"Tinakot mo kami do'n, Danieca! Paano kung nahulog ka?" nanlalaki ang mga matang wika ni Charie.
"Chillax, Kuya. Ang wrinkles mo, alalahanin mo," pagpapakalma niya sa kapatid, saka siya bumaling kay Charie. "Alam ko kung paano ibabalanse ang sarili ko, Charie. We used to do that a lot when we were kids. And apparently, I can still do it now. Ewan ko nga lang sa isang fried chicken na takot mabalian ng buto diyan," malawak ang ngising sabi niya, saka binigyan ng naghahamong tingin ang kuya niya.
"I'm not eight, Danieca. I don't accept foolish dares anymore," matabang na sabi ng Kuya Dylan niya.
"Bok-bok-bok!" gagad niya sa tunog na nililikha ng manok upang iparating dito na iniisip niyang naduduwag lang ito.
Sa halip na tablan ng pang-aasar niya ay pinukol lang siya nito ng nayayamot na tingin, saka muling humakbang paakyat sa hagdan.
"Napansin mo ba, Charie, nagiging KJ na talaga iyang si Kuya. Sa tingin ko, epekto na iyan ng pagtanda niya. Nabilang mo ba 'yong wrinkles niya sa noo at gilid ng mga mata? Dumarami na, 'no?" kunwa ay pabulong na sabi niya rito, bagaman siniguro niyang abot iyon sa pandinig ng kapatid niya.
"Sa tingin ko nga," pilyang pagsang-ayon naman ni Charie.
"I'm not old! At wala akong wrinkles!" angil ng kuya niyang hari ng banidoso. Kung may makakatuklas man ng fountain of youth, malamang ang kuya na niya iyon. Mas maarte pa ito kaysa sa kanya pagdating sa hitsura nito. Kaya nga minsan kapag wala siyang magawa ay inaasar niya itong may nakikita na siyang puting buhok dito. Mabilis pa sa alas-kuwatrong tatakbo agad ito sa harap ng salamin upang alamin kung totoo iyon.
Humahagikgik na nag-high-five sila ni Charie, saka magkaangkla ang mga braso na umakyat na rin sila sa hagdan.
"Nakausap mo na ba si Lolo—Dylan!" Nagtapos sa sindak na pagsinghap ang pagsasalita ni Charie nang lampasan sila ng Kuya Dylan niya na nagpadulas din sa balustre. Agad niyang inorasan ito.
"Yes! I'm still faster than you, Kuya!" malakas na anunsiyo niya na sinundan niya ng malutong na halakhak.
"Kahit wala akong sakit sa puso, aatakihin ako sa inyong magkapatid," iiling-iling na wika ni Charie sa kanya.
Pag-akyat ng kuya niya ay kasabay na nito sina Ethan at Hisoka. Nang ang dalawa naman ang hamunin niyang magpadulas sa balustre, kapwa tumaas lang ang mga kilay ng mga ito.
"No, Hisoka. Ni balakin ay huwag mong gagawin. Ayokong ikasal sa loob ng ospital kung sakali," agad na protesta ni Charie. Mahigpit na umangkla pa ito sa braso ng pinsan niya upang tiyaking hindi makakahakbang palapit sa balustre si Hisoka.
"Sorry, Danieca, the council of one has spoken," pormal na sabi ni Hisoka, bagaman mababakas sa mga mata nito ang pagkaaliw habang nakatingin kay Charie.
"Damn! And here I thought you were one tough guy, Hisoka. You're just another henpecked dude after all," iiling-iling na animo dismayadong-dismayadong kantiyaw ni Ethan kay Hisoka.
"And you're not, huh, Ethan?" nakataas ang mga kilay na balik ni Hisoka rito.
"Damn right! Alam ni Ceza na hindi niya ako puwedeng under-in. Ako ang boss sa aming dalawa. What I say goes."
"Really? Ceza, would you come over here, please?" wika ni Hisoka na tumingin sa likuran ni Ethan.
"Ha? Ceza! Nasaan si—"
Nagtawanan silang lahat sa nagpa-panic na anyo ni Ethan nang lumingon sa direksiyong tiningnan ni Hisoka, animo takot na takot na naroon nga ang nobyang si Ceza.
"Oh, that's cruel, that's very cruel," iiling-iling na sambit ni Ethan. Kapagkuwan ay niyaya nito ang Kuya Dylan niya, sina Hisoka at Charie na magtungo sa Rancho Salome upang bistahan at subukan daw sakyan ang mga bagong dating na kabayong binili ni Irvine.
"Sama rin ako!" aniya sa mga ito.
"Hindi puwede," tanggi ni Ethan.
"Bakit hindi?" maktol niya.
Ang kuya niya ang sumagot. "Dahil hinihintay ka ni Lolo sa kuwarto niya. O nalimutan mo na naman dahil kung saan-saan ka sumusuot? Kanina ka pa niya ipinapatawag, hindi ba? Malamang namuti na ang buhok n'on sa kakahintay sa iyo."
Natampal niya ang noo nang maalala ang talagang pakay niya kaya siya paakyat sa hagdan kanina. "Oops! Oo nga pala. Okay, see you. have fun! Bye!" dali-daling paalam niya sa mga ito, saka patakbong binagtas ang pasilyong katapat ng hagdan. Sa dulo niyon ay kumaliwa siya, saka kumanan. "Lolo? Yoo-hoo! I'm here! Your favorite granddaughter! Lolo, nasaan ka?" malakas na tawag ni Danieca kay Lolo Nemo habang papasok siya sa silid nito.
The master's bedroom was huge. Pagbukas niya ng pinto ay hindi agad niya makita ang lolo niya. Mayroon iyong sitting room na unang bubungad pagbukas ng pinto. Ang double door sa gitna ng sitting room ay ang pinto patungo sa silid-tulugan.
"Narito ako, hija. Pumasok ka," tugon ni Lolo Nemo mula sa silid-tulugan.
Tinanggal niya ang earphones na nakapasak sa magkabilang tainga niya at isinuksok iyon sa bulsa kung saan nakalagay ang iPod niya.
Pumasok siya sa silid. Nakatayo si Lolo Nemo sa balkonaheng nasa gawing kanan ng king-sized bed na sumasakop sa halos ikaapat na bahagi ng silid. Magkasalikop sa likuran ang mga kamay nito habang nakatanaw sa malayo, animo may malalim na iniisip.
Subalit mas nag-aanyaya ang bilog na mesa malapit sa kama nito. Umuusok pa ang arroz caldo na nakahain doon katabi ng isang plato ng malalaking pandesal, isang platito ng butter, at umuusok na teapot. Dalawa ang bowls at teacups na naroon kaya naisip niyang para sa kanya ang isa.
"Ipinapatawag n'yo raw ako, 'Lo?" aniya rito, ang mga paa niya ay humahakbang na patungo sa mesa.
Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ni Lolo Nemo. "Oo, hija, dahil—"
Naupo siya sa silya sa tapat ng mesa at sabik na sininghot ang masarap na amoy ng arroz caldo. May nakahandang kalamansi at piniritong bawang sa isang platito. Pero hindi niya pinansin iyon. At tulad ng nakagawian niya, una niya munang dinampot ang mainit na higanteng pandesal, pumiraso roon, at isinawsaw iyon sa arroz caldo.
"Danieca, ako ang nagpatawag sa iyo, hindi iyang arroz caldo!" puno ng pagkayamot na sita ni Lolo Nemo sa kanya habang padabog na pumapasok sa loob ng silid. Dagling napalis ang tila problemadong anyo nito.
Pinigil niya ang mapangisi. Kilalang-kilala kasi niya ang lolo niya. Malakas ang kutob niyang dito nagmana ng husay sa pag-arte ang Kuya Dylan niya.
At pagkatapos ikuwento sa kanya ng mga pinsan niya ang tungkol sa pinaggagagawa nito noon para maipareha ang mga ito sa mga taong pinili ni Lolo Nemo, hindi na siya magugulat ngayon kung ang gagamitin nitong taktika ang pag-arteng problemado at nangangailangan ng tulong niya para imanipula siya. He knew she could never resist lending a helping hand.
Malakas ang kutob niyang siya naman ang nais nitong ihanap ng makakapareha. At kung totoo man iyon, hindi siya tututol kung sakali. Saksi siya sa kaligayahan ng mga pinsan niya sa piling ng mga nobya at asawa ng mga ito na natagpuan ng mga ito dahil kay Lolo Nemo.
Two years ago or perhaps even a year ago, she probably would have resisted the idea of dating and loving another man. Sa loob ng nakalipas na mga taon mula nang kunin sa kanya si Nikolas, ang pag-aasawa at pagbuo ng pamilya ay hindi niya gaanong pinagtuunan ng atensiyon at interes, bagaman paminsan-minsang sumasagi sa isip niya.
BINABASA MO ANG
ASERON WEDDINGS-YOU CAN LET GO
RomanceDanieca had loved and lost two men five years ago. One was the man she was about to marry, the other her dearest friend. Si Nikolas ay kinuha sa kanya ni Kamatayan habang si Lucien naman ay bigla na lamang nawala sa buhay niya sa kadahilanang ito la...