Kabanata 20

127 3 0
                                    

TINIPON ni Ama ang lahat ng kawal sa harapan ng kampo. Nasa tabi niya ako habang nagsasalita siya, ako naman ay pinagmamasdan ang mga kawal na seryosong nakikinig sa kaniya. Bakas ang respeto at paghanga sa mga ito.

"Ang huling heneral na namumuno rito ay napag-alamang nakikianib sa mga barbarong nagmula sa kaharian ng Meressu kaya hinatulan siya ng kamatayan kasama ng mga nahuli sa kapitolyo ng ating kaharian," dugtong ni Ama sa mga nauna niyang sinabi. Gulat akong napatingin sa kaniya ngunit nanatili siyang seryoso.

Hindi ko alam ang bagay na iyon. Kaya pala dalawang bayan na ang nasakop ng mga barbaro ay dahil traydor ang dating heneral. At ang mga nahuling tinutukoy niya ay ang mga humarang sa amin.

Maging ang ilang kawal ay nagulat, ngunit mas marami sa kanila ay tila alam na ang katiwaliang nangyayari noon dito.

"At alam nating lahat na hindi basta mauubos ngayon ang mga barbarong ito na nagkalat dito sa Larivia dahil sa pagdami nila. Kaya gagawin natin ang lahat upang malipol sila at maibalik ang kapayapaan sa ating lupain. Ngayong ako na ang mamumuno ay sisiguraduhin kong magtatagumpay tayo, abutin man ito ng matagal na panahon." Inilibot niya ang paningin, mas determinadong tiningnan ang mga kawal. "Ito ang simula ng inyong mahigpit na pagsasanay at sa paglipas ng tatlong araw ay babawiin natin ang bayan ng Hezias sa mga hangal na barbaro."

Nagtanguan ang lahat na siyang ginaya ko. Sigurado akong magpagtatagumpayan ito ni Ama. Sa istrikto niyang pamumuno ay mas magiging determinado ang kaniyang hukbo sa pagkamit ng aming hangarin, ang maubos sa Peridos ang mga barbarong nagmula sa Meressu. Ang kapayapaan ng aming lupain.

"Paslangin ang mga Meressuan! Paslangin ang mga barbaro!" matapang na sigaw ng isang kawal na siyang sinundan ng iba pa, nakataas ang isang kamao sa ere.

Matalim ang kanilang mga mata, puno ng katapangan ang tindig, handa sa pagharap sa mga kalaban. Hindi natatakot kahit ang kanilang isang paa ay nakabaon sa hukay sa gitna ng digmaang susuungin. Labis kong hinahangaan ang determinasyong nakikita ko sa kanila.

Nahugot ko ang aking hininga habang pinagmamasdan ang tagpong ito. Tila may nabuhay sa aking loob, determinasyon, lakas ng loob at kasiyahan. Mas nagkaroon ako ng dahilan upang matupad ang aking pangarap. Nais kong lumaban. Nais kong ipagtanggol ang aking kaharian. At nais kong maging isang magiting na mandirigma katulad ng mga nilalang na nakikita ko sa aking harapan ngayon.

Ipinapangako ko sa aking sarili na pag-iigihan kong mabuti hanggang sa maging isang ganap akong mandirigma katulad nila. Ganitong mga nilalang ang nais kong makasama sa pagsuong ko sa laban, sa pag-abot ko ng aking pangarap.

Matapos ang ilang sandali ay muling nagsalita si Ama bago ako ipinakilala sa buong hukbo.

"Ito ang aking anak na si Ashtrea, tulad ko ay nais niyang maging isang heneral sa hinaharap kaya dinala ko siya rito upang makita niya kung paano talaga ang maging isang mandirigma. Magsasanay siya katulad ng iba pa na bago lamang pinapasok ang ating mundo. Huwag ninyo siyang ituring bilang anak ng inyong heneral kung hindi isang nilalang na nais maging mandirigma katulad ninyo."

Nakaramdam ako nang kaunting kaba nang sa akin naman nila itutok ang mga mata. Gayunpaman ay hindi ko ito ipinahalata, ngumiti ako at bahagyang yumuko bilang pagbati na ginaya rin nila.

"Ikinagagalak kong makilala kayong lahat," nakangiti kong wika, at sumeryoso katulad ni Ama kanina. "Sabay-sabay nating pagtatagumpayan ang lahat dito sa Larivia."

"Magtatagumpay tayo!" sigaw ni Soren.

Napatingin ang lahat sa kaniya, walang reaksyon ngunit makalipas ang ilang sandali ay ginaya siya ng mga ito hanggang sa muli silang nag-ingay.

"Magtatagumpay tayo!"

Muli akong napangiti at bumaling kay Ama. Tipid siyang gumanti ng ngiti sa akin at marahang tinapik ang aking balikat, ang mga mata niya'y tila ipinagmamalaki ako. At dahil doon ay mas lalong nag-alab ang puso ko sa pagnanais na maging katulad niya. Noon pa man ay ginusto kong makita sa mga mata niya ang paghanga sa akin at pagmamalaki na anak niya ako. At ngayong unti-unti ko na iyong nakukuha ay ipinapangako kong hindi ko siya bibiguin.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon