Div Umbra’s POV:
“Bakit mo ba sila susundin, Umbra?” Ang naiiritang tanong sa akin ni Penumbra.
Iningusan ko lang ang aking kambal-anino. “Sumunod ka sa plano ko. Ipagpatuloy mo ang pag-iimbestiga tungkol sa kinaroroonan ni Hio.”
Nagkibit-balikat na lamang si Penumbra bago siya lumusong pabalik sa aking anino. Pagkatapos ay nagbuhay ang aking anino at sumalo sa iba pa na nagkalat dahil sa lilim ng mga puno dito sa kagubatan at ng kaunting liwanag ng papalubog na araw.
Nang maramdaman kong bumitaw na sa aking kamalayan si Penumbra, saka ko hinarap ang direksyong kailangan kong tahakin.
Mag-iisang buwan nang nawawala si Hio. Hindi ako makapaniwalang maging ako ay walang makalap na impormasyon sa kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya. Nawala siya nang hindi ko alam kung paano at kung bakit. Isa lang ang pinanghahawakan ko sa ngayon… nararamdaman kong buhay pa siya.
Dahil sa pagkawala niya, nabalam ang kanyang koronasyon. Wala pa ring tumatayong Prinsipe para sa monarkiya kaya naman nagbaba ng kautusan ang mga ministro na nagluluklok sa isang Duke upang maging Prinsipe.
Nakapili na sila, na sa tingin ko ay matagal na nilang nagawa.
Bilang Paladin, ako ang naatasan upang sunduin ang Duke na iyon mula sa tinitirahan nitong kastilyo sa malayong bansa sa Norte. Maaari kong iutos ang pagsundo sa iba pang mga Knight ngunit gusto kong usisain ang Kastilyong tinitirahan niyon.
Ayon sa nakuha naming impormasyon ni Penumbra, ang kastilyo ay dating pag-aari ng mga Vral na inilalaan ng angkan para sa kanilang mga pananaliksik at eksperimento para mapag-ibayo ang lakas ng isang bampira.
Naroroon nakalagak ang sinasabi ni Ama na aking kapatid base sa iba pang hindi malinaw na sabi-sabi. Wala naman akong pakialam sa kanya subalit hindi ko maaaring iisantabi ang mga ispekulasyon na maaari siyang maitaas sa antas ng pagiging Prinsipe dahil sa taglay niyang kapangyarihan. Kaya kinilala ko siya.
Solace Vral na ang ngalan niya ngayon.
Hindi ko pa siya nakikita kahit na kailan at kung mangyaring magkadaupang-palad kami, kailangan niyang mamatay. Hindi kailangan ni Hio ng maraming karibal para maging Hari.
Sinimulan ko ang aking paglalakad. Tanaw ko mula dito ang mataas na pader ng kastilyo subalit hindi ako maaaring maglaho’t lumitaw sa mismong tapat niyon.
Mayroong engkantasyon ang pumoprotekta sa kastilyo lalong-lalo na sa nakapalibot ditong kagubatan.
Pinag-aralan ko kung ano ang nagagawa ng engkantasyon. Maaari kong gamitin ang kapangyarihan ko ngunit iyon ay habang nakatapak ako sa lupa.
Mahinang engkantasyon… Hindi na iyon mapapansin pa ng mga mahihinang nilalang. Iisipin nilang hindi na sila makakagamit ng iba pang uri ng mahika dahil lang sa hindi na nila magawang maglaho.
Nangangalahati na ako sa destinasyon ko nang may makita akong isang nilalang na pasalubong sa daraanan ko. Nakasuot siya ng itim na roba at nakayuko. Babae siguro. Nakalugay mula sa pandong niya ang mahaba niyang buhok na kulay pula.