"Excuse me. Magandang hapon ho."
Napalingon ako sa aking likuran. Nasa harap ako ng pintuan ng aming bahay at kararating lang mula sa trabaho. Hindi ko na naituloy buksan ang nakakandado naming pinto dahil sa malalim at malamig na boses ng isang lalaki sa aking likuran. "Bakit po?"
"Dito po ba nakatira si William?" Tumingin siya sa screen ng hawak na cellphone sandali bago muling bumaling sa akin. "William Quintos po."
"Dito nga." Humarap na din ako ng maayos sa estranghero dahil nacurious ako kung bakit niya hinahanap ang asawa ko. "Ako ang asawa niya. Bakit mo siya hinahanap?"
"Pasensiya na po. Itinuro lang ho sa akin 'tong bahay nyo. Pinapupunta ho ako dito ng may-ari ng bahay. Si Kuya Danny Aragon. Pinapaupahan daw kasi niya 'yung kabila nyo. Hanapin ko na lang daw si William para makita ang bahay."
Napatango ako. "Ganun ba? Eh... wala kasi dito si William. Umalis. Hindi ko alam kung anong oras uuwi."
"Naku! Hindi ko na ho siya mahihintay kung sakali. Nanggaling pa kasi ako sa probinsiya. Naparito lang ako para tingnan 'yung bahay. Mamaya ho kasi babalik na din ako."
"Ganun ba?" pag-uulit ko sa una ko nang sinabi. Sa totoo lang, medyo nag-aalangan ako. Although totoo ang sinabi niya na si Kuya Danny nga talaga ang may-ari ng bahay, pero ayoko pa ding magtiwala. Mahirap na. "Pa'no ba 'to?"
"Sandali lang." Nagdial ang lalaki sa kanyang cellphone at saka hinintay na sumagot ang tinatawagan. Hindi naglaon... "Hello? Kuya Danny? Oho, nandito na ho ako sa bahay. Kaso wala dito 'yung William... Opo... Opo... Meron ho... Ano pong pangalan nyo, mam?"
"S-Sally."
"Kuya Danny, Sally daw po... Opo..." Iniabot niya sa akin ang kanyang telepono. "Kakausapin daw po kayo."
"Hello?"
Bumungad sa tenga ko ang paos na boses ng matandang si Kuya Danny. "Sally, nariyan 'yung anak ng kaibigan ko't titingnan 'yung bakanteng bahay. Wala yata dyan si William."
"Umalis ho, Kuya eh. Hindi ko alam kung anong oras babalik."
"Iha, baka puwede mong ipagbukas ng pinto ang batang 'yan. Ipakita mo lang sa kanya ang loob ng bahay."
Napasulyap ako sa lalaking nakatayo sa aming bakuran. Mukhang nagkakamali yata si Kuya Danny ng pagsasalarawan dito sa lalaki. Tinawag niya kasi itong bata, bagama't sa tingin ko'y lagpas na ng trenta ang edad nito. "Sige ho. Walang problema." Matapos ang aming pag-uusap ni Kuya Danny ay ibinalik ko na ang telepono sa lalaki. "Sandali lang. Kukunin ko lang ang susi."
"Salamat ho."
Pumasok ako sa loob ng aming bahay at kinuha mula sa aming kuwarto ang susi ng kabila. Hindi naman ako nagtagal. Maya-maya pa'y nakalabas na ulit ako at saka ko binuksan ang pinto ng bakanteng bahay. Agad na sumalubong sa amin ang malamig na hangin mula sa loob at ang amoy ng alikabok na matagal-tagal na ding hindi nalilinis. Pagpasok namin sa loob ay tumayo ako sa gitna ng bakanteng salas at saka ko hinayaan ang lalaki na ilibot niya ang kanyang paningin. Napapansin ko pa nga ang manaka-naka niyang pagtango sa kung anumang nakikita niya dito at nagugustuhan. Wala din namang ipinagkaiba ang hitsura at sukat nito sa tinitirhan namin sa kabila. Una ding bubungad sa'yo pagpasok mo ang maliit na salas, at saka pagkatapos ay mararating mo naman ang kusina at dining area na karugtong nito. Maging ang banyo ay narito na din kasama ng kusina. Sa bandang kaliwa ay ang hagdanan naman papunta sa ikalawang palapag kung saan naroon ang kuwarto.
Matapos lumibot ang lalaki sa salas ay nagpunta siya sa kusina at dito naman nag-ikot-ikot. Binuksan pa nga niya ang gripo sa lababo at tiningnan niya din kung gumagana ang ilaw dito. Pagkatapos ay saka naman siya sumilip sa banyo. Nang makuntento sa kanyang mga nakita'y umakyat naman siya sa hagdanan upang tingnan ang kuwarto. Halos mga tatlong minuto din ang itinagal niya sa itaas bago muling bumaba.
"Ilan ho ba kayong titira dito?" tanong ko.
"Ako lang. May project lang kasi ang company namin dito sa Maynila kaya't kinailangan ko ng murang matutuluyan. Hindi kasi praktikal kung mag-uuwian pa ako ng Nueva Ecija araw-araw, diba? Layo-layo nun."
"Engineer ka ba?"
Tumingin sa akin ang lalaki. Ngayon ko lang nabigyan ng buong pansin ang kabuuan ng hitsura nito na hindi ko napagtuunan kanina dahil sa pag-aalangan tungkol sa mga sinabi niya o kung sino talaga siya. Napansin ko sa kabuuang hitsura ang pagiging guwapo nito sa kabila ng mahaba at alon-along buhok na umaabot sa kanyang batok at medyo pinaganda pa ng kulay brown na highlights. Bumagay din sa kanyang mukha ang pagkakaroon ng bigote at balbas na katulad ng kay Jesus. Kung tititigan mo talaga siyang mabuti, mapapagkamalan mo siyang isang sanggano dahil sa hitsura niya. Isabay pa ang kasuotan niyang t-shirt na kulay puti na hapit sa matipuno niyang katawan at pantalong nakadikit na yata sa balat niya. Isa lang ang artistang naisip ko na puwedeng ihambing sa kanya. Si Jason Momoa.
"Mechanical," aniya sabay ngiti. "Diyan lang sa Mandaluyong ang site ng project namin, kaya't medyo praktikal 'tong bahay na 'to sa lapit."
"Anong klaseng project ang gagawin nyo?" medyo naiintriga kong tanong. Naalala ko kasi ang dati kong manliligaw na ngayon ay isa na ding engineer at hanggang ngayon ay hindi pa din ako nilulubayan kahit ako'y may asawa na.
"Well, may isa kasing malaking kumpanya ang bumili ng maraming heavy equipments mula sa ibang bansa. Kami lang ang ipinadala ng kumpanya namin para itest yung mga equipments na 'yun at siguraduhing gumagana. Sa madaling salita, ako ang magmemekaniko ng mga 'yun."
"Ganun ba? So, kukunin mo na 'tong bahay?" Hindi ko alam kung bakit sa pakiramdam ko ay nag-iba ang ihip ng hangin sa paligid. Para akong nakaramdam ng pagka-alinsangan. Tila hindi ako mapakali sa kinatatayuan ko't gusto ko na agad tapusin ang aming pag-uusap. Medyo may pagkawalang modo na kung ganun, pero iba talaga ang pakiramdam ko sa lalaking ito. Hindi naman ako natatakot sa kanya. Ewan ko ba kung ano 'tong pakiramdam na 'to. Hindi ko talaga maipaliwanag.
"Kakausapin ko muna si Kuya Danny. Medyo hindi pa kasi kami nagkakasundo sa presyo ng bahay. Kapag nakausap ko na siya, saka ako magdedecide kung kukunin ko 'to o hindi."
"Okay. Ikaw ang bahala," kaswal kong wika habang pinipigilan ko ang sarili ko na 'wag magpahalata sa kakaibang nararamdaman ko. "Ah, mawalang galang na po. May gagawin pa kasi ako sa bahay..."
"Ah okay. Sure. Pasensiya na din kung naabala kita. Tutuloy na siguro ako. Salamat sa time."
"Okay lang. Walang problema." Tatalikod na sana ako palabas ng pintuan nang muli kong madinig ang malamig at malalim niyang boses.
"Ako nga pala si Bobby."
Paglingon ko'y nakita kong nakalahad ang kanang kamay niya sa akin habang ang mababagsik niyang mga mata'y diretsong nakatitig sa akin. Pakiramdam ko ng mga sandaling iyon ay tinutusok ang laman ko ng mga mata niya. Lalo tuloy nadagdagan ang pagkabalisa ko na para bang sinisilaban ako ng buhay.
"S-Sally na lang." Inabot ko ang kanyang kamay at naramdaman ko ang init nito at gaspang na halatang babad sa trabaho.
"Nice to meet you, Sally." Diyos ko! Bumabaon na nga sa laman ko ang mga titig niya, aba'y dumagdag pa ang ngiti niyang akala mo'y nanghihipo ng katawan.
Nang makaalis na si Bobby ay pumasok na din ako sa loob ng bahay. Ngunit, matapos kong isara ang pintuan sumilip pa ako sa bintana upang sundan siya ng tanaw. Mula dito'y kitang-kita ko siya habang nakatayo sa may di kalayuan at naghihintay yata ng masasakyan pabalik sa kung saan man siya nanggaling. At sa lihim kong pagkakatitig na iyon sa kanya, hindi ko namamalayang napapakagat na pala ako sa labi ko kasabay ng munting kiliting nararamdaman ko sa aking kaibuturan.

BINABASA MO ANG
OVER THE HILL (SPG R18)
Short StoryWARNING!! R18 This is a short erotic story with themes and sexual topics not intended for minors.