Lagi ko syang dala dala. Pero minsan, sya ang dahilan kung bakit ako naiinis sa mundo.
Pasukan na naman. Tanghali na akong nagising. Hindi na rin ako nakasali sa flag ceremony. Ang aga-aga kasi. Dumiretso na ako sa classroom namin. Ang ingay. Magulo. Kaya umupo ako sa sulok. Laging dun ang pwesto ko. Marami akong barkada. Lahat sila mga kaklase ko. Ako lang ata ang naiiba sa kanila.
Simula na ng unang subject. Nakakabagot. English yung subject. Maganda yung guro namin pero hindi pa rin ako nakikinig sa kanya. Inaantok kasi ako.
Labin limang minuto bago matapos ang klase, “Get ¼ sheet of paper, let’s have a quiz” sabi ng guro namin. Mabagal kong kinuha ang bag ko sa likod, nakasabit. Kumuha ako ng papel. Saka ko naisip, wala pala akong ballpen.
Hinanap ko sa bag ko pero wala pa rin. Hindi ko naman ginalaw ang bag ko mula pa sa bahay. Baka may kumuha. Kumapa ako sa bulsa ko. Wala pa rin. Lumingon lingon ako sa mga kaklase ko. Magulong magulo pa rin. Ang ingay. Nakakairita sa ingay.
Buti na lang, may nagpahiram sa akin ng ballpen. Hanggang natapos ang quiz. 3 over 10 yung iskor ko. Hindi naman kasi ako nakikinig.
Pati sa ibang subject ganun pa rin ako. Recess. Labin limang minuto na makikita ko ang babaeng crush ko. Higher year kasi sya sakin. Kahit wala akong bibilhin sa canteen, pumunta pa rin ako. Ang ganda talaga nya. Napapangiti lang ako ng wala sa oras. Biglang tumunog ang tyan ko. Dyahe, gutom na pala ako. Hindi ako nag-almusal. Biglang nagsalita ang babaeng nasa harapan ko. Binati nya ako. Hindi ako nakapagsalita kaya ngumiti na lang ako.
Uwian na. Babalik na naman ako sa lugar kung saan mas nakakaramdam ako ng inis at galit. Nakapamulsa lang ako habang naglalakad sa masikip na eskinita papunta sa aming bahay. Malayo pa lang, rinig na rinig ko na ang mga sigawan. Nag-aaway na naman sila. Gusto kong bumalik sa dinaanan ko. Bumuhos ang malakas na ulan kaya napilitan akong pumasok sa bahay. Parang walang napapansing pumasok ako sa kwarto ko. Kahit ayokong marinig ang mga sigawan nila, hindi ako nakaiwas. Kahit takpan ko pa ang mga tenga ko, alam na alam ko sa sarili ko kung ano ang pinag aawayan nila. Galit kong itinapon ang bag ko.
Araw-araw ganito ang buhay ko. Paulit ulit. Parang walang katapusan.
Nakatalukbong na humiga ako sa kama at nakatulog. Paggising ko’y alas dyes na pala ng gabi. Wala na rin ang maiingay na sigawan. Humupa na ang gyera. Gyerang walang katapusan. Napabutong hininga na lamang ako.
Napansin kong nagkalat pala ang mga gamit ko mula sa bag. Nakalabas dito ang journal notebook ko sa English. Kinuha ko ito at pumunta sa kusina.
May tinakpang pagkain sa mesa. Hindi pa rin nya ako nakakalimutan.
Kumain ako at napatingin ulit sa journal notebook ko. Hindi ako makapagsulat. Wala na naman akong ballpen. Bumalik ako sa kwarto ko. Naghanap sa bawat sulok hanggang sa nakita ko ang panulat kong galit na itinapon kahapon. Kaya pala wala akong ballpen kaninang umaga.
Puno na ng alikabok ang ballpen ko. Nilinisan ko. Nasira pala ito. Nakakainis. Hindi nawala ang inis ko nang nagsimula akong sumulat sa journal ko. Putol putol ang sulat.
Tanging naisulat ko sa journal kong walang laman ang mga pangyayaring paulit ulit na nangyayari sa akin. Sa isang talatang iyon naibuhos ko ang lahat ng sama ng loob. Pahamak na ballpen! Wala ng tinta.
Sa paglipas ng panahon, sa parehong sitwasyon, problema ko palagi ang nawawalang ballpen. Hindi ko lubos maisip, nakapagtapos ako ng pag-aaral. Pasang awa sa mga gurong palaging dinadahilan ko ang pagkawala ng ballpen ko. Ngunit dahilan ko lang yon para makaiwas sa paggawa ng mga bagay. Sapagkat, umiikot ang isip ko sa isang lugar kung saan palaging may gyera, sigawan at humantong sa kamatayan.
Lumisan man ako sa lugar na iyon, dala dala ko pa rin sya hanggang dito sa malamig na bakal na pumapagitan sa aming dalawa. Ramdam ko ang panghihinayang sa kanyang mga mata. Mga luhang umaagos sa kanya mga mata’y tila mga salita na hindi nya mabitawan ng bibig.
Humarap ako sa aking matalik na kaibigan. Buong tapang na nagsulat ng mga hinanakit. Ginawa ko lang ang sa tingin ko ay tama.
Patawad, Ama.
BINABASA MO ANG
ballpen
Short Storyisang bagay na lagi SANA at DAPAT nating dala dala sa paaralan. Ngunit, kadalasan ito'y nawawala o naiiwan sa kung saan saan. Ano kaya ang magiging dulot nito sa buhay mo? #shortstory #madeforLiteraryPage