PINAGHAWAK ko ang mga kamay ko upang mabawasan ang panlalamig nito at tinanaw ang mga nagniningning na bituin sa madilim na langit habang hinihintay ang pagdating ni Savion. Mag-isa lamang ako rito sa ilalim ng puno ng sopya, ang punong may pakurbang tulay. Ito ang gitnang pagitan ng daan patungo sa palasyo at sa aming tahanan kaya ito ang napili kong lugar upang magkita kami. Isa pa ay wala ng nilalang ang dumaraan dito ngayon dahil malalim na ang gabi.
"Dumating ka, pakiusap." Ilang ulit ko na yatang nabanggit ang mga salitang iyon ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Nangangamba na ako na baka hindi siya dumating ngunit malaki ang pag-asa ko na darating siya maya-maya lamang. Darating siya.
Humarap ako sa punong patuloy ang pagsayaw dahil sa pag-ihip ng malamig na hangin, nanunuot ito sa aking balat ngunit isinasantabi ko lamang dahil okupado ng prinsipe ang isip ko.
"Bakit kaya ang tagal niya? Nagdadalawang-isip ba siyang makita ako?" malungkot kong tanong, kinakausap ang mga dumaraang dahon sa harap ko. "Ang ganda ng paghihiwalay namin kahapon at sobrang saya ko pa noong nalamang pareho pala kami nang nararamdaman ngunit bakit tila ayaw niya na akong makita ngayon? Naniniwala ba siya sa kung anuman ang mga sinabing kasinungalingan ni Karim sa kaniya?"
Bumuntong hininga ako upang pawiin ang pangamba sa aking puso. Darating siya. Alam kong darating siya.
Maya-maya pa'y napangiti ako nang marinig ang yabag na papalapit sa likod ko. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa pananabik at bigla ay tila nawala ang bigat sa aking puso. Dahan-dahan akong humarap dito ngunit agad na nawala ang ngiti ko nang makita kung sino ito.
"Calem," sambit ko sa pangalan niya, hindi itinago ang pagkabigo sa aking tinig. Lumingon pa ako sa likod niya at sa paligid upang hanapin si Savion ngunit kahit bakas niya ay hindi ko matagpuan. "Anong nangyari?" bagsak ang balikat kong tanong.
"Umuwi na tayo," kunot-noong aniya. Maging siya ay nainip na sa paghihintay sa pagdating ng prinsipe.
"Natanggap niya ba ang mensahe?" umaasa ko pa ring tanong. Hindi ako uuwi hangga't hindi ko nasisilayan ang mukha niya. Hindi.
"Oo, sigurado akong natanggap niya dahil kay Amel ko iyon ipinaabot."
"Kung gayon ay alam kong darating siya!" Muling sumibol ang pag-asa sa akin, nanabik sa presensya ng prinsipeng aking tinatangi.
Umiling siya, naging seryoso. "Kung darating siya ay kanina pa sana. Ilang oras ka nang naghihintay dito ngunit wala pa rin siya." Hinubad niya ang suot na balabal at isinampay sa balikat ko. "Nilalamig ka na, umuwi na tayo."
"Hindi naman ako nilalamig." Hinawakan ko ang balabal ngunit ipinilit niya iyon sa akin nang manginig ako sa muling pag-ihip ng hangin. Mahaba naman ang manggas ng suot ko ngunit inaabot pa rin ng lamig ang balat ko dahil kanina pa ako narito, tila ngayon ko lang iyon naramdaman dahil sinabi niya.
"Umuwi na tayo," ulit niya sa mariing tinig.
"Sandali na lang, Calem. Darating na iyon, kaunting hintay na lamang," giit ko pa. Kahit unti-unti nang naglalaho ang pag-asa ko. Gusto kong magalit sa kaniya dahil kailangan niya pa akong yayaing umuwi gayong malapit lang naman ang aming tahanan at kayang-kaya kong umuwi mag-isa. Hindi naman niya kailangang hintayin din si Savion, maaari naman siyang umuwi kahit kailan niya gusto.
"Ashtrea," puno ng kaseryosohang aniya, hudyat na nawawalan na siya ng pasensya. Ganoon din naman ako ngunit pinipigilan ko lamang sa pag-asang darating siya at hindi ako bibiguin.
Ang galit na umuusbong sa akin ay napalitan ng luha dahil sa sobrang pagkasiphayo. Itinakip ko ang dalawang kamay sa mukha ko upang hindi niya iyon makita ngunit huli na.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasiAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...