Sa tuwing umatapak si Elinor sa magarang marmol na sahig ng ika-apat na palapag ng mental institution na kinaroroonan ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala sa pinaggagagawa ng taong kanyang pakay dito.
"MJ?" Tawag niya nang tuluyang makapasok sa loob.
Kung noon ay tatlong palapag lang ang malawak na Psychiatry and Custodial Home kung saan dinala ang matalik na kaibigan, ngayon ay nadagdagan ng isang palapag dahil sa ipinagawa nitong renovation and extention. Hindi niya batid kung anong pangmamanipula ang ginawa ng kaibigan upang konsentihin ito ng magulang at mapapayag pati hospital director para sa sariling kagustuhan. Maging ang mga hospital staff ay tikom ang bibig pagdating sa taong nasa itaas.
"MJ." Patuloy ang tawag niya rito habang sinusuyod ang buong paligid.
Ang buong extention na a la penthouse ay mag-isang inuukopahan ng taong kanyang kasalukuyang hinahanap. Kumpara sa ordinaryong psychiatric ward o padded cell na nasa ibaba ay maayos ang kinalalagyan nito. Maihahalintulad sa isang magarang unit. May sala, dalawang kwarto, kusina, malawak na banyo na kanya ngayong sinuyod ngunit wala pa ring MJ na nakita.
May attic pa na kinaroroonan ng home office slash mini library ngunit di na nag-abalang pumasok doon si Elinor. Binuksan niya ang sliding glassdoor na patungong roofdeck upang doon magpunta; Ang kalahati kasi ay open area kaya kapag nabagot sa loob ay pwedeng lumabas para magpahangin, magpaaraw, masdan ang luntiang tanawin kasabay ng pagsikat o paglubog ng araw, mag-star gazing sa gabi o tumalon - na ngayon kung titingnan ay aakalain mong gagawin ni Elinor dahil nasa labas na siya ng railings kung saan nakatayo sa ledge ng roofdeck. Mababa pa para sa kanya ang kinatatayuan. Kung susubukan man niyang tumalon, alam niyang malabo ang tyansang ikamatay iyon dahil bermuda grass ang kanyang kababagsakan.
"Ba't ka nandito?"
Nagising siya sa diwa at humarap sa pinanggalingan ng boses. Kumpara sa huli niyang punta dito, maiksi na ang buhok ngayon ng kaibigan ngunit nananatili pa rin ang pagiging kulot. Mukha ding nadagdagan ang timbang nito dahil kapansin-pansin ang bahagyang pagtambok ng pisngi at pagkakaroon ng laman.
"I should be the one asking you that."
Tinalikuran siya nito at naglakad papasok sa loob. Umalis na rin siya sa kinatatayuan upang sundan ang kaibigan.
Hindi kagaya ng mga pasyenteng nasa Clearmeadows si MJ. Alam nilang pareho ni Elinor na hindi nito kailangang mamalagi rito. Ipinagpapalagay na lang ni Elinor na dahil sa kagustuhang mapag-isa at magkaroon ng inspirasyon ay ito marahil ang naisipan ng magaling na kaibigan. At dahil nga may kakayahan at pera, nagpagawa ito ng sariling tahanan sa institusyon na hindi dapat nito kinabibilangan.
Napahinto siya nang tumigil sa sala ang kanyang sinusundan saka siya hinarap nito.
"Nandito ka talaga."
"Why're you saying that?"
Dumako ang tingin nito sa direksyon ng pinanggalingan nila kanina. "Usually when I see you on that spot, you disappear."
"Well I'm here now." Kibit-balikat ni Elinor.
"Why?"
"Because I wanted to see you."
"Why do you wanna see me?"
Wala siyang maisip na sagot. Kailangan ba talaga may dahilan? "Nice hair." Segway niya.
"Ginupit ko." Sagot ni MJ habang humahakbang palapit kay Elinor. "Ba't ka nandito." Sambit na naman nito matapos huminto sa tapat niya at ngayon nga'y nakikipagsukatan ng titig.