"Ate, magpapakabait hah.. alagaan mo si totoy.. kayo lang dalawa ang magkapatid, dapat magkakampi kayo palagi. Babalik din si Mama, dalawang birthday niyo lang andito na ulit si Mama." pigil ang luhang paulit ulit kong habilin sa panganay kong anak na limang taong gulang pa lang.
Tumango naman ito kahit may tinitimping pag iyak. Alam ko, sa batang edad naiintindihan niya ako at pinipilit niya rin maging matapang gaya ng ipinapakita ko.
Muli ko silang niyakap ng mahigpit, hinalikan sa noo pati ang aking bunso. Sa huli ay ang aking asawa na niyakap din ako ng mahigpit at masuyong hinalikan sa noo pagkatapos ay umakyat nako sa bus.
Nang makaupo ay tinanaw ko sila sa bintana at kinawayan ng nakangiti hanggang sa unti unti kong naramdaman ang paggalaw ng bus. Habang papalayo ay sunod sunod na ang patak ng aking luha.
Napakasakit saken ang malayo sa dalawa kong anak. Nagdesisyon akong umalis para sa pamilya ko. Dahil sa sobrang hirap ng buhay ay pinili kong magtrabaho sa abroad, bitbit ang pangarap para sa mga anak at puno ng pag asa ang puso. Baon ko ang determinasyon at tibay ng dibdib na hindi maaring buwagin ng kalungkutan.
Ako si Angela at ito ang aking kwento.