Kabanata 35

113 5 0
                                    

"NAPAKAGANDA mo ngayon, Ashtrea," wika niyang muli.

Pilit kong inalis ang inis na nararamdaman sa kaniya, pinupuri lang naman niya ako kaya walang masama kung kakausapin ko siya. Kakalimutan ko muna na hindi ko siya gusto dahil nandito kami upang magsaya.

"Matagal na akong ganito kaganda." Pinigilan ko ang pag-irap nang lingunin siya. "Kay kisig mo rin, Prinsipe Karim. Ang daming binibini ang humahanga sa iyo. Bakit hindi ka mamili sa kanila ng nais mong isayaw? Siguradong makukumpleto mo ang gabi nila." Sinuyod ko ang tingin sa paligid.

Mahina siyang tumawa. Alam niyang tinataboy ko na siya kaya kunot-noo akong tumingin sa kamay niyang inilahad sa akin.

"Ikaw ang gusto kong makasayaw, Ashtrea. Ikaw lamang," mataman niyang wika.

Saglit akong napatingin sa mga mata niya, hindi ko gusto ang nakikita ko roon kaya umiwas na lamang ako. Iyon ang pilit kong binawaliwa noon dahil nakatatak na sa isip ko na walang katotohanan sa mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Ngunit ngayon ay nadedepina ang pagiging tapat at totoo niya sa mga sinasabi. Ayoko.

Marahil ay nanibago lamang ako dahil matagal ko siyang hindi nakita at nakasalamuha. Napapansin ko ang mga binabaliwala ko noon. Gayunpaman ay hindi naman magbabago ang pagtingin ko sa kaniya. Mananatili siyang isang estranghero sa akin dahil isang nilalang lamang ang nagmamay-ari ng aking puso.

"Kumpletuhin mo ang gabi ko," dugtong pa niya.

Mahina akong bumuntong hininga at ipinatong ang aking kamay sa kaniya. Hindi na rin naman masama kung pagbibigyan ko siya. Tulad ng sinabi ko ay nandito kami upang magsaya, saglit na kalimutan ang mga negatibong bagay. Isa pa ay hindi na rin ito mauulit, isang beses ko lang kayang tanggapin ang kamay niya.

Matamis siyang ngumiti habang iginigiya ako patungo sa gitnang bahagi ng bulwagan. Kusang humahawi ang mga nilalang upang bigyan kami ng daan, ang mga mata'y tila lawin na nakatingin sa amin. Ang iba'y namamangha.

Mula sa dagat ng mga nilalang ay nahagip ko ang paningin ni Savion, tila may hinahanap ngunit nang mapalingon sa akin ay huminto at tuwid na tumayo upang panoorin kami. Nakita ko ang kabang dumaan sa kaniya, ngunit kalaunan ay napalitan iyon ng kaseryosohan, umigting ang panga niya at naging mariin ang mga mata.

Napawi lamang ang mata ko sa kaniya nang marahan akong higitin ng prinsipeng kasama. Nanatiling magkahawak ang mga kamay namin, habang ang isa niya pang kamay ay dumapo sa baywang ko, patungo sa aking likuran kaya mas lalo akong napalapit sa kaniya.

Tahimik akong suminghap ngunit nang makabawi ay mariin ang naging titig ko sa kaniya. Hindi ako komportable sa manipis naming distansya. Ang labi niya'y nabahiran ng mapaglarong ngiti.

"Gusto ko ang distansyang ito, abot kamay ko ang aking pangarap," mababa at magaspang ang tinig.

Inilagpas ko ang aking mga mata, binabaliwala ang sinabi niya. Sinabayan namin ang mabagal na saliw ng musika, sa pag-ikot namin ay muli akong napatingin kay Savion, na ganoon pa rin ang ayos.

"Ayos lamang sa akin ang pakikipaglaro mo sa aking kapatid.. dahil alam ko na sa dulo ay sa akin ka pa rin."

Kumunot ang noo ko, mariin kong itinikom ang labi. Hindi ko gusto ang tono niya. Gayunpaman ay nanatili akong tahimik, ayaw sirahin ang ilusyon niya. Masyadong maganda ang gabi at lugar na ito para makipagtalo sa kaniya.

Ilang sandali pa ang lumipas nang makahinga ako ng maluwag nang marinig na papatapos na ang musika. Tila napakatagal nang sayaw na ito. Ito ang unang beses ko sa ganito karangyang piging ngunit siya pa talaga ang una kong nakasayaw.

Gusto kong pagsisihan na tinanggap ko ang alok niyang sayaw ngunit sa huli ay ipinagkibit balikat ko na lamang.

Bago pa man matapos ang musika ay muli siyang nagsalita. Naging mahigpit ang hawak niya sa akin, mas lalo akong hinapit dahilan upang tumama ako sa matipuno niyang dibdib. Nagulat ako roon kaya hindi agad ako nakabawi, lalo pa nang ilapit niya ang labi sa tainga ko.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon