"Neriza,bilisan mo na dyan para di ka gabihin sa paglilipat." Paalala kay Neriza ng inang si Aling Julia. Ito kasi ang araw ng paglilipat niya sa bagong bili niyang bahay. Mura lang ang bili niya sa bahay na iyon at malapit pa sa trabaho kaya laking tuwa niya.
"Ma, maaga pa naman po, eh. Tsaka hindi naman po gaanong malayo ang lilipatan ko." Nakangiting humarap siya sa ina. Alam niya ayaw nitong lumayo siya pero kailangan din naman talaga dahil bukod sa mas makakatipid siya may makikita pa siyang naipundar niya mula sa kanyang pagiging ahente.
"Nak, lilipat ka na ba talaga? Hindi na ba talaga magbabago ang isip mo?"
"Si Mama talaga. Kanina halos gusto na akong palayasin agad tapos ngayon parang ayaw na naman pumayag na umalis ako. Ma, dadalaw dalawin ko naman po kayo dito tuwing linggo, eh. Wag na po kayong malungkot." Niyakap niya pa ito para wag masyadong malungkot. Dalawang oras ang byahe mula sa kanila papunta sa lilipatan niya sa Pasay kaya tiyak malaki talaga ang matitipid niya.
"Oh siya sige alam kong buo na talaga ang desisyon mo. Mag-ingat ka dun, huh. Alam mo naman sa siyudad mahirap tumirang mag-isa."
"Opo ma promise mag-iingat ako dun." Nakangiting paniniguro niya dito. Alas tres na siya umalis ng Tansa kaya alas singko na ng dumating siya sa lilipatang bahay sa Pasay.
"Ito ang susi ng bahay, Ineng. Sana magtagal ka." Anang katiwala dati ng bahay sabay abot sa kanya ng susi.
"Huh? Anong ibig niyo hong sabihin?"
"Ay naku wala. Ang ibig kong sabihin, eh napakaingay kasi dito tuwing gabi kaya baka dahil dun eh maisipan mo ring ibenta nalang ulit sa iba tong bahay." Nakita niyang bahagyang naging mailap ang mga mata nito na tila pilit pang itinago sa kanya. Hindi nalang niya iyon pinansin at pumasok na sa loob kasi mag-aayos pa siya. Wala siyang pasok bukas kaya pwede ring bukas nalang siya mag-ayos ng gamit. Gabi narin kasi. Kunti lang din naman kasi ang dala niyang gamit tsaka di rin naman kalakihan ang bahay. Ang may division nga lang ay ang kwarto. Napakaliwanag na ngayon ng buong kabahayan kumpara nung una niya itong makita. Pinapalitan niya kasi ang ilaw ng medyo mataas ang watts para mas maliwanag. Binitbit niya na ang mga gamit na dapat ilagay sa kwarto. Siguro'y iyon nalang muna ang aayusin niya. Ang Iba pa ay bukas na. Kinuha niya sa bag ang dalang speaker at ipinwesto iyon sa may ulunan ng kama at pinatugtog pampawala ng inip at para di rin masyadong tahimik. Nung una'y sinasabayan niya pa ang kantang tinutugtog hanggang may napuna siyang parang may ibang sumasabay maliban sa kanya. Huminto siya sa pagkanta at pinakinggan maigi. Parang meron talaga. Sinubukan niyang hinaan ang volume ng speaker ngunit parang sumabay din sa paghina nun ang paghina ng boses ng kumakanta. Kinakabahang dahan dahan niyang inoff ang speaker ngunit wala naman siyang narinig na kakaiba kaya inisip niya nalang na baka guni guni niya lang iyon. Nang tingnan niya ang relong pambisig ay alas sais na pala. Gusto niya sanang magluto nalang para makatipid pero hindi pa kasi niya naaayos ang gamit niya sa kusina.
"Sa labas na nga lang ako kakain." Aniya sa sarili habang inaayos sa kabinet ang mga tinuping damit. Humihikab na napaupo siya sa kama. Parang tinatamad siyang lumabas pero hindi rin naman pwedeng hindi siya kumain. Lumabas na siya ng bahay at siniguradong naka lock iyong maigi. Mahirap na masalisihan.
"Ate, isang kanin at isang menudo nga po." Order niya ng makarating sa isang karinderia sa di kalayuan.
"Neng, ikaw ba yung bagong lipat?" Tanong nitong tila siya sinusuri habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa at pabalik.
"Bakit ho?May problema ho ba?" Sinadya niyang langkapan ng pagkainis ang boses. Hindi kasi niya nagustuhan ang paraan ng pagkakatitig nito.
"Sana magtagal ka." Nakaismid na turan nito sabay abot ng order niya.
BINABASA MO ANG
SUMIGAW TUMAKBO MAGTAGO III
HorrorSUMIGAW TUMAKBO MAGTAGO BOOK II Episode I- Sanib Episode II- Chain Message Episode III- Uyayi Enjoy reading...