Kapag Pwede Na

81 9 36
                                    

"White choco mocha for Ms. Klem."

Nag-angat ako ng tingin sa lalaking may dala ng order ko. Hindi ko mapigilang titigan yung biloy niya sa kaliwang pisngi.

Akala ko aalis na siya matapos niyang ilapag ang order ko pero nagulat na lang din ako nang ilagay niya sa table ko ang mga dala niya.

"U-Uh, itong white choco mocha lang ang order ko. Bakit—"

Hinila niya ang upuan sa tapat ko saka umupo na rin. "Treat ko."

"Bakit?"

Binigyan niya 'ko ng isang slice ng pizza at isa rin ang kanya. "Treat para sa regular customer."

"Kakain ka pala," sabi ko nang makitang kumagat na siya sa pizza. "Bakit hindi na lang doon sa table na 'yon?" I pointed the empty table near the door.

Saglit din siyang lumingon sa lamesang itinuro ko. "Ayoko. Mas gusto ko sa pwestong 'to."

Hindi ko na lang din siya inintindi. Sa lagay na 'to, magrereklamo pa ba 'ko?

"Siya nga pala, nabasa ko yung note mo."

Nag-iwas ako ng tingin at nagkunwaring busy sa iniinom ko. Sa dami ng notes na iniwan ko sa Coffeewrite board ng coffee shop na 'to, hindi ko na alam kung alin doon ang sinasabi niyang nabasa niya. 'Wag naman sana yung first ever note na iniwan ko rito last year.

'Food and drinks lang pala available dito, akala ko kasi . . . pati yung barista. :p'

"Aalis ka na pala next week . . . nakakapanghinayang tuloy," dugtong niya pa. Nakahinga na 'ko nang maluwag nang malaman na yung note ko pala kagabi ang tinutukoy niyang nabasa niya.

Nagkatinginan kami. "B-Bakit naman?" tanong ko.

"Kasi ngayon lang kita nilapitan."

Kunwaring umirap ako. "Ikaw eh, suplado mo kasi."

Tumawa siya. "Hindi naman sa gano'n, actually, ayaw ko lang makagulo sa 'yo."

Pinagtaasan ko siya ng kilay. "Bakit naman makakagulo? Nababasa mo naman siguro yung mga iniiwan kong notes, 'di ba? Ang tagal na nga kitang gustong i-approach, kung hindi ka lang busy at nagsusuplado d'yan, tsk!"

Marahan siyang tumango saka ngumiti. "Sorry nga pala kung binasa ko yung mga notes mo. Hindi naman talaga dapat, kaso . . . nakita ko na lang kasi yung sarili kong inaabangan kang mag-iwan ng post-it note every night. Hindi ko man kasi sigurado kung sinong barista yung tinutukoy mong crush mo, but I was hoping . . . na ako 'yon."

Nasamid ako sa huling sinabi niya. Ibig sabihin pati pala yung kauna-unahang note na iniwan ko rito ay nabasa niya? Pero bakit no'ng hinanap ko 'yon sa board para sana tanggalin, wala na?

"Okay ka lang?" tanong niya, nang mapansin sigurong lumilipad na ang isip ko.

"Kaya ka ba nanghihinayang, dahil aalis na 'ko?" pang-aasar na tanong ko.

Hindi ko naman inaasahan na sasagutin niya nang seryoso ang naging tanong ko.

"Gusto kong pagsisihan na hindi kita agad nilapitan noon. Pero naisip ko, tama lang din 'yon—tama lang na hindi ako nagmadali. Kasi kung nagkakilala na tayo noon, ano na kaya tayo ngayon?"

Matagal kaming kinain ng katahimikan.

Walang sparks.

Walang kilig.

Walang mga paruparo o ano pa man sa tiyan ko.

Pero yung koneksyon sa pagitan naming dalawa, ramdam na ramdam.

Ako, na pinipilit hanapin ang sarili sa mundong puno ng mga responsibilidad. Siya, na pilit bumabangon mula sa bunga ng mga tinakasang responsibilidad.

Sa Coffeewrite, agaw-atensyon ang Coffeeboard sa kaliwang parte ng harap ng counter. Sa gitna noon ay makikita ang kwento ng buhay ng baristang si Gabby—na siyang may-ari ng coffee shop. He was once an irresponsible and wayward teenage boy. Walang pangarap. Walang responsibilidad sa buhay.

Kaya itong Coffeewrite, tumatayo raw bilang simula at simbolo ng pagbangon niya . . . at pag-ako sa mga responsibilidad na noon ay tinakbuhan lang.

Tumikhim siya. "Gusto kita—"

"Pero aalis na 'ko," putol ko.

"I know, Klem. Aalis ka at hindi naman kita pipigilan."

"Kung gano'n, bakit . . . bakit kailangan mo pang sabihin sa 'kin? Bakit ngayon mo pa 'ko kinausap? Kung hindi mo lang din naman pala ako pipigilan, bakit pa?"

Tipid siyang tumawa saka tumigil upang kunin ang isang bagay sa wallet niya—yung unang note na iniwan ko a year ago. May nakasulat sa likod.

'Available . . . only for Ms. Klem.'

"Kung sa ibang tao, maaaring sabihin nila na nagsayang ako ng isang taon. Na dapat matagal na kitang kinausap. Na dapat umamin na 'ko noon pa. Pero sa tingin ko, hindi naman tayo dapat magmadali 'di ba?"

Nahihiyang tumitig ako sa kanya. "Seryoso ka ba? Last year pa 'tong note ko na 'to ah!"

He smiled. "Yes, and I've kept it since then."

"Bakit naisip mong ibigay ngayon?"

"Maybe because you need it now . . . para may sapat kang inspirasyon sa ibang bansa?" natatawang sagot niya.

Muli kong tinitigan ang note saka ngumiti.

"Don't worry, maghihintay lang naman dito ang barista mo. Do whatever it is that you have to do. Kapag handa ka na, kapag pwede na . . . let's meet each other again," nakangiting pahayag niya.

Mapaglaro talaga ang tadhana. Kapag hindi pa pwede, saka nagtatagpo. Kapag hindi pa handa, saka may ibinibigay. Pero siguro sadyang makapangyarihan ang pag-ibig; it defies the works of destiny. Dahil sa tadhana, kilig at sparks ang batayan. Sa tunay na pag-ibig, hindi.

True love understands . . . that most of the times, life is way more than just sparks and romance.

Ang tunay na pag-ibig, nakapaghihintay.

Marahan akong tumango kay Gabby, saka ngumiti. "If it's God's will, surely we'll meet again. Let's pray for that."

***

Kapag Pwede NaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon