15

1.1K 1 0
                                    

"Sally!"

Nadinig kong pagtawag ni Bobby sa pangalan ko. Kalalabas ko lang ng umagang 'yun ng bahay at papunta ako sa ospital. Hindi ko pinansin ang kanyang pagtawag. Bagkus ay dumire-diretso lang ako ng paglalakad habang nakatuon ang mga mata ko sa aking dinaraanan. Iwas na iwas akong mapadako ang mga paningin ko sa kanya. At mula sa gilid ng mga mata ko'y nakita kong binilisan niya ang kanyang paglalakad upang habulin ako. Ganun din ang ginawa ko. Kulang na lamang ay tumakbo ako upang hindi niya ako abutan.

"Sally, sandali. Mag-usap tayo."

"Wala tayong dapat pag-usapan, Bobby."

"At ang nangyari kahapon?"

"Isang malaking pagkakamali 'yun na hindi na dapat maulit pa." Lumilinga-linga pa ako sa paligid habang naglalakad. Nag-aalala kasi ako na baka may makakita sa amin at kung ano ang isipin. Ayokong pagsimulan ng tsismis ng mga kapit-bahay. Mahirap na.

"Sa tingin ko ay hindi pagkakamali 'yun. Pareho nating ginusto ang nangyari. Aminin mo man sa sarili mo o hindi."

Sa bandang kanan ng kalsadang nilalakaran namin, sa bandang kanan ko, ay may nakaparadang isang van na kulay puti. Kumubli ako sa gilid nito habang kasunod si Bobby. Masyado kasi kaming lantad sa mga tao kung dito pa kami mag-uusap o magtatalo. Dapat nga'y hindi namin ito dito pinag-uusapan.

"Ano pa ba ang kailangan mo sa akin, Bobby?" Humarap ako sa kanya nang masiguro kong kahit papaano'y natatakpan na kami ng sasakyan at wala nang makakapansin sa amin. "Nakuha mo na ang gusto mo, diba? Nakuha mo na ang katawan ko. Ano pa?"

"Gusto kong aminin mo sa sarili mo at sa akin na hindi isang pagkakamali ang nangyari sa atin kahapon. Gusto kong ituring mo iyon na isang senyales upang magising ka sa katotohanan na sa akin ka magiging maligaya. Hindi kay William."

"At pagkatapos ay ano? Na hihiwalayan ko ang asawa ko at magsasama tayo ng masaya habang-buhay?"

"Iyon naman ang dapat mangyari. Iyon ang ipinangako ko sa'yo at 'yun ang tutuparin ko."

"Paano ako makakatiyak na tamang desisyon ang sumama sa'yo? Na tamang gawin ang iwanan si William sa ganitong kalagayan niya?"

"Bakit, tama din ba na manatili ka sa kanya kahit hindi mo na siya mahal? Matagal na panahon ka nang nagtiis, Sally. Bigyan mo naman ng kaunting kaligayahan ang sarili mo."

"Na kasama ka, ganun ba?"

"Oo, Sally. Na kasama ako."

Tumayo ako ng tuwid sa harapan niya. "Titigan mo nga akong maigi. Ako. Ang katawan ko. Ang pagkatao ko. Titigan mo akong maigi. May diperensiya akong tao. Hindi ko kayang magbuntis at magluwal ng sanggol na matatawag kong anak. Nagtaksil ako sa asawa ko at nagpagamit ako sa ibang lalaki. Madami akong kapintasan na hindi kayang tanggapin ng mga lalaki. Ito ba ang gusto mong makasama?"

"Kapag sinabi ko ba sa'yong oo, maniniwala ka?" Natigilan ako sa isinagot niya. "Alam mong sa umpisa pa lang ay alam ko na ang lahat ng bagay tungkol sa'yo. Pero kahit isa sa mga sinabi mo'y hindi naging hadlang para hindi kita magustuhan. Para hindi kita mahalin."

"Mahal mo ako?"

"Oo, Sally. Mahal kita. At kung kulang pa ang sinabi ko sa'yong mahal kita, sabihin mo lang kung ano ang gusto mong gawin ko."

"Bobby..." Nalilito talaga ako. Nahihirapan akong timbangin ang lahat ng bagay na nasa harapan ko. "Oo, inaamin ko na. Inaamin ko na gusto ko din ang nangyari sa atin kahapon. Pero hanggang dun na lang 'yun eh. Hindi na puwedeng maulit pa. Unawain mo naman kasi ako. Ang sitwasyon ko. Nagawa ko na ngang magkasala sa asawa ko, ayoko nang dagdagan pa ito. Ayokong iwanan siya sa ganitong kalagayan. Mali ba 'yun? Mali bang irespeto ko pa din ang pinagsamahan namin at ang kasal namin sa kahit na ganung paraan na lang? 'Yun na lang, Bobby. Hayaan mo na lang ako. Please."

"Okay." Tumango-tango siya bilang pagpapahiwatig na naiintindihan niya ang mga sinabi ko. Ngunit nakikita ko sa mga mata niya na hindi niya tanggap sa loob niya ang kanyang mga nadinig. "Sige. Hahayaan kita. Hahayaan muna kita. Gawin mo ang sa tingin mo'y tama. Kapag dumating ang panahon na kailangan mo ako, at kapag dumating ang oras na marealize mo kung saan at kanino ka magiging masaya, alam mo kung saan ako kakatukin."

Sa wakas, wika ng isip ko, lumiwanag din sa isipan ni Bobby ang mga punto ko. Naunawaan din niya kung anong klaseng sitwasyon ang kinatatayuan ko ngayon. "Salamat, Bobby," wika ko na may ngiti sa mga labi. "M-mauna na ako. Baka malate pa ako at abutan ako ng traffic."

Hindi na siya nagsalita pa. Kaya't ako nama'y tumalikod na at naglakad palayo. Muli kong pinakiramdaman ng pasulyap kung sumusunod pa ba siya sa akin. Hindi na.

Mag-isa na lang ako.

OVER THE HILL (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon