NAG-MEETING PAGKATAPOS NG klase ang grupo nina Dimitri para sa reporting na gagawin nila bukas para sa Araling Panlipunan subject. Silang limang members kasi ang nakatoka no'n para sa group reporting sa klase ni Ma'am Baluyut. Kasama sina Owen at Annika at dalawa pang kaklase nila na sina Niel at Mark na nilulubos ang buong tanghali habang nasa may campus shed sila para planuhin at isulat ang visual aid nila bukas.
Labag man sa kalooban, si Dimitri ang inatasang leader ni Ma'am Baluyut. Kahit na ganoon ay kamot-ulo pa rin niyang tinanggap ang responsibilidad; ang consequence nga lang noon, hindi niya alam ang gagawin para mairaos ang reporting.
"Owen, kayo ni Mark ang magiging tagabasa." Nag-a-assign siya ngayon ng roles sa mga kaklase niya habang busy si Annika na pinag-aaralan ang mga nakasulat sa binabasang textbook sa AP. Inaaral na rin kasi ni Annika ang topic na ituturo lalo na at magbibigay rin sila ng quiz pagkatapos ng reporting.
"Yes po, Master!" sagot nitong si Owen habang sumaludo pa ito kay Dimitri.
"Sure, Boss," segunda naman nitong si Mark.
"Annika and Niel, kayo naman 'yong mag-e-explain sa harap ng binabasa nina Owen." Tumango naman sina Annika na pasimple namang tinitingnan ni Owen. Ang nasa isip pa ni Owen noon, mahirap na hindi titigan ang anghel na bumaba sa lupa na nasa harap niya.
"So, ano 'yong role mo?" tanong naman nitong si Niel sa leader nila.
Napangiti naman itong si Dimitri bago nagsalita, "Siyempre, ako 'yong taga-greet." Pagkatapos ay napakamot pa siya ng ulo.
"Wow, sarap ng buhay mo, 'no? Tapos, kami mag-e-effort para sa 'yo?" Nag-react pa itong si Owen kay Dimitri. Mukhang ang role ni Dimitri bilang leader ay magpabuhat sa members.
"Joke lang. Siyempre, leader ang nag-o-oversee ng lahat. Role din ng leader ang tumutulong sa mga members," pangangatuwiran pa ni Dimitri sabay hawi ng buhok niya.
"So, paano 'yon, petiks na lang siya, gano'n?" panumbat tuloy ni Owen sabay alog ng ulo at click ng dila. "Naku, ewan ko sa 'yo."
"Uy, Owen, Dimitri, stop na." Inawat tuloy sila ni Annika dahil kulang na lang at magbardahan na 'yong dalawa imbes na magsimula na sa ginagawa. Nagmukha tuloy ate itong si Annika sa pag-aawat sa dalawang batang paslit. "Start na kaya natin 'yong visual aid. 'Di ba, marami pa tayong gagawin niyang assignments pag-uwi?" Sumakto pa kasi na tinambakan sila ng sangkaterbang homework. May quiz pa nga sila bukas sa Filipino.
Nagkatinginan naman 'yong dalawang mokong at saka naman sila nagbelatan.
Brainstorming ang nangyari sa tanghaling 'yon, pero literal na bagyo ang nangyari sa pagpapalitan nila ng mga ideya kung papaano ang gagawin at 'yong tungkol din sa topic na ire-report nila. In fairness at magaling magpaliwanag itong si Annika habang sinisimulan na niyang isulat 'yong mga nakalagay sa Manila paper gamit ang permanent marker 'yong mga nakalagay sa libro. Mabuti na lang at cooperative at marunong makisama 'yong mga kagrupo nila, lalo na si Dimitri sa collaborative effort nilang ito (kahit na siya ang nag-sponsor para sa gagamiting visual aids).
"Guys, ako na ring bahala sa pag-print ng ibang visual aids." Si Dimitri na rin ang nag-volunteer para mag-print ng pictures para idikit sa blackboard bukas. "Huwag n'yo nang isipin 'yong gastos." Napatayo pa nga siya noong mga oras na iyon habang sina Mark at Buboy naman ay busy sa panggugupiyt ng mga cartolina.
"Wow, suwerte naman pala namin sa 'yo, Leader." Napangiti pa itong si Annika sa sinabi ng leader nila. Maliit na bagay man pero nagpapasalamat sila sa generosity nitong si Dimitri.
"Yes! Iba na talaga ang RK," satsat naman nitong si Owen.
Pagkatapos ay tiningnan naman siya ni Dimitri. "Except sa 'yo, ikaw sasalo ng lahat ng gastos nila."
"Heto, ayaw mo bang saluhin?" Nagporma pa ng kamao itong si Owen at ipinakita sa kaibigan niya. Mukhang hindi talaga matatapos agad ang ginagawa nila dahil sa dalawang ito.
"Guys, bili muna akong maiinom. Babalik din ako." Nagpaalam muna si Owen para pumunta sa canteen. Kanina pa kasi siya dinadalaw ng pagkauhaw. Pero ang isa talagang dahilan ay para bilhan din niya si Annika ng maiinom dahil kanina pa ito nag-e-effort sa pagsusulat sa Manila paper.
"Uy, tulungan na kita." Sa kabilang banda naman, lumapit itong si Dimitri kay Annika para alalayan siya lalo na at katatapos lang niyang magsulat sa unang Manila paper.
"Ay, huwag na, kaya ko na 'to," pagpipigil ni Annika habang nalimutan niya ang isusulat niya kaya bumalik ulit siya sa tingin sa textbook na pinagkokopyahan niya. Kaya pinanood na lang ni Dimitri ang kaklase sa ginagawa niya at napangiti pa ito sa kaniya habang seryoso si Annika na hinahawi ang kulot niyang buhok.
Bumalik din si Owen na may hawak na dalawang bote ng C2 at bigla siyang napatigil nang makita sina Dimitri na katabi si Annika na tinutulungan sa visual aids.
Hindi tuloy niya namalayang nakaramdam siya ng pagkirot sa kaloob-looban niya. Pero hindi na niya gaanong inisip iyon. Bakit ba siya magseselos kung wala naman siyang karapatan?
"Annika, baka nauuhaw ka na." Iniabot ni Owen ang isang bote sa kababata niya at napangiti naman si Annika na kinuha sa kaniya.
"Thank you," Siyempre, para kay Annika, para lang mapasaya siya kaya handang mag-effort itong si Owen.
"Nasaan 'yong akin? Damot nito, hindi nanlilibre." Si Dimitri naman 'yong nagtanong.
At saka naman siya sinungitan ni Owen kasabay ng pagbukas at pag-inom nito sa bote. "Suwelo mo!" Sinusuwerte ba si Dimitri? Pero hindi rin naman nakatiis itong si Owen sa kaibigan. "Joke lang, ito naman, o?" Iniabot pa rin niya 'yong bote ng iced tea drink at sa isang iglap lang, sa isang lagok lang ni Dimitri ay ilang patak na lang ang itinira.
"Aba, naahiya ka pa, hindi mo pa inubos," pagre-react pa tuloy ni Owen pagkatingin sa bote niyang paubos na ang laman.
"Peace yow!" Napangiti pa nang nakaloloko itong si Dimitri sabay bitiw ng peace sign.
-30-
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...