Hindi ito ang unang pagkakataon na manghimasok sa hindi sariling bahay ngunit dahil sa kasalukuyang kinakahinatnan ay hindi maiwasan ng kawatan ang makaramdam ng kaba. Dahil ba sa hindi nito siguradong pakay? Dahil ba sa hindi tiyak na puntirya? O dahil sa wala talaga itong alam sa kung anong meron sa loob ng misteryosong bahay na nasa pinakadulo ng St. Mary Mead.
Bukod sa madilim ang buong bahay ay matagal din nitong minamanmanan ang puntirya, kinabisado at pinag-aralan ang bawat pasilyo at araw kung kailan naroon ang caretaker kaya't masasabi nitong ito ang pagkakataon na kanyang hinihintay.
Marahan at walang ingay na sinuyod ang paligid. Huminto ito sa tapat ng pintuan ng unang silid, maingat na hinawakan at ipinihit ang doorknob para magbakasakali kung bukas nga ba ngunit gaya ng inaasahan ay kailangan nitong gamitin ang kanyang technical skills ng...lock picking.
Hindi pa umaabot ng minuto ay lumugutok ang kabilang dulo ng door knob. Nagdiwang ang loob ng lalake nang maipihit ang seradura. Pagkabukas nito ng pinto ay marahan itong pumasok ngunit isang hakbang pa lang nito ay otomatikong nagliwanag ang kabuuan ng silid na nagdulot dito ng panandaliang pagkasilaw. Kasabay muli ng pagdilat nito ng mata ang pagklik ng isang bagay na nakatutok ngayon sa kanya. Napalunok ng sariling laway nang makita ang baril na hawak ng isang ginoong naka-dekwatrong upo sa gilid.
"May kasama ka?" Prenteng tanong ng ginoo, hawak-hawak ang baril na nakatapat sa direksyon ng nanloob.
Sa kaba at pagkagitla ay tila umurong ang dila nito't di magawang magsalita.
"May kasama ka ba?" Bahagyang lumakas ang boses ng nagtatanong sanhi upang mangilabot ang kawatan.
"W-wala."
Nananatili sa pagkakaupo ang ginoo at pagkakatutok ng hawak na baril sa direksyon ng nanloob. Gamit ang kabilang kamay ay inihagis niya rito ang posas.
"Maglakad ka palapit sa kama," Maotoridad na utos ng ginoo. "iposas mo yang kamay mo headbord."
Muling napalunok ng laway ang kawatan. Mula sa noo, gumuhit paibaba sa mukha ang pawis. Taas-baba ang dibdib at dinig ang sariling paghinga. Mabilis na kinakalkula sa isip ang plano kung paano makakatakas. Sa tangka pa lang nitong paghakbang paatras ay halos humiwalay sa katawan nito ang kaluluwa (kung meron man) nang paputukan ng ginoo ang pintuang sobrang lapit sa kinatatayuan nito.
"Kung tatakas ka, mamamatay ka. Kung susunod ka... hm," Kunwaring nag-iisip pa ang ginoo. "Sabihin nating... magiging kapaki-pakinabang ka."
"P-please, palabasin niyo na po ako. Hindi ko naman sinasadya."
"Hindi sinasadya?" Taas ang isang kilay ngunit nakangiting kweston ng ginoo. "Hm, nakapasok ka dito accidentally? Nabuksan mo yang naka-locked na pinto nang di sinasadya?"
Doon na napaiyak ang lalake. "Wag niyo po akong saktan. Please." Pagmamakaawa nito.
"Hindi naman kita sasaktan." Tumayo na ang ginoo at naglakad palapit sa lalake. "Iposas mo na yang kamay mo."
~~~~~
Mula sa kinatatapatang dambuhalang gate nakatingala ngayon si Elinor upang masdan ang arko sa itaas na may letrang "A" sa gitna.
"You're hurting them ..."
"Don't!"
"Please stop ..."
Tila parusang marinig muli sa isip ang hindi mabilang na pagsaway at pakiusap sa kaibigang may kakaibang paraan ng kasiyahan. Ngunit hindi na niya dapat alalahanin pa ang mga nakalipas. Sa panahong nagtagal, nakalimutan na rin marahil ng taong iyon ang mga pinaggagagawa noon o marahil ay pinagbabayaran ngayon. Ngunit sa kasalukuyang kalagayan ng kaibigan... parang hindi naman.