Kabanata 15

149 3 0
                                    

MARAHAN kong binuksan ang pinto ng aking silid at sinilip ang labas, mahinang napahinga ng maluwag nang wala akong makita ni isang nilalang dito sa aming tahanan lalo na si Ina. Baka kasi kapag nakita niya akong lumabas ay isipin niyang pupuntahan ko ang prinsipe at pagbawalan niya ako, kahit totoo namang sa palasyo nga ako magtutungo.

Inilabas ko ang hawak na orasang kwintas at binasa ang oras dito, ikalawa na ng hapon. Napangiti ako, marahil ay tulog na si Ina sa mga oras na ito, lagi iyong tulog sa ganitong oras.

Lumabas na ako sa silid at nagulat nang biglang tumambad sa akin ang mukha ni Lena.

Napalitan ng kuryosidad ang dapat ay ngiting ibibigay sa akin.

"Bakit tila may pinagtataguan ka, Ashtrea?"

Agad kong hinarang ang hintuturo sa labi niya dahil natural na malakas ang kaniyang tinig.

"Huwag kang maingay, Lena. Baka marinig ka ni Ina," mahina kong wika at inilipat sa labi ko ang hintuturo.

Lalong kumunot ang noo niya.

"Ano naman kung marinig ka ng iyong ina? Bakit? Saan ka ba magtutungo?" tanong niya, mas mahina kumpara kanina.

"Sa palasyo, pupuntahan ko si Prinsipe Savion. Kapag narinig akong aalis ni Ina ay baka bigla iyong lumabas sa silid niya at pagbawalan ako. Kaya huwag kang maingay." Isinabit ko ang orasan sa baywang ko, dapat bago siya magising ay makabalik agad ako rito.

"Bakit ka naman niya pagbabawalan?" Dinala niya ang dalawang kamay sa baywang, tila natatawa pa sa aking sinabi. "Sino naman ang magbabawal sa isang binibini na makipagkita sa isang prinsipe? Hindi lamang basta ginoo kung hindi prinsipe. Kung ako nga yata ang iyong ina ay ipakakasal ko na agad kayo para hindi na siya makawala pa." Mahina siyang tumawa at bahagya pang lumapit sa akin. "Hindi ba ay tila noong isang araw ay masaya pa siyang ipinagmamalaki na kaibigan mo ang ikalawang prinsipe ng Peridos. Ano ang nangyari?"

Bumuntong hininga ako, naalala ang mga nakaraang pagpapaalam ko kay Ina na pupunta ako sa palasyo at ang mga sinabi niya kanina noong nasa karwahe kami. Ano nga ba ang nangyari, Ina? Bakit biglang nagbago ang isip mo tungkol sa prinsipe?

"Hindi ko rin alam, Lena. Basta ngayon ay ayaw na niyang makipaglapit ako sa prinsipe. Nais ko naman siyang sundin dahil siya ang aking ina ngunit nais ko ring makita si Prinsipe Savion sa huling pagkakataon bago ako umalis," wika ko, may bakas ng lungkot.

Napatitig siya sa akin, nawala ang mapaglarong ngiti. Unti-unting naramdaman ang kaseryosohan ng aking sinabi.

"Huling pagkakataon? At saan ka naman magtutungo?" tanong niya na tila iyon lang ang narinig sa aking sinabi.

Hinawakan ko ang braso niya. "Hindi mo nga pala alam. Sasama ako kay Ama sa Larivia bukas, doon siya itinalaga dahil sa nagsisimulang kaguluhan sa hangganan." Inalis ko ang kamay sa kaniya at muling tiningnan ang orasan, ilang minuto na ang naubos namin.

"Sasama ka sa Larivia? Bakit?"

Tumingin ako sa kaniya, tipid na nakangiti. Hindi ko alam kung ano ang totoo kong mararamdaman, matutupad ko na ang aking pangarap ngunit maiiwan ko ang prinsipeng tinatangi ko. Gustong-gusto kong maging masaya ngunit may parte sa akin na nalulungkot.

"Sinabi ko na sa kanila na nais kong maging heneral at pumayag naman si Ama, si Ina ay hindi pa masyadong buo ang loob na tanggapin ngunit alam kong kalaunan ay ngiti ang ibibigay niya sa akin oras na makamit ko ang aking pangarap. Nais ni Ama na sumama ako sa Larivia upang sanayin ako, na hindi ko naman tinanggihan. Sino ba naman ako upang tanggihan ang magiting na heneral?"

Nanlaki ang mata niya, kalaunan ay napangiti rin at tumango-tango. "Mabuti kung ganoon, Ashtrea. Matutupad mo na ang pangarap mo, masaya ako para sa iyo. Husayan mo ang pagsasanay at mag-iingat ka palagi roon dahil ang alam ko ay delikado sa Larivia."

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon