Kabanata 27

113 5 0
                                    

NAPAILING ako habang binabasa ang sulat ni Ina. Muli ay pinipilit na naman niya akong akong umuwi. Sumandal ako sa punong nasa likod ko at tumitig sa magandang tanawin sa aking harapan. Narito ako ngayon sa isang bundok dito sa Larivia, namamasyal. Ginagawa ko ito isang beses sa isang buwan upang malibang ako.

Ashtrea,

Apat na taon at mahigit na noong muli kitang makita, anak ko. Umuwi ka na, nasasabik na akong mayakap ka. May mga gabing hindi ako makatulog kapag naiisip ko ang iyong kalagayan sa lugar na iyan. Ngunit alam kong kayang-kaya mo ang iyong sarili dahil malakas ka at matapang. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako ng minana mo iyan sa iyong ama.

Umuwi ka na. Panatagin mo ang loob ko, aking anak, umuwi ka na sa piling ng iyong ina at ng iyong pamilya.

Araw-araw kitang ipaghahanda ng masarap na pagkain sa oras na umuwi ka. Mahal na mahal kita.

Audra

Isang taon muli ang lumipas. Oo, apat na taon na akong nandito at hindi pa ako handang iwan ang lugar na ito. Malapit na ito sa aking puso.. na para bang dito talaga ako nararapat. At tila ba nandito talaga ang buhay ko.

Hindi ko naman nakakalimutan ang pangarap kong maging heneral. Ngunit.. ang totoo ay hindi pa talaga ako handang bumalik sa kapitolyo. Hindi ako handang makitang muli si Savion. Hindi ko alam ang mararamdaman ko kung magkikita kami. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko.

Minsan ay pinagsisisihan ko tuloy ang pagtatanong kay Calem noon tungkol sa kaniya. Isang buwan matapos ang nangyari sa Mostair ay naging buo ang loob ko na magpadala ng sulat kay Calem upang itanong kung kumusta na nga ba ang ikalawang prinsipe ng Peridos. Iyon ay dahil hindi siya mawala sa isip ko simula noong makita ko siya noong gabing pinaslang ko ang mga barbaro gamit ang nagngangalit kong apoy.

Kahit na alam kong namalikmata lamang ako ay paulit-ulit na sumasagi sa aking isipan ang imahe niya. Kung paanong nagtama ang aming mga mata. Kung paanong tila huminto ang mundo para sa akin.

Ayaw ko mang aminin noong una ay tila totoo siya sa mga sandaling iyon dahil sa kaniyang wangis. Kapansin-pansin ang pagbabago sa kaniyang hitsura at postura. Kahit madilim noon ay malinaw kong nakita na lalo siyang gumwapo, bahagya ring lumaki ang kaniyang katawan.

Saglit lamang ang sandaling iyon ngunit hindi ko makalimutan. Na tila ba nababaliw na ako.

O sadyang imahinasyon ko lamang ang lahat ng iyon upang mapalubag ang aking damdamin.

NGUNIT sa sulat na natanggap ko mula kay Calem ay hindi ko nagustuhan ang naging sagot niya. Hindi ko matanggap. Dahil umaasa akong hindi nagbago ang nararamdaman niya katulad ng pagmamahal ko.

Hindi ko inaasahan na tatanungin mo ako tungkol sa kaniya dahil hindi naging maganda ang ginawa niya sa iyo noong gabing nais mo siyang katagpuin. Akala ko ay nakalimutan mo na siya. Ngunit sa sagot kong ito, sana ay maliwanagan ka na ngayon sa totoo mong nararamdaman, kambal ko. May kasintahan na si Prinsipe Savion, ang ikalabing apat niyang kasintahan na siyang pinakamatagal dahil umabot na ito ng tatlong buwan.

Kalimutan mo na siya, Ashtrea. Ang pagtuunan mo na lamang ng pansin ay kung paano mong maaabot ang iyong pangarap na maging heneral katulad ng ating ama.

Ilan lamang iyon sa parte ng sulat ni Calem na sadyang nakaagaw ng aking atensyon. Nabitawan ko ang sulat at napatulala ako sa puno ng sopya na nasa aking harapan.

Tila pinipiga ang puso ko. Biglang pumatak ang luha sa mga mata ko. Hindi ko ang alam na sa kaunting linyang nabasa ko ay sobrang masasaktan ako.

Bakit, Savion? Bakit? Hindi ko maintindihan.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon