Episode 13: Yo También Te Amo (Part 2)

257 7 5
                                    

Kinahapunan.

Habang okupado sa mga gawain sa labas sila Mang Krispin at Arturo ay saka naman nagumpisa sa paghahanda para sa kaarawan ang natirang mag-iina. Si Klarissa ang inatasan na maggayat ng gulay at maghiwa ng karne habang si Aling Edna naman ang taga-luto ng pagkain. Nagdagdag pa nga sila ng putahe para sa bisita. Unang beses kasing makakatikim ng señorito ng mga tradisyunal nilang pagkain tulad ng adobo sa dilaw. Matapos din sa pagtulong sa nanay sa mga ulam ay gumawa naman si Klarissa ng espesyal nitong sumang-magkayakap na may kasama pang latik.

Pagkalipas ng ilang oras na pag-aayos sa hapag ay muli silang nagsama-sama para magsalo sa mga hinanda. Inihain din sa gitna ang dala ni Arturo na kumpol ng ubas upang matikman naman ito ng buong pamilya. Masiba nga lang si Pedring—ito kasi ang halos kumakain sa mga butil kaya't inaaway ito ng mga kapatid. Kung hindi pa pinagsabihan ng ama ang mga nagtatalo'y hindi pa ito magsisitigil sa ginagawa.

"Salamat nga po pala sa dala niyong ubas, señorito. Bihira kaming makakain nito rito," ika ni Aling Edna sa panauhin.

"Wala pong anuman," tugon naman ng binata. "Nabanggit po kasi ni Pedring na paborito niyo raw ang ubas. Sa susunod po'y padadalhan ko kayo ng mas marami."

Ngumiti lang si Klarissa nang patago habang kumakain. Paminsan-minsa'y nagagawi ang kanyang tingin sa manliligaw na madungis parin ang damit. Mukhang pinagtrabaho talaga ito nang husto ng ama sa likuran. Sa itsura rin kasi nito'y tila napagod talaga ito't nagutom lalo't ang bilis pa nitong kumain.

"Maigi't hindi ho kayo hinahanap sa hacienda kahit abutin kayo rito nang maghapon? Pinayagan ba nila kayo na bumisita sa barrio?"

Dito na natigilan si Arturo. Tahimik itong tumitig sa kinakain bago itiningalang muli ang mga mata sa ginang.

"Ang totoo po nito'y hindi nila alam na narito ako..." pag-amin ng binata.

Bumuntong-hininga't napailing tuloy si Mang Krispin sa narinig. Halatang hindi ito natutuwa sa pagtatago ng lalaki sa balak at sa ginawa nitong pagtakas sa hacienda. Maging siya man ay hindi rin mapalagay. Alam niyang kapag ito'y nalaman ng mga magulang ng amo'y baka makaapekto ito sa trabaho nilang mag-ama sa plantasyon.

"... Ngunit... huwag po kayong mag-alala. Pasasaan din at maiintindihan po nila. Pagsusumikapan ko hanggang mangyari ito. Pakiusap po, hayaan niyo lamang ako."

Wala paring nagsikibuan sa hapag-kainan at kahit pa magpaikut-ikot ang tingin ni Arturo upang mangalap ng kakampi'y walang tumutugon dito. Malungkot tuloy itong tumungo at nagpatuloy nalang sa pagkain. Pinanood lang din niya ang lalaki mula sa kanyang kinauupuan. Hindi rin kasi niya alam kung paano iimpluwensiyahan ang mga magulang nang hindi magmumukhang walang respeto.

"Pauuwiin na ba natin ang iyong manliligaw?" Biglang usal ng ama sa direksyon niya.

"Krispin," pigil naman ni Aling Edna sa padalus-dalos nitong tanong.

"Tinatanong kita, Klarissa."

"A-Ano po iyon?" Naguguluhan tuloy niyang balik sa katanungan ng ama.

"Ano ang iyong desisyon?"

Hindi agad siya makaporma ng boses dahil nagulat siya sa pagpasa nito sa kanya ng tungkulin. Ang buong akala niya'y wala siyang karapatan na magsalita at ipahiwatig ang saloobin pero heto siya ngayo't napapaikutan ng kyuryusidad. Pumainog tuloy ang tingin niya sa naghihintay na si Arturo. May lungkot parin sa mga mata nito bagama't pinipilit nitong sumabay din sa titig niya. Ano nga ba ang kanyang gagawin? Ito na ba ang oras para magpasya?

"H-Hindi ko po alam..." mahina nalang niyang sabi sabay iwas sa kaharap.

"Kung gayo'y nais mo ba siyang manatili?" Pagkaklaro muli ng ama sa kanya.

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon