Ang Huling Sayaw ni Pepe

85 0 0
                                    

"Paano nga ulit yung steps? Ugh! Nakakainis. Ang hirap! Ayoko na nga!" Natawang napailing na lang ako. Kahit kailan talaga 'tong babaeng 'to, oo! Napakaimpatient talaga!

"Ganito kasi," kinuha ko yung kanang kamay niya at inilagay sa balikat ko. Hinawakan ko naman yung kaliwang kamay niya at nilagay ko yung kaliwang kamay ko sa bewang niya. "Step closer. Hindi naman kita kakainin." Bumuntong hininga siya at lumapit pa sa'kin.

"Alam kong gwapo ako. 'Wag mo akong titigan. Walang mangyayari kung hindi ka gagalaw diyan." natatawang sabi ko. Eh pa'no kasi, pagkalapit niya pa sa'kin, suminghap siya at parang natuod. Tapos tinitigan lang ako.

"Kapal mo!" hinampas niya ako sa balikat. Kita mo na oh, sadista din.

"Oh sige, gan'to. Para makasunod ka, isipin mo, tayo ang characters sa beauty and the beast," kunwa'y tinignan niya pa ako, palagay ko'y sinusukat kung nagpapatawa ba ako o ano. "Ikaw yung Beast, ako yung Beauty. Kagandang lalaki ko eh." Proud ko pang sabi sa kanya. Hahampasin niya na sana uli ako pero nasalo ko ang kamay niya.

"Biro lang! Sige na, ikaw na si Belle! Ako na 'yung Beast! Happy?"

"Eh pa'no ako makikipagsayaw sa'yo kung mukha kang Beast? Yuck! 'Wag na lang 'no!" babawiin niya na sana ang kamay niya pero hinigit ko ito. "Seryoso na kasi! 'Pag ako talaga hindi natuto! Sinasabi ko sayo Pepe--"

"Oo na, ito na," lumapit ako sa player at pinlay na ang tugtog. "Pumikit ka, tapos isipin mo nasa isang sayawan ka. Kunwari, isa kang prinsesa tapos isinasayaw kita. Damhin mo yung tugtog. Malinaw ba?" tumango siya at nagsayaw na kami.

- - - - -

Matapos i-announce ang nanalo, maraming nagcongratulate sa kan'ya, sa kanila ng mga kaklase niya. Magaling sila. At siya rin. Nakuha niya 'yung mga tinuro ko, mas gumaling pa nga siya kanina.

Nakita ko naman na napatingin siya sa gawi ko, saka nagpaalam sa mga kaklase niya. Lumapit siya sa'kin at dinaluhan ako ng isang mahigpit na yakap. Naramdaman ko namang pinamulahan ako.

"Ang galing mo kanina. Congratulations." sabi ko ng kumalas na siya sa pagkakayakap sa'kin.

"Syempre naman, magaling 'yung nagturo sa'kin eh," ngumiti siya ng pagkatamis-tamis at napangiti naman ako. "Salamat Pepe."

"Walang anuman. Basta ikaw, Anita." Pasalamat ka, mahal kita.

Bahagya siyang ngumiti, "Tara na?"

"Tara saan?" tanong ko.

"Hatid mo na ako! Alam kong nagluto si Inay ngayon ng bilo-bilo. Paborito mo 'yon, diba?" napairap pa siya. Talaga naman!

"Bakit, kasintahan mo ba ako? Nasasanay ka na yatang ako ang tigahatid mo, Anita." inirapan niya ulit ako.

"Sige na kasi, Pepe! Asar naman 'to. Minsan lang!"

"Gaano kadalas ang minsan, Anita?" natawa kami parehas sa sinabi ko. Sa kanta kasi 'yon na narinig ko sa radyo. Kanta ng isang batikang mang-aawit na paborito ng kapatid ko.

"Eh hindi kasi ako pwede, Anita. May tuturuan ako ngayon. Nakapagbigay na sila ng paunang bayad. Alam mo naman kung ga'no namin kinailangan ng pera nila Inang diba? Hindi pa kasi nauwi ang Itang sa'min. May sakit pa si Mira. Kaya hindi ko pwedeng balewalain 'to." napakamot na lang ako.

Ahead kasi ako ng isang taon sa kan'ya. Nasa ikaapat na taon na ako ng high school samantalang nasa ikatlo pa lamang siya. Wala rin ang Itang sa bahay dahil kinailangan niyang mangibang bayan para mas makahanap ng pagkakakitaan. Dalawang beses siya sa isang buwan kung umuwi. Lima kaming magkakapatid at ako ang panganay kung kaya't sa'kin nakaasa ang lahat.

Ang Huling Sayaw ni PepeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon