"Hoy Miss! Wag mong ituloy!"
"Hindi solusyon yan sa problema!"
"Wag na wag kang tatalon, please!"
Sa taas ng kinatatayuan, hindi dinig ni Elinor kung anuman ang pinagsisigaw ng mga mangilan-ilang taong nasa ibaba na ga-langgam na lang sa kanyang paningin. Kung may pakiramdam lang siguro ay matatawa siya sa mga ito. Nakatingala sa kanya't tila nag-aabang at nababahala sa kung anuman ang kanyang binabalak. Mula sa pinaka-edge ng rooftop ng ten-storey building, hindi inaasahan ni Elinor na may makakapansin pa sa kanya't inakalang balak niyang magpatiwakal.
Wala naman siyang malaking problema, mabigat na pinagdadaanan, pagkakamaling nagawa sa kasalukuyan o kahit na anong dahilan para magpakamatay. Sadyang nakaugalian na niya ang pagtayo sa gilid ng rooftop o sa ledge ng matataas na gusali. Sa ganitong paraan niya hinahanap ang pakiramdam na wala sa kanya.
Sa pagtingin pa lang sa ibaba ay nakakakaba na ang pagkalula ngunit hindi iyon nararamdaman ni Elinor. Dapat nga ay matakot siya dahil alam niyang sa isang maling kilos ay may posibilidad na mawalan siya ng balanse at tuluyang mahulog o kahit papaano ay matawa man lang sana sa mga taong inakalang magbibigti siya. Kung tatalon man siya ay maaring ikamatay, ikaparalisa o ikaputol ng bahagi ng kanyang katawan. Pero bakit wala siyang nararamdaman? Ang pinagkakaabalahan ng isip niya ngayon ay ang pagtataka kung concern ba talaga ang mga taong nakakita o sadyang usisiro lang at inaabangan talaga ang pagtalon niya.
Naalala tuloy niya ang isang palaboy na nasaksihan noon sa highway na na-hit and run pero wala man lang nagbigay pansin rito. Hindi tuloy siya nakapag-take ng practical exam sa Gross Anatomy dahil sa pag-aabala niyang lapitan, asikasuhin at tawagan ng ambulansiya ang palaboy na duguan at walang malay. At nang sabihin niya iyon sa professor ay inakalang nagpabrika lang siya ng kasinungalingan. Hindi siya binigyan ng tyansa kaya incomplete sa subject na 'yon, di na rin siya nag-abalang mag-file ng completion at ni-retake na lang ang subject. Napangiti siya sa alaalang iyon. Iyon marahil ang nakakatawa para sa kanya.
"Tama na cheap thrills." Tawag sa kanyang pansin ng lalakeng kaaakyat lang ng rooftop. "May nag-inform na sa security na may tao dito, mamaya baka lusubin ka pa." Pabiro nitong sabi.
Hinarap ito ni Elinor at humakbang na pababa para lapitan ang humahangos na lalake, inakyat kasi nito mula ground floor hanggang rooftop.
"Pahiram ng whitecoat mo."
Tumalima naman ang lalake at agad na hinubad ang nakadoble ritong whitecoat upang ibigay kay Elinor. Ipinatong niya ito sa suot na black tee shirt matapos itali ang buhok saka walang paalam na kinuha ang antipara ng lalake. Medyo lumabo ang kanyang paningin dahil sa taas ng grado ng salamin.
"Bagay ba sa'kin?" Wala sa kanyang intensyong pagtatanong.
"Oo naman. Lalo pag 'yan lang suot mo."
Napalitan ng pagdaing ang ngisi ng lalake nang tadyakan ito ni Elinor sa paa, saka na nanguna sa paglalakad patungong hagdanan na parang walang nangyari.
Nang makababa sa ninth floor ay dumiretso ito sa kinaroroonan ng elevator. Habang hinihintay ang pagbukas ng pinto matapos pumindot ng buton ay bigla namang may sumaltang guwardya sa tabi niya.
"Miss, galing ka ba sa rooftop?" Tanong sa kanya ng guard.
"Hindi. Bakit?" Maang niyang sagot.
"Sigurado ka?"
"Nagpa-recieved ako ng chart sa head nurse." Pagsisinungaling niya. "Paki lang ni Dr. Acula." Imbento pang dagdag niya. "Bakit ba?"
"May tao daw kasi sa gilid ng rooftop. Balak ata magpakamatay."