Araw-araw, gabi-gabi at sa bawat sandali ay nagsasanay sa taglay na talim ng Gayang na ito. Sa bawat pagsakyod, paghampas at pagwasiwas nitong yaring talim dala'y kagalingan at kahusayan. Nahubog ang yaring kakayahan sa bawat pagpatak ng pawis na hatid ng pag-eensayo. Masikhay na paghahanda at angkop na paggamit ng sandata ay tulong sa pagpapaunlad nitong kakayahan.
"Para saan ang lahat ng pagsasanay na ito?" Yan ang katanungan nitong mandirigma na naghahanap ng kasagutan sa saysay ng kanyang buhay. Ngunit sa lalong pagkauhaw sa kasagutan ay lalo siyang gumagaling, mas lalong nagiging bihasa at matinik sa bawat pakikipaglaban at pakikipagtunggali.
Siya ay nanggaling pa sa katimugan. Dumadaloy sa kanya ang lahi ng matatapang. Ang lahing di pagagapi o magpapatalo sa anumang laban. Ang lahing Moro sa katimugan. Lahat ng kanyang makasagupa ay kanyang nagagapi. Walang makapantay at walang makadaig sa taglay niyang husay at galing. Mabilis ang kanyang kilos, matalas ang pandama at ang kanyang galaw ay mahirap hulaan at matukoy. Malingat lamang ng sandali ang abang kalaban ay tiyak katapusan ang aabutin. Sa bawat pagkikipaglaban tangan ang kanyang sandata ay unti-unting nagiging kaisa siya ng kanyang sandata. Animo'y nagiging isa o kabahagi na siya ng kanyang sandata na tila ba ito'y bahagi na ng kanyang paghinga.
Taglay na kakayahan ay hindi maungusan. Sa dami ng kanyang tagumpay ay para saan? Yaring puso ay may hinahanap pa rin. Maaari kayang ang nais nito'y maging pinakamahusay sa lahat ng mandirigma?
Hindi niya mahanap ang katunggaling magbibigay ligaya sa kanya. Katunggaling magpapalabas ng buo niyang kakayahan at husay. May mga ilang nakapagbigay ng magandang laban sa kanya, ngunit di pa rin iyon sapat upang siya ay magapi at kalaunan ay nabigo lamang sila. Kung kaya't nagpasya siya magtungo sa hilaga upang hanapin ang katunggali na nararapat para sa kanya.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Mabini at magiliw kung kumilos ang marikit na babaeng taga hilaga. Ang kanyang kilos at galaw ay kabigha-bighani sa mga mata ng mga lalaking nangingibig. Mayumi at kaiga-igayang pag-uugali ay kanyang namana sa kanyang mga magulang. Kung kaya't mapalad ang lalaking kanyang magiging kabiyak. Nagmula siya sa taga-ilog, ang pangkat na may sining at giting. Ang lahi ng mga Tagalog.
Ngunit hindi lamang kaiga-igayang pag-uugali ang kanyang namana sa kanyang mga magulang, pati na rin ang husay sa pagtangan ng "Itak Tagalog". Ang sandatang ginagamit noon bilang panggapas at pangputol ng mga damo at punong kahoy. Ngayon ito'y hinasa at pinatalim upang maging sandatang karapat-dapat sa binibining katulad niya. Lahat ng umiirog sa kanya ay marapat na kanyang subukin sa paraang pakikipagtunggali. Kung sino ang makakadaig sa kanya ay siyang marapat na maging kabiyak niya. Yan ang kanyang pamantayan upang makuha ang kanyang puso. Maraming sumubok at nagtangkang makuha ang kanyang puso ngunit sila'y nabigo. Iba't-ibang katayuan sa buhay, mayroong mayaman at mayroon ding hindi. Mayroong mahusay makipaglaban at mayroon ding matalas lamang ang dila. Lahat ng mga ito ay natalo sa pakikipagtunggali sa kanya.
Iba't-ibang sandata na ang ginamit ng mga katunggali ngunit sa husay at taglay niyang kakayahan ay hindi siya matalo. Walang panama sa kanya ang bilis at lakas ng pagsakyod at pagwasiwas ng mga katunggali sapagkat sa kanyang gaan at liksi ay mahirap siyang matamaan. Tila ba sumasayaw at nagpapadala sa hangin. Likas sa kanya ang pagiging maliksi na lalong nagpaganda ng kanyang mga galaw. Ang gaan, talim at talas ng kanyang sandata ay akma sa kanyang pangangatawan kung kaya't ang kanyang pag-atake ay mataas ang bahagdan na tumama. Sa katagalan ay siya namang pagkabagot niya sapagkat walang lalaki ang makatalo sa kanya. Habang tumatagal ay nadaragdagan lamang ang kanyang galing sa pakikipaglaban pati ang kanyang edad. Lalo lamang lumiliit ang bahagdan na siya ay magkaroon ng kabiyak.

BINABASA MO ANG
Alamat ng Dalawang Talim ng Pag-ibig
Short StoryIsang maikling kwento na alay para sa lahat ng mga Pilipino, lalong lalo na sa mga mandirigma ng luma at makabagong panahon. Sana po ay inyong maibigan ang akda kong galing sa aking malikot na pag-iisip. Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Alin...