NANG makapantay ako sa kaniya ay walang habas akong kumapit sa braso niya kaya napahinto siya at agad lumingon sa akin, kunot-noo pa rin.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, Ashtrea?" masungit niyang wika kaya napanguso ako.
"Huwag ka nang magalit, Savion," nagpapaawa kong wika. Inaamo siya kahit hindi ko naman alam kung bakit siya nagagalit.
Umismid siya at umiwas ng tingin, hindi naman siya gumalaw upang aalisin ang braso ko sa kaniya.
"Hindi ako galit," aniya ngunit hindi naman iyon ang nakikita ko sa mukha niya.
"Ganito na lang, ibibili kita kung ano ang naisin mo sa pamilihan!" Tinuro ko ang pamilihan sa harapan namin. "Kaya huwag ka ng magalit, Savion."
"Wala naman akong gusto," paismid niyang wika. Sinabi ko na nga ba, galit talaga.
Bakit nga ba kasi siya nagagalit? Wala naman akong ginagawa upang magalit siya!
"Ako!" tumatawa kong sagot. Gulat siyang tumingin sa akin kasabay ng pagtanggal ng braso ko sa kaniya.
"Bakit naman kita gugustuhin?" kunot-noo niyang wika kaya agad naglaho ang ngiti ko.
Hindi ko alam ngunit bigla akong nainis dahil sa sinabi niyang iyon. Marahil ay nainsulto ako.
"Bahala ka na nga. Sige, magalit ka na lang," inis kong wika at iniwan siya roon. Mabilis ang lakad ko upang tuluyang makarating sa pamilihan, nginingitian ang mga nakikita kong kakilala kahit sa loob ko ay naiinis pa rin sa prinsipe.
Bakit niya ako gugustuhin? Tama ba ang pagkakarinig ko sa sinabi niyang iyon? Ang dami ko kayang katangian na maaari niyang gustuhin! Mabait ako, masayahin at higit sa lahat ay maganda. Lahat ng mga nilalang na kilala ko ay gusto ako. Tapos siya ay hindi gayong kaibigan ko naman siya. Nakakainis at nakakapagtampo.
Umirap ako sa kawalan. Ano ba ang pagbibigay-kahulugan niya sa taong gusto niya? Hindi ba ay kung mabait ang isang nilalang sa iyo ay gusto mo na siya?
Kaya ba hindi niya ako gusto ay dahil sa ginawa ko sa kaniya kahapon? Naging maayos naman kami matapos niyon hindi ba? Ano ngayon ang problema niya para hindi ako gustuhin?
"Ashtrea!" tawag niya, hinihingal na lumapit sa akin. Muli lamang akong umirap.
"Ano? Hindi ba ay hindi mo naman ako gusto? Doon ka, huwag kang lumapit sa akin," masungit kong wika. Iminuwestra sa hangin ang kamay na tila itinataboy siya. "Hindi na rin kita gusto."
Ang kunot ng noo niya ay napalitan ng gulat, bahagya siyang napahinto na hindi ko naman pinansin. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad.
Ngunit napahinto ako nang bigla siyang humarang sa dinaraanan ko. Umirap ako at inis na tumingin sa kaniya.
"Ano na naman, Savion? Sabihin mo na ang sasabihin mo."
Peke siyang umubo upang alisin ang gulat na ekspresyon. "Tama ba ang aking narinig? Gusto mo ako?" aniya.
Umismid ako. "Hindi ba ay kapag mabait sa iyo ang isang nilalang ay gusto mo na siya?" Ibinaling ko sa kaniya ang atensyon ko. "Hindi ba ako mabait sa iyo? Bakit hindi mo ako gusto?" nakasimangot kong tanong.
Muling nagbago ang ekspresyon niya, kung kanina ay bahagyang lumiwanag ang mukha niya, ngayon ay nakakunot nang muli ang noo niya at tila nais din sumimangot katulad ko.
"Iyon ba ang ibig sabihin mo ng pagkakagusto?" inis niyang tanong. Nais ko ring mainis sa kaniya ngunit hindi ko na lang itinuloy.
"Bakit? Ano ba ang pagbibigay-kahulugan mo sa salitang gusto?" nagtataka kong tanong pabalik.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...