SA PAGMULAT ng aking mga mata ay isang pamilyar na mukha ang bumungad sa akin. Sa sobrang pamilyar ay alam kong nananaginip lamang ako o nag-iilusyon.
"Savion," halos walang tinig.
"Ashtrea," masuyo niyang wika. Pirming magkalapat ang mga labi niya habang ang mga mata'y puno ng emosyong nakatingin sa akin.. pag-aalala, lungkot, galit, sakit.. at pangungulila.
Kinuha niya ang isang kamay ko at mahigpit itong hinawakan na tila anumang oras ay makakawala ako.
"Patawad, mahal ko," dugtong niya pa.
IDINILAT ko ang mga mata ko at agad na bumangon. Sinuyod ko ng tingin ang paligid, ang lugar kung nasaan ako ngayon, ang silid ko sa kampo. Ako lamang ang nandito. Wala si Savion. Doon ko napagtantong panaginip nga lang talaga iyon. Isa pa ay umaga sa panaginip kong iyon hindi tulad ngayon, madilim at tanging ang ilaw lamang ng lampara sa mesa ang nagbibigay liwanag sa paligid.
Marahil ay talagang nais ko siyang makita kaya lumabas siya sa panaginip ko. Dahil sa pangungulila ko ay nag-iilusyon ako. Umaasang narito siya ngayon sa aking tabi upang pahupain ang lahat ng nararamdaman ko.
Bumuntong hininga ako at napatitig sa kawalan. Tila tubig na bumuhos ang mga alaala sa aking isipan, ang lahat nang nangyari bago ako tuluyang makabalik dito sa aming kampo. Pumunta kami nina Diego at Soren sa pamilihan, namasyal, at habang pauwi ay hinarang at dinukot kami ng mga barbaro. Ilang araw bago nagising at tumakas. Nalaman ng mga barbaro kaya tinangka nila kaming hulihin.
Pinatay nila si Diego.
At sinunog ko sila, hindi lamang sila, kung hindi ang buong bayan ng Mostair.
Sinunog ko ang buong bayan ng Mostair.
Napatingin ako sa mga palad ko. Hindi ko akalaing kaya kong gawin ang bagay na iyon. Nadala ako ng galit dahil sa pagpatay nila kay Diego, sa aking kaibigan.. at kapatid.
Tila piniga ang puso ko.. kakaibang pait at pighati ang unti-unting lumulukob dito.
"Hindi ko ginusto iyon..." mahina kong wika kasabay nang pagbalik ko sa pangyayaring iyon.
Purong pula lamang ang nakikita ko, repleksyon ng nag-aalab kong galit. Habang ang pandinig ko ay napupuno ng mga nahihirapang tinig, pagtangis at pagmamakaawa. Ngunit gayunpaman ay hindi ako nakaramdam ng awa para sa kanila. Tila natutuwa pa ako sa lahat ng iyon. Dahil unti-unti niyong napapawi ang galit na nararamdaman ko. Wala akong puso.
Hindi ko napigilan ang sarili ko. Tila ako nasa isang panaginip kung saan ako ang kumokontrol sa lahat ng bagay. Hawak ko ang kanilang mga buhay, at ako lamang ang magdedesisyon kung babawiin ko ba iyon o isasalba ko sila mula sa kaibuturan ng aking galit. Pakiramdam ko ay sobrang lakas ko.
Nagising lamang ako sa boses ng aking ama, sa pagtawag niya sa aking pangalan, puno ng gulat, takot at pagsusumamo.
Doon ko lamang napagtanto na tunay ngang mapaminsala ang aking kapangyarihan.
Ganoon din ang kapangyarihan ni Ama, na minana naming magkapatid. Ngunit kailanman ay hindi niya iyon ginamit sa gitna ng digmaan, dahil walang kinikilala ang apoy, tutupukin nito ang lahat ng madaanan ng kaniyang alab.
At ito ang ikinatatakot namin ni Calem kaya nangako kaming hindi gagamitin ang aming kapangyarihan. Ngunit sadyang matigas ang aking ulo. Nagpatangay ako sa bugso ng aking damdamin. Nagpatangay ako sa alab ng aking galit. Iniligaw ko ang aking sarili sa karimlan.
Sa pagsasanay ko rito sa Larivia upang maging isang mandirigma ay iyon ang unang beses na pumaslang ako ng nilalang.. nang kalaban. Sa mga nagdaang pagsama namin sa pakikipaglaban sa mga barbaro ay hindi pa ako nakakapatay dahil natatakot akong gawin iyon. Hindi ako handang mabahiran ng dugo ang aking mga kamay.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...