"ASHTREA! Ashtrea!" ang boses na nagpagising sa diwa ko.
Marahan kong idinilat ang mga mata ko.
Tumambad sa akin ang gulat na mukha ni Diego na tila hindi pa inaasahan ang paggising ko, napabitaw rin siya sa balikat ko na kanina niya pa yata niyuyugyog.
Muli akong pumikit at dumilat. Nang mapakiramdaman ko ang paligid ay napagtanto kong nakahiga ako sa mga dayami.
Agad akong bumangon upang harapin siya.
"Anong nangyari? Nasaan tayo?" kunot-noo kong tanong at inilibot ang paningin sa paligid. Nasa loob kami ng kulungan ng hayop, walang hayop ngayon dito ngunit matapang ang masangsang na amoy na nanunuot sa ilong ko. Isang mahinang lampara na nakasabit sa mababang bubong ang nagbibigay liwanag sa paligid, halos wala akong makita. Huminto ang tingin ko kay Soren na nasa tabi ko, mahimbing ang tulog.
"Hindi mo natatandaan? Gaano ba karami ang nasinghot mong itim na usok?" aniya sa nanlalaking mata at inilapit ang mukha niya sa akin. "Dinukot tayo ng mga barbaro!" mahina niyang singhal na tila nais akong gisingin.
Doon lamang tuluyang bumalik ang ulirat ko, bumalik din ang huli kong alaala bago ako mawalan ng malay ay sa gitna ng kagubatan. Nanlaki ang mga mata ko.
"Kailangan nating makatakas dito!" mahina kong sigaw. "Siguradong hinahanap na tayo nila Ama."
Bumaling ako kay Soren at hinampas ang dibdib niya upang gisingin siya ngunit nanatili itong hindi gumagalaw.
"Ang tagal ko na siyang ginigising ngunit napakahimbing ng kaniyang tulog." Hinawakan niya ang balikat ko, ang mga mata'y tila naluluha. "Buti na lamang ay gumising ka na. Malapit na akong mawalan ng pag-asa kanina."
Mahina akong napabuga ng hangin at hinayaan siya sa kaniyang pagdadamdam. Habang nakikinig sa sumunod pa niyang sentimyento ay itinapat ko ang hintuturo ko sa ilong ni Soren, napahinga ako ng maluwag nang maramdaman na humihinga pa siya.
"Buhay pa naman siya, Ashtrea. Ilang beses ko na iyong sinigurado," bulong muli ni Diego, bahagyang lumayo sa akin. Tumango-tango ako.
Muli kong inilibot ang tingin sa paligid upang makiramdam. Mula sa labas ng kulungang ito ay naririnig ko ang tawanan at malalakas na boses ng mga nilalang. Marahil ay nasa Mostair kami ngayon, ang huling bayan na nais naming mabawi sa mga barbarong ito. Ngunit hindi ako sigurado.
Sinundan ko ng tingin ang dumaang liwanag ng apoy sa maliliit na siwang sa dingding habang kinakausap si Diego.
"Kailan ka pa nagising, Diego?"
"Kagabi pa, Ashtrea. Gutom na gutom na nga ako ngunit walang barbaro ang pumapasok dito upang bigyan tayo ng pagkain na tila ba alam nilang wala pa rin tayong malay hanggang ngayon."
Agad akong napalingon sa kaniya. "Kagabi? Ibig sabihin ay dalawang gabi na tayo rito?!" mahina kong asik.
Nanlaki ang mata niya at agad tinakpan ang bibig ko.
"Huwag kang maingay dahil malalaman nilang gising na tayo!" mahina niyang singhal at agad inalis ang kamay sa akin. "Baka sa halip na pakainin ay saktan lamang nila tayo kapag nakita nila tayong gising. Alam nilang anak ka ng heneral kaya planado ang pagdukot nila sa iyo, sa atin. At hindi ko rin sigurado kung dalawang gabi na nga ba tayo rito. Marahil ay mas matagal. Hindi ko alam."
"Ano pa ang mga narinig mo mula nang magising ka?"
"Nasa Mostair tayo, ang huling bayang pinamumugaran ng mga barbarong ito. Kaya nila tayo dinukot ay para makipagnegosasyon sila sa heneral na huwag galawin ang bayang ito, kung hindi ay papaslangin ka nila." Mahina siyang bumuntong hininga at tumingin sa isang bahagi ang lugar kung saan namin naririnig ang mga barbarong nag-uusap sa labas. "Hindi ko na alam pa ang sunod nilang plano sa atin. Marahil ay pumayag ang heneral kaya buhay pa rin tayo hanggang ngayon at wala pang nagtatangkang magligtas sa atin."
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...