[153] [Narration]
Key
Tuloy lang ako sa pagtakbo ngunit saka lang ito bumagal at tuluyan ako napahinto nang medyo malapit ko nang madaanan ang bahay nila. Habol-habol ko ang hininga ko habang inililibot ang paningin, pinapanood ang mga taong may kaniya-kaniyang ginagawa. Iba na hitsura ng paligid pero namumukhaan ko pa rin ito.
Napalunok ako ng laway. Isa-isa ko pinasadahan ng tingin ang mga batang naglalaro sa kalsada. Hapon na ngayon at ito 'yong oras na masarap maglaro dito. Masarap magpapawis. Makikitang sobrang saya nila dahil sa nagliliwanag nilang mga mukha. May nagpipiko, mga lalaking nagpapatintero, habu-habulan, tagu-taguan, luksong baka, tumbang preso, batong lata at kung anu-ano pang laro. Hindi alintana ang pagiging madungis ng kanilang mga hitsura dahil ang nais lang nila ay bigyan ang sarili ng kasiyahan at experience tungkol sa pagkabata, punan ang kasiyahang hindi matatawaran ng kahit ano, tuklasin ang mababaw na kahulugan ng nalaya. Gusto nilang maranasan at gawin ang lahat ng mga bagay na malabo na nila magagawa kapag tumanda na sila. Natagpuan ko na lamang ang sariling nakatulala sa kanila. Nakatigil lang ako sa gitna ng kalsada, hindi ko magawang gumalaw, may kung anong akong nag-uutos sa akin na panoorin muna sila at huminto.
Na-miss ko ang buong lugar na 'to kung saan ganyan din ako no'ng bata ako, kasama ko pa si Laklak palagi sa paglalaro. Hindi kami naghihiwalay. Lagi niya akong niyayaya. Ramdam kong may mainit na tubig na tumulo sa mga mata ko. Unti-unting bumabalik sa utak ko kung paano halos mapunit ang mga ngiti namin ni Analiah habang naglalaro dahil sa sobrang pag-eejoy. Na-iimagine kong 'tong mga batang naglalaro ngayon ay kami lang din noon. Ang bilis ng panahon, hindi dahil matanda na kami. Kun'di dahil wala na si Analiah na palagi kong kasama noon.
"Kuya, patago?" Napatingin ako sa ibaba ko nang may humigit sa laylayan ng damit ko. Isang batang babae. Pawisan siya. Dumidikit na ang kaniyang buhok sa kaniyang noo. "Puwedeng patago po sa likod ninyo?"
Sandali ko lang siya tinitigan bago tumango nang maliit. Ngumiti siya sa akin at sumandal na agad sa likuran ko.
"Boom Ciela!" ilang saglit pa'y tinawag siya ng isang batang lalaki habang nakaturo sa likuran ko.
"Ay, nataya ako! Sayang!" Sumimangot siya. "Kuya, salamat po!" Agad siyang tumakbo sa lalaking wari ko'y taya sa laro nilang tagu-taguan. Sinundan ko lang siya ng tingin. "Nauna ba ako?" tanong niya sa batang lalaki.
"Hindi. Si Roco nauna ko."
"Yehey! Hindi ako taya!"
Mula sa likuran no'ng batang babae, lumagpas ang tingin ko. Nakita ko rito ang isang lalaking nagtitinda ng ice candy. Ito palagi ang pamapalamig namin noon. At katabi no'n, may nagtitinda ng dirty ice cream at may isa pang matandang lalaking nagtitinda rin ng fishball, kikiam, kwek-kwek at kung anu-ano pa, siya yata si Kuya Rodny, katulad ng sinabi sa akin ni Analiah. Anak ni Lola Fidel na pumanaw noon. Napangiti ako nang maliit, iyon palagi ang paborito naming merienda ni Laklak noon.
Ngunit hindi kalayuan, tumama ang paningin ko sa isang bakery shop. Napako ang buong atensiyon ko na rito. Napaawang ako ng bibig. Mas bumilis ang pintig ng puso ko. Ito ba 'yong bakery ni Analiah na tinutukoy niya? Ang bakery na palaging humahati ng pag-uusap namin sa chat dahil palagi siyang busy rito. Mula rito, sa likod ng bakery ay natanaw ko ang bahay nila. Sigurado na akong ito nga 'yong bakery niya. Ito 'yong dating tinadahan ng mga laruan tig-lilimang piso, 'yong lola niya pa 'yong nagtitinda.
Sarado na ang bakery at halatang matagal nang nabuksan pero sa harap nito, nandito na naman 'yong tarpaulin na katulad ng mga nakita ko sa daan kanina. Nanghihina ako kapag nababasa ko 'yong nakasulat doon. Parang pinapamukha talaga sa akin na wala na 'yong taong naging rason kung bakit gustong-gusto kong bumalik dito.
Napatingala ako. "Wala ka na ba talaga? Hindi na ba talaga kita makikita?" Pero nalaglag ang koronang suot ko dahil sa pagtingala ko. Pinulot ko 'to agad. Pinagmasdan ko 'to. "Ilang hakbang na lang ang layo ko sa bakery mo, oh. Nandiyan ka ba? Labas ka naman. Baka gumagawa ka lang ng tinapay. 'Di ba, titikman ko pa mga gawa mo?"
"Key? Ikaw iyan?" Napalingon ako sa likuran ko nang makarinig ako ng buo na boses. Apat silang lalaki, 'yong dalawang lalaki ay may akay-akay na mga batang babae, marahil sari-sariling mga anak nila 'yong mga 'yon. "Ikaw nga! Grabe, ang laki mo na. Parang kailan lang, ang liliit niyo pang dalawa ni Analiah na palaging kasa-kasama mo. Natangkaran mo na ako halos," sabi no'ng lalaking may akay na isang bata. Nakangiti ito nang malawak sa akin.
"Kuya Jason? Kuya Oben?" pagbanggit ko sa kanilang mga pangalan, sa dalawang lalaking akay ang mga anak, hindi pa ako sigurado. "Yael at Ranny?" Tukoy ko sa mga lalaking kasing edad ko lang.
"Kilala mo pa kami. Mabuti't bumalik ka rito," sambit ni Yael. "Ang tagal mo rin nawala, mahigit dekada na rin."
"Gusto ko sanang makita si Analiah," muling nagkabasag-basag ang boses ko. "Wala na ba talaga siya? Totoo ba 'yong sinasabi nila?" Hanggang ngayon, ayaw ko pa rin maniwala kahit kumpirmado ko na.
Biglang naging malungkot ang kanilang mga mukha. "Mahigit isang taon na," mahinang sagot ni Kuya Oben.
Napatungo ako ng ulo. Napabuga ako ng hangin. Hindi ko talaga matanggap 'yong mga naririnig ko, parang tumutusok sa dibdib ko ang bawat salita nila. Kausap ko lang siya noon, eh. Nakikipagbiruan lang siya sa akin pero bakit ganito agad? Bakit pinagkaitan agad 'yong buhay niya? Bakit hindi manlang kami hinayaang magtagpo?
"Napakasipag na bata ni Analiah. Napakabait. Napakamatulungin sa mga magulang. Alam mo 'yang bakery na 'yan, 'yan ang buhay niya. 'Yan ang kasiyahan niya. Hindi na siya naalis diyan halos. Lahat ng kabarangay natin, nalungkot sa pagkawala niya. Sobrang nalungkot. Nanghihinayang kami para sa kaniya. Mahal na mahal namin siya. Ang dami niya pang pangarap sa buhay, ang dami niya pang gustong gawin, ang dami niya pang gustong puntahan, marami pa siyang kailangang patunayan, gusto pa raw niyang pagtayo ng maraming bakery sa iba't ibang lugar, 'yon ang pinakainaasam niya pero ganoon talaga ang buhay, matatapos at matatapos nang hindi inaasahan," rinig kong sambit ni Kuya Jason.
"Sayang lang dahil hindi manlang kayo nagkita," sabi ni Ranny. "Palagi pa man din namin siyang nakikita sa kubo noon, taun-taon. Tinatanong namin siya kung bakit siya nandoon, alam mo kung anong isinasagot niya? Nangako ka raw kasi na babalik ka sa susunod na bakasyon pero ngayon ka lang ulit nakabalik. Inaabangan niya, sobrang miss na miss ka niya. Palagi siyang umaasang darating ka tuwing bakasyon."
Tumalikod ako. Muli akong naglakad.
"Oh, saan ka pupunta?" tanong ni Kuya Oben.
"Puputahan ko 'yong lugar kung saan niya ako palagi hinihintay, baka nandoon siya. Pero kung wala, ako naman ang maghihintay para sa kaniya. Sana dumating siya." Baliw na kung baliw ako, hindi ko lang matanggap.
Hindi ko na hinintay kung ano pang sasabihin nila dahil agad na akong tumakbo palago kahit ayaw maawat ang mga luha ko sa pag-agos. Sobrang sumisikip na ang dibdib ko dahil sa mga nalaman ko. Sana noon pa lang dumating na ako. Sana hindi ko siya kinalimutan. Sana manlang tinupad ko ang pangako ko. Bakit saka ako dadating kung kailan wala nang naghihintay sa akin?
-
Lumipas ang napakaraming taon sa wakas ako'y nakabalik nang muli,
'Di masukat sa labi ang mga ngiti, napawi ko na lahat ng pighati,
Pumasok sa aking isipan na ang kasagutan ko sa katanungan ay narito na,
'Di na maghihiwalay, humawak ka sa 'kin ibabalik ka,
Sa dating napakasaya nung tayo'y mga bata pa,
Sa lugar kung saan na ikaw at ako ay nangako na tayo na ngang dalawa,
Nagtungo ako baka naroon ka kasi nga gusto na kitang makita,
Nung narating ko niyakap mo ako, salamat sa iyo dumating ka,
'Yan ang salita na nanggaling sa 'yo napaluha ako ngayong katabi ko,
Na ang babaeng nag-iisa lamang na pinakamamahal ko sa mundo,
Humawak ka sa 'king kamay kasabay ng mga luhang taglay,
Ng emosyon at pananabik, napakasarap ng mga bawat halik,
Tumangan ka sa 'kin at ibinulong mo ang iyong mga pangungulila,
Nagpasalamat ka sa 'kin pero patawad mahal ng mahina,
Tinitigan kita sa mata bakit meron ka bang kasalanan?
Laking gulat ko na lamang nawala ka nang biglaan-------
BINABASA MO ANG
kababata: thanks for trying to reconnect with me once again
Jugendliteratur"Kung kailan bumalik ka na, saka naman ako magpapaalam." - Analiah Date Started: December 19, 2020 Date Finished: March 24, 2021 [EPISTOLARY STORY] [Tagalog] - An Epistolary written by Nick_Black02 Book Cover: Credits to the original owner from Pint...