1

4.1K 4 0
                                    

Kinakabahan ako. Pakiramdam ko ngayon ay para akong maiihi sa aking pantalon habang nakaupo sa harap ng mesa ng gynecologist. Pinagpapawisan ang palad ko kahit hindi naman ito pasmado. Nang lumingon ako sa aking asawa na si William ay kalmado lamang itong nakaupo sa katabi kong silya habang nagbabasa ng magazine. Para bang normal lang sa kanya ang lahat at tila wala kaming problemang pinagdadaanan. Ganun naman talaga siya. Simula nang magsama kami ay hindi ko siya nakitang mag-alala sa mga bagay na kailangan naming pagtuunan ng pansin. Para sa kanya, bawat problemang pinagdadaanan namin ay may solusyong kusa na lang mahuhulog mula sa langit.

Naputol lamang ang pag-iisip ko nang bumukas ang pinto at saka pumasok ang doktora. Kagaya ng dapat asahan, nakasuot ito ng white coat sa ibabaw ng purple blouse nito na pinaresan ng itim na slacks na pantalon. May edad na si Doktora Reyes na sa tingin ko'y lagpas singkuwenta na. Mahahalata mo ito sa mga kulubot niya sa kanyang noo at ibaba ng mga mata. Bukod pa ang mga hibla ng puting buhok sa kanyang ulo. May bitbit itong kulay puting folder na inilapag sa ibabaw ng kanyang mesa at saka naupo.

"Pasensiya na kung pinag-antay ko kayo," wika niya sa amin ni William habang nakangiti.

Isinara naman ng asawa ko ang binabasa niyang magazine at saka umayos ng pagkakaupo. "Okay lang, Dok. Basta ba't may good news kayo sa amin eh."

Muli akong napatingin kay William. Sa loob-loob ko, talagang naiinis ako sa pagiging kalmado niya. Hindi ba niya naiisip kung gaano kaseryoso ang ipinunta namin dito?

"Well, let's keep our fingers crossed." Isinuot ni Doktora Reyes ang kanyang reading glasses at saka binuklat ang dalang folder. Sandali niyang binasa ang nakasulat sa unang papel at saka tumingin sa amin. "Okay, base sa tests na isinagawa ko sa'yo, William, everything seems normal. You have good hormones and good sperm count. Wala akong nakitang diperensiya sa'yo."

Sa gilid ng mga mata ko, nakita kong napatingala sa kisame si William at nakahinga ng maluwag sa kanyang nadinig. "Hay salamat naman kung ganun. Good news talaga 'yan, Dok."

"Eh a-ako ho, dok. Ano hong findings nyo sa akin?" tanong ko sa doktor habang nanginginig ang boses ko at pinipilit kong ngumiti.

"Okay... Ikaw, Sally..." Muling tumingin ang doktora sa mga papeles niya sa harapan. Hindi agad siya nagsalita. Para bang binasa muna niya ng maigi ang nakasulat sa papel at sinaulo. Lalo lamang akong hindi mapakali habang hinihintay ang sasabihin niya. Makaraan ang ilang saglit at isinarado na niya ang folder at tinanggal ang suot na reading glasses at saka tumingin sa akin. "I'm sorry, iha."

'Yun pa lang ang nadinig ko, ngunit parang isang putok na ng baril iyon sa tenga ko.

"Ayon sa test mo, meron akong nakitang ovulatory dysfunction."

"Ho? A-ano hong ibig sabihin nun, doktora?"

"Well, ang ibig lang sabihin nun ay may diperensiya ang ovary mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi ka mabuntis o hindi kayo magkaanak. Medyo abnormal ang pagkakadevelop ng iyong ovary na naging dahilan kung bakit hindi ito nakakapagdevelop ng mga egg cells na kinakailangan para makabuo ng fetus. Although, hangga't hindi ako nakakapagsagawa sa'yo ng further tests, hindi natin eksaktong matutukoy kung anong klaseng abnormality ang meron ka. Kasi nakita ko, regular naman ang menstruation mo. There is no reason para hindi ka makapagdevelop ng mga egg cells. Hayaan mo, iha, magsasagawa pa ako ng mga tests..."

Hindi ko na naintindihan o nadinig ang iba pang mga sinabi ng doktora. Ang tinig niya'y unti-unti nilamon ng kawalan na para bang siya'y nakasakay sa isang papalayong sasakyan. Napansin ko din sa sarili ko na nawala na ang panginginig ng mga kamay ko. Natuyo na din ang pagpapawis ng aking palad. Ang tanging nararamdaman ko na lamang nang mga sandaling iyon ay ang matinding kalungkutan. Sa mga sinabi ng doktor, parang piniga ang puso ko sa sakit. Kahit sino sigurong babae na nangangarap maging isang ina, madudurog at madudurog ang puso niya kapag nalaman niya ang masakit na katotohanan.

Baog ako.

Hindi ko na napigilan ang aking mga luha. Napakasakit isipin para sa akin na hindi buo ang pagkababae ko. Na wala akong kakayahang magsilang ng isang sanggol na tatawagin kong anak at mamahalin ko habang-buhay nang higit sa lahat. Sa loob ng limang taon naming pagsasama ni William, wala akong ibang hinangad o pinangarap kundi ang magkaanak. Sa bawat pagtakbo ng panahon lagi kong tinatanong sa sarili ko kung anong klaseng ina ba ako pagdating ng araw. Masakit lang talaga isipin na guguho ang lahat ng iyon.

"Nadinig mo naman ang sinabi ni Doktora." Para akong nagising mula sa pagkakatulog nang madinig ko ang boses ni William. Ngayon ko lang namalayan na nasa loob na pala kami ng taxi at pauwi na ng bahay. Dahil sa kalungkutang nararamdaman ko, hindi ko na nalaman kung ano ang mga sumunod na nangyari. Hindi ko na namalayan na natapos na pala ang ginawa naming pagpapakonsulta sa doktor. Nakalabas na pala kami ng klinika. "Ikaw ang may diperensiya at hindi ako."

Napatingin ako sa kanya habang nakaupo siya sa kanan ko. "Anong ibig mong sabihin?"

"Wala," kibit-balikat niya. "Sinasabi ko lang sa'yo kung ano ang sinabi ng doktor. Baka hindi mo naintindihan."

Ang mga mata kong basa pa ng luha'y biglang tumalim ng pagkakatitig kay William. Diretso lang siyang nakatingin sa harapan at hindi sa akin kaya't hindi ko lubusang makita sa mga mata niya kung ano ba ang gusto niyang ipahiwatig. "Sa tingin mo, alin doon ang hindi ko naintindihan? Ganun ba kabobo ang tingin mo sa akin at sa akala mo'y walang pumasok sa utak ko?"

"Sally, ipinapintindi ko lang sa'yo..."

"Na ano? Na baog ako? Na may diperensiya ako at hindi ako magkaka-anak? Ganun ba?" Nang mga sandaling iyon, muli kong naramdaman na nagbabadya na namang pumatak ang mga luha ko dahil sa bugso ng damdamin. Ngunit nagpigil ako dahil nakita kong sumusulyap sa amin ang driver ng taxi mula sa kanyang rear-view mirror. At upang itago ko ang aking pagtitimpi, itinuon ko na lang ang paningin ko sa labas ng bintana ng sasakyan. Sa mga tanawing aming nadaraanan. At sana, manahimik na lang si William at 'wag nang pahabain pa ang walang kuwenta naming usapan.

"Aba, bakit ka nagagalit sa akin?"

Estupido!

"Dahil napakawalang-kuwenta ng mga lumalabas sa bunganga mo. At para sa ikatatahimik mo, oo, naintindihan ko ang mga sinabi ng doktor. Malinaw sa akin ang lahat at hindi mo na ito kailangang ipamukha sa akin. Ikaw na ang magaling. Ikaw na ang perpekto at walang diperensiya sa katawan."

"'Yan ang mahirap sa'yo, Sally eh. Pinapalaki mo ang isyu kahit hindi naman dapat. Tapos, ikaw pa 'tong may ganang magalit sa akin. Eh ano ngayon kung baog ka? Nakita ko kasi kanina na umiiyak ka habang nandun tayo sa clinic ni doktora. Ang akin lang, baka hindi mo masyadong naintindihan ang mga sinabi niya kaya't inuulit ko lang sa'yo. Ano bang masama sa mga sinabi ko? Eh totoo naman lahat."

Muli ko siyang pinukulan ng matalim na titig. Nang mga sandaling iyon, kung matalas lang talaga ang tingin ko'y baka nahati ko na ang katawan ni William sa gitna. "Nadidinig mo ba ang sarili mo? Sinasabi mo na hindi ito malaking isyu? Ano 'to sa tingin mo? Ha? Alam mo ba kung ano ang nararamdaman ko ngayon? Sa tingin mo ba'y madaling tanggapin sa akin 'to? Wala kang alam sa nararamdaman ko. Wala!"

"Masyado ka lang madrama sa katawan."

Alam ko, kahit na anong sabihin ko'y walang pupuntahang maganda ang usapan naming ito. Masyadong makitid ang utak ni William para maintindihan ang nararamdaman ko. Kaya't kahit nanginginig ako sa inis sa kanya'y pilit ko na lang kinalma ang sarili ko't nanahimik sa kinauupuan ko hanggang sa makarating kami sa bahay.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon