ORAS NG DISMISSAL AT seryosong naglalakad si Toto sa may corridor palabas sa kanilang paaralan habang hawak ang mga librong hiniram pa niya sa library para basahin sa bahay sa buong hapong iyon. Hindi niya alintana ang ingay ng mga estudyanteng nakakasalubong niya sa daanan at patuloy lang siya sa paglalakad habang hawak ang foldable umbrella niya. Mahirap na at baka abutan pa siya ng ulan.
Pero sa paglalakad niya malapit sa may gate ng paaralan, may dalawang mokong na basta na lang tumakbo at sumunggab sa kaniya. "Hintayin mo naman kami!" bungad ni Owen na nakatanggal ang lahat ng butones ng kaniyang uniform.
"'To, ano, sama ka sa 'min?" pagyayaya ni Dimitri sa kaniya sabay akbay at saka kinusot ang ulo kahit na nagpupumiglas itong kaibigan niya sa higpit ng pagkakakapit.
"Lunch tayo sa Maju & Joco's Karinderya," pahabol naman ni Owen sabay himas ng tiyan sa gutom.
Pero napakalas naman sa kapit si Toto at saka nagseryoso bago magsalita sa dalawang kaibigan, "Naku...pass muna ako. Magre-review pa 'ko, e."
"Gano'n ba?" Ang kaninang excited na mukha ng dalawa ay napalitan din ng pagiging seryoso.
"S...sige...mimingat ka, 'ne?" ang sabi na lang ni Owen at saka tinapik sa balikat ang pinsan niya. "Text ka na lang 'pag nakauwi ka na."
"Sus, ano ako, pre-school?" Bumusangot si Toto na akmang ihahampas ang payong kina Owen.
Bumira naman si Dimitri sabay lapit sa tainga ni Toto, "Oo nga, baka saan-saan ka kasi nagsususuot." At saka naman umusok ang ilong niya.
"Mga sira!"
"O siya, una na kami." Nagpaalam na rin sina Owen noong nasa may labas na sila ng paaralan.
"Sige, lamon well na lang. Uwi din kayong maaga, a!" paalala pa ni Toto sa dalawang mokong bago sila maghiwalay ng landas.
"Magsi-review din, uy!" pahabol pa niyang paalala bago sila tuluyang maghiwalay ng landas ng mga kaibigan niya. Pagkatapos ay nagpatuloy na rin si Toto sa paglalakad.
Pero nakakailang hakbang pa lang si Toto nang may naramdaman siyang may kumapit sa niya. Kasabay tuloy ng pagkabigla, napalingon siya at bumungad ang pamilyar na matangkad na pigura.
"Toto!" energetic na bati ni Paulo na hanggang ngayon, nakasemento pa rin ang braso.
"Bakit?" Sinimangutan siya ni Toto pagharap niya.
"Sabay tayong umuwi." Panandaliang nanlaki ang mga mata ni Toto sa narinig mula sa kaklase.
"E, kung ayaw ko?" sagot niya nang may straight face bago siya nagpatuloy sa paglalakad.
"Grabe ka naman." Sinundan naman siya ni Paulo na inunahan pa sa paglalakad. "Yayain sana kitang mag-lunch sa 'min. Birthday ng mama ko."
Wala siyang oras na makipag-usap kay Paulo kaya hindi na lang niya ito pinansin habang naglalakad.
"Ayaw mo 'yon, pa-thank you ko sana sa pagpapahiram mo sa 'kin ng mga notes mo?"
E, ano naman kung pinahihiram ni Toto ng notes niya si Paulo?
Ginagawa lang naman iyon ni Toto para manahimik ang katabi niya sa pangungulit habang nasa klase lalo na at injured pa ito.
Natigilan pa nga saglit si Toto. "Magre-review pa 'ko sa bahay. "Matigas pa sa bato ang desisyon niyang iyon.
"Bakit, ikaw lang ba?" satsat pa ni Paulo na ayaw siyang tigilan. Parehas lang naman. "At isa pa, 'di ba, masarap 'yong may study buddy ka? Tapos nasa 'kin pa notebook mo, para at least sabay nating nire-review."
Bigla pa ngang bumulong si Paulo, "Para maintindihan ko naman 'yong mga nakasulat sa mga notes mo."
"May sinasabi ka?" Tinaasan siya ng kilay ni Toto.
"Sige na, please..." Nagmakaawa na lang si Paulo sabay pa-cute sa kaklase at saka hinigit ang braso nito at saka lumuhod na ikinainis pa lalo ni Toto.
Nabubuwisit talaga itong si Toto lalo na at pinagtitinginan na sila ng mga estudyante sa kung anong eskandalo ang pinanggagagawa ni Paulo
Sinamaan man niya ng tingin ang kaklase niyang asungot, ginantihan naman siya ng malawak na ngiti na para bang papasang endorser ng isang toothpaste commercial.
-30-
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...