Final [Narration]
Key
Parte na sa buhay ng bawat bata ang magkaroon ng maraming laruan habang sila ay nagkakaroon na ng isip. Tuwang-tuwa sa tuwing may bagong laruang natatanggap na bago pa lamang sa kanilang mga mata. Hindi maitatanggi na ang laruan ay ang pinakamababaw na bagay ngunit pinakamahalaga na sa isang bata. Kaya heto ngayon, nakatutuwa at nakatataba sa puso nang makita ko ang masasayang mukha ng mga bata pagkatapos kong ibahagi sa kanila ang mga laruang dinala ko galing sa Manila. Sa katunayan niyan, sumaglit pa ako ng bayan para dagdagan pa ang mga laruan dahil sa pag-aakalang hindi magsasakto sa kanila 'yong mga dala ko. Tinulungan ako ng mga dati kong kalaro sa pamimigay at pati si Brian. Napag-isip-isip ko rin na gumawa ng slime sa susunod na araw at ipamigay rin.
Alas-singko na ng hapon at malapit nang lumubog ang araw, sa kalsada namin ginawa ang pamimigay, sa mismong tapat ng dating bakery ni Analiah. Nakasilong lang muna ako ngayon mag-isa sa isang tindahan habang umiinom ng soft drink. Maya-maya, 'di ko inasahan nang lapitan ako ng Ina ni Analiah. "Pasalubong mo ba 'to sa kanila? Hindi ko kasi alam kung anong meron, kung bakit namimigay ka ng mga laruan pero salamat pa rin. Kahit hindi pasko, Key, halatang tuwang-tuwa ang mga bata sa mga libreng laruang galing sa iyo, may bago na naman silang pagkakaabalahan," nakangiting komento niya habang pinagmamasdan ang mga batang abala sa pagkakalikot ng mga kani-kanilang hawak.
Napangiti ako. "Maliit lang pong bagay iyon. Mahal ko po 'tong lugar natin kaya opo, pasalubong ko na rin po 'yong mga laruan sa kanila. Matagal din po akong hindi nakabalik dito, eh."
"Sabagay. Tingnan mo, nadagdagan na naman ang mga laruan ng mga batang 'to. Salamat talaga."
"Madali lang naman po kasi sila mapasaya kahit sa tig-lilimang pisong laruan lang, basta bago lang sa kanilang mga mata at kakaiba."
"Alam mo, kung nandito lang si Analiah, jusme, hindi 'yon papayag nang hindi tutulong sa pamimigay. Siguradong masayang-masaya rin iyon. Kung hindi mo kasi maitatanong, tuwing pasko, namimigay siya ng mga libreng tinapay. Napakabuti talaga ng puso ng batang iyon, kagaya mo. Kaya proud na proud akong napalaki ko siya nang ganoon kahit nagkatampuhan kami minsan dahil no'ng una, tutol akong tumigil muna siya sa pag-aaral at magnegosyo pero nagbunga naman ang paghihirap niya. Napakasipag. Napakadeterminado. Napakatiyaga. Go lang nang go kahit hindi sigurado kung may magandang sukli sa kaniya iyon. Ang dami niya pa talagang gustong gawin sa buhay, eh. Ang dami niya pang pangarap para sa sarili niya at para sa amin. Pero kahit na ganoon, alam kong masaya pa rin naman siyang pinapanood tayo ngayon. Nandiyan lang siya. Ramdam ko." Halata sa kaniya na mahal na mahal niya ng kaniyang anak at sobra na niya itong na-mimiss.
"Minsan na rin po niyang naikuwento iyan sa akin at tama po kayo, napakasipag po niya. Hanga rin po ako sa kaniya, punong-puno ng tiwala at tapang sa sarili," tugon ko. Napabuntong-hininga ako. "Sa katunayan niyan, Tita, 'yong mga laruang binigay ko, para po talaga sa kaniya 'yon."
Napatingin siya sa akin, parehong tumaas ang kilay niya. "Oh. Ganoon ba?"
Uminom muna ako ng hawak ko bago ko siya sinagot. "Sabi ko po kasi sa kaniya na kapag nakabalik ako rito, lalaruin po ulit namin 'yong mga laruan na paborito naming laruin noon kaya nagdala po ako nang isang kahon. 'Yong para pong babalik kami sa pagkabata. Na-miss ko po siyang kalaro, eh. Kung nandito pa siya, siguradong nandoon po kami sa kubo, nag-eenjoy. Susulitin ko po talaga 'yong pagkakataon na 'yon na makasama siya." Na-iimagine ko kung paano kaya kung buhay pa siya? Bumaba ang mga mata ko.
Pilit siyang ngumiti pero kita sa mga mata niya ang lungkot. "Sayang, 'no?"
Napangiwi ako, mabilis kong nakuha ang ibig sabihin no'n. "Sobrang sayang po," mahina kong sagot. Binitawan ko 'yong bote ng soft drink nang pagkatapos ko 'tong inumin bago ko isinilid ang mga kamay ko sa loob ng bulsa. "Bakit kasi kailangan pang mangyari 'yon sa kaniya? Bakit hindi manlang nag-isip nang mabuti 'yong taong kumitil sa buhay niya bago niya ginawa iyon? Grabe, wala manlang kaawa-awa. Wala manlang konsensiya. Hindi ko ma-imagine habang ginagawa kay Analiah 'yong kadumal-dumal na bagay na 'yon. Nagsisisigaw ba siya? Pumapalag? Umiiyak? Nagmamakaawa Tinatawag niya ba pangalan ko? Napakababoy. Napakademonyo." Madiin akong napakuyom ng kamao sa loob ng bulsa. "Paano niya nagawa iyon? Gusto ko siyang gantihan. Gusto ko siyang sikmuran. Hindi 'to deserve ni Analiah. Kasi dapat buhay pa sana siya ngayon. Makakasama ko pa sana siya nang matagal at . . . Aakinin ko pa siya." Huli na nang mapagtanto ko ang huli kong sinabi.
BINABASA MO ANG
kababata: thanks for trying to reconnect with me once again
Fiksi Remaja"Kung kailan bumalik ka na, saka naman ako magpapaalam." - Analiah Date Started: December 19, 2020 Date Finished: March 24, 2021 [EPISTOLARY STORY] [Tagalog] - An Epistolary written by Nick_Black02 Book Cover: Credits to the original owner from Pint...