Present time...
HINDI malaman ng matandang tagabantay at tagalinis sa Stairway To Heaven Memorial Park na si Mang Dodi kung maaawa o hahanga sa dalagang taon-taon ay walang palyang dumadalaw roon.
Kilala sa buong Isla Fuego ang dalaga dahil isa ang angkan na kinabibilangan nito sa mga pinakarespetado at minamahal na pamilya sa buong isla, lalo na ang lolo nitong si Nemo Aseron. Ang dalaga ay kilala ng marami nitong tagahanga bilang si "Danieca Andrews," ang pinagpipitagang news reporter ng GBN News. Limang taon na ang nakararaan nang ilibing sa sementeryong iyon ang nobyo nitong hindi pinalad na makaligtas sa pag-atake ng mga terorista sa eroplanong sinasakyan niyon patungo sa bansang Hamiranzi.
Hindi kaila kay Mang Dodi na matagal nang sa Maynila nakabase ang dalaga. Subalit masipag at walang palya pa rin ang buwan-buwang pagbisita at pagdadala nito ng iba't ibang klaseng bulaklak sa puntod ng yumao nitong katipan na si Nikolas Ibrahim; bagay na hindi man lang magawa kahit isang taon lang ng mga kamag-anak ni Nikolas na tagaroon lang sa Isla Fuego.
Sadyang kahanga-hanga ang dedikasyon ni Danieca sa alaala ng minamahal kahit matagal na panahon nang namayapa ang binata sa trahedyang gumulantang sa buong bansa. Hindi lang dahil sa dami ng mga pasaherong Pilipino at Hamiran na namatay sa pangha-hijack na iyon ng mga terorista sa sumabog na eroplano, kundi dahil sa mas malaking trahedyang naganap kung hindi napigilan ng mga pasahero ng naturang eroplano ang balak sanang pagpapasabog ng mga teroristang iyon sa palasyo ng hari ng Hamiranzi.
Dinadagdagan niya ang pag-aalaga sa puntod ni Nikolas kahit hindi iyon sabihin sa kanya ni Danieca. Iyon ang kanyang simpleng pagkilala sa lalim ng pag-ibig nito na sa ngayon ay bihira na niyang masaksihan.
Laging mag-isa kung magtungo ito roon at tumatagal nang dalawa hanggang tatlong oras, kinakausap ang namayapa na para bang kaharap nito iyon. Subalit tila kakaiba ang pagbisita nitong iyon ngayon. At nang pasimple siyang lumapit dito upang pakinggan ang mga sinasabi nito sa puntod ni Nikolas ay ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya.
"Sa tingin ko, nahanap na ni Lolo Nemo ang lalaking gusto niyang ipareha sa akin, Nikolas. Alam ko na kung sinuman iyon ay sisiguruhin niyang mamahalin ako tulad ng pagmamahal mo sa akin noon. Magagalit ka ba kung aaminin ko sa iyong handa na akong tumanggap ng bagong mamahalin, Nikolas? Pero hindi ibig sabihin niyon na gusto na kitang kalimutan nang tuluyan. Hinding-hindi kita malilimutan. Ikaw ang kauna-unahang lalaking minahal ko. I will always love you, Nikolas. But they're right, it's way past the time to say good-bye to you. I know you trust Lolo. And I'm sure you'll like the man he has chosen for me, too."
Mayamaya pa ay dinama nito ng mga daliri ang nakaukit na pangalan sa ibabaw ng lapida, saka muling sinambit ang mga salita ng pamamaalam. Kapagkuwan ay tumayo na ito at lumakad palayo. Nang masiguro niyang wala na ito ay saka siya lumapit sa puntod na nilisan nito.
"Mukhang handa nang makahanap ng bagong mamahalin ang minahal mo, Nikolas. Pero huwag kang magagalit. Napakatagal mo na ring wala at sa tingin ko ay kailangan din niya ng magmamahal sa kanya," nalulungkot na pagkausap niya sa nahihimlay roon. "Sa palagay ko, iyon din ang gusto mo. Ang makitang may totoong ngiti ang malulungkot niyang mga mata..."
BINABASA MO ANG
ASERON WEDDINGS-YOU CAN LET GO
RomanceDanieca had loved and lost two men five years ago. One was the man she was about to marry, the other her dearest friend. Si Nikolas ay kinuha sa kanya ni Kamatayan habang si Lucien naman ay bigla na lamang nawala sa buhay niya sa kadahilanang ito la...