Sa pagkagat ng dilim ay baon ko ang lahat ng hinanakit at sama ng loob. Tulala akong nakaupo sa aking katre habang yakap-yakap ko ang aking mga tuhod.
Nawalan ng halaga ang aking buhay simula ng mangyari ang aksidente. Galit silang lahat sa akin, tanggap ko iyon. Pero hindi ko matanggap na pinutulan na rin nila ako ng karapatan para sa sarili ko.
Binuksan ko ang bintana sa tabi ng aking katre. Agad na bumungad sa akin ang malamyos na hangin na para bang may binubulong. Ang buhay ko ay para na ring kadiliman, kagaya nito ay wala akong makitang kinabukasan para sa akin. Hanggang kailan ako magiging ganito? Hanggang kailan ko pagsisisihan ang nangyari?
Lord, hiniling kong parusahan mo ako para mapatawad nila ako pero bakit hindi nila matanggap ang pagkakamali ko? Hindi ko naman ginusto ang nangyari.
Wala ako sa sarili nang dahan-dahan akong umapak sa sahig na semento. Ramdam ko ang gaspang nito sa aking yapak. Binuksan ko ang pintuan at agad akong sinalubong at niyakap ng lamig. Lalo akong naakit sa kanyang bulong at tuluyang lumabas patungo sa sunog na bahay namin. Inikot ko ang aking paningin at naaaninag ko ang mga lubid na nakasabit sa may bubungan.
Umapak ako sa kahoy na nakapatong sa gitna. Hinawakan ko ang lubid at dahan-dahang itinali iyon at inilagay sa aking leeg.
Sana mapatawad niyo ako!
Bago ako mawalan ng malay ay tumama sa akin ang sinag ng flashlight.
Akala ko ay magiging malaya na ako. Akala ko ay makakatakas na ako at kakalimutan na lang nila ang nangyari.
Mali pala ako dahil pagmulat ng aking mata ay agad na bumungad sa akin ang galit na mukha ni nanay. Wala akong nakitang pag-aalala kundi galit.
"Nay!" sambit ko at muling humagulgol.
Nakaalalay siya sa aking katawan habang nakahiga sa malamig na semento. Sa tabi niya si tatay na nakatunghay sa akin at ang iba pa naming kamag-anak.
"Sana hinayaan mo na lang akong mamatay...Gusto ko nang mamatay nay, araw-araw akong inuusig ng konsensiya ko dahil sa nagawa ko," sumbong ko sa kanya sa pag-asang mapatawad niya ako.
"Hindi ka pwedeng mamatay, mabubuhay ka at sisisihin mo ang sarili mo. Hindi kami nagagalit sa'yo dahil nakagawa ka ng kasalanan, gusto namin ng tatay mo na maging matatag ka at itama mo ang pagkakamali mo." Mas lalo akong umiyak dahil sa sinabi ni nanay.
"Patawad nay!"
Buong araw na sumagi sa isipan ko ang sinabi ni nanay. Hindi ko mawari kung nag-aalala ba siya sa akin o gusto niya lang mabuhay ako para maramdaman ko ang parusa ng nagawa kong kasalanan.
Patawarin niyo ako!
Kinabukasan ay sumama ako kay tatay sa bukid. Kailangan kong tumulong sa kanya kaysa daw magmukmok ako at maisipan ko na namang magpakamatay. Ito raw ang parusa nila sa akin, ang magtrabaho sa bukid.
Oo, inaamin kong duwag ako dahil sinubukan kong takasan ang kahihiyang ginawa ko. Siguro ay hindi iyon ang parusang dapat na harapin ko.
Kinahapunan ay sinama ulit ako ni tatay para maghatid ng uling. Isang sako ang buhat ko sa balikat at nahihiya pa ako dahil madadaanan namin ang paaralan na pinapasukan ko at saktong uwian na. Nag-iisang High School lamang ito sa buong isla kaya't medyo Malaki-laki rin ang populasyon ng mga estudyante.
"O, ba't ka tumigil?" tanong ni nanay na nakasunod sa aking likuran habang pasan ang dalawang sako. Nauna na si tatay sa amin dahil mas marami ang kanyang dala.
Ayokong sabihin kay nanay na nahihiya akong dumaaan at makisabay sa mga estudyanteng palabas. Mas lalo pang dumami ang mga estudyante at hindi na kami nakaalis ni nanay dahil makipot ang daanan lalo na at may dumadaan din sa pwesto namin.
BINABASA MO ANG
Loosing Hope (Lonely Soul Series #1) - Slow Update
RomanceCharlotte Hope a teenager who tried to escape her sorrowful fate found hope to a person who fulfilled everything she dreamed of not until everything has changed. Unknowingly that person is just the other part of his personality. Will she embrace the...