkot ang mga mata niya ngunit mahinang tawa ang pinakawalan niya. "Pasensiya ka na, apo at kung anu-ano ang sinasabi ko rito," wika niya muli sa akin.

"Naku, okay lang ho basta mag-iingat po kayo lagi. Delikado na sa mga panahon na 'to."

Ngumiti siya sa akin, "Ikaw rin apo, at pagbutihin mo ang pag-aaral mo para sa kinabukasan mo at sa mga magulang mo."

Tumango ako.

Nakarating kami sa terminal at nagpaalam na ako sa kanya.

Ngunit kinabukasan, hindi ko nakasabay sa bus si Lolo Mauricio. Hindi ko alam na iyong pag-uusap pala namin noong isang araw ang magiging huling beses na makikita ko pa siya.

Namatay si Lolo Mauricio. Biyernes ng gabi sa may lugar namin, dumaan daw siya sa isang kanto na may mga nag-iinuman. Naglalakad siya pauwi sa munti niyang bahay. Napagkatuwaan siya ng mga lasing. Pilit na kinukuha ang bag niya na may mga pera na paniguradong galing sa panlilimos niya para sa kanyang asawang may sakit. Prinotektahan niya iyon. Namatay siya dahil sa labis na pagbugbog sa kanyang katawan. Isa pang nakakalungkot na balita ay hindi nakulong ang mga gumawa 'nun sa kanya dahil daw sa may mga kapit ito sa gobyerno ng aming lugar.

Noong nalaman ko ang balitang iyon, umiyak ako. Nagkulong ako sa kwarto at tuloy-tuloy na lang ang luha mula sa mga mata ko. Ang kawawang matanda na mayrong mabigat na dahilan para sa bawat paghinga niya ay basta na lang nilang binawain ng buhay nang ganun.

Sumama ako sa lamay na sagot ng mga mababait na kapitbahay ni Lolo Mauricio. Kasama ko ang aking nanay na isa sa mga barangay officials sa amin. Lumapit ako sa kabaong at kitang-kita ko mula sa kinatatayuan ko ang maaliwalas na mukha ni Lolo Mauricio. Itinaas ko ang aking kamay at inilagay sa itaas ng kanyang kabaong ang puting bulaklak na dala ko.

Mula bukas, sasakay na ko muli ng bus ngunit hindi ko na matatanaw ang matandang lalaki na lagi kong nakakasabay.

-----------------------------x

A/N:

Isa lamang itong random na story. Para sakin, hindi talaga nakakaiyak to pero gusto ko lang i-share sa inyo ang story na to since most of us, siguradong may nakasabay nang isang tao na katulad ni Lolo Mauricio.

Naisip ko 'to noong nakasakay kami sa bus kasama ng mga kaibigan ko tapos may isang matandang lalaki na nagpasa ng mga papel sa amin. Katulad na katulad siya ni Lolo Mauricio sa storya. Ambag-ambag pa kami ng pera dahil sa wala naman kaming dalang extra na money. Sobra akong naantig (wow big word) ng sandaling iyon.

Sana ay safe siya at sana'y maging mabuti ang kalagayan ng kanyang asawa.

(This is just fictional. It doesn't mean na gusto kong mangyari sa totoong matanda na nakita ko sa nangyari kay Lolo Mauricio dito sa story)

© charotera101 (http://www.wattpad.com/user/charotera101)

ALL RIGHTS RESERVED 2015



 You can reach me at: 

Facebook: facebook.com/cha.wattpad

 Twitter: enuuuh_  

charoterawattpad@gmail.com 


Lolo MauricioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon