Lubos Na Umaasa, Vincent

314 8 0
                                    

Babe? Simula n'ong gabing iniwan mo ako, hindi na ulit kita nakausap. Kumusta ka na ba? Inaalagaan mo ba ang sarili mo? Baka naman madalas ka pa rin magpalipas ng gutom ha. Alam mo namang napakahirap magka-ulcer. Kumusta na rin ba 'yong regalo ko sa 'yong goldfish? Humihinga pa ba? Alam mo, 1 week matapos tayong magbreak, bigla na lang namatay si David. Sobrang sama nga ng loob ko eh. Nawala ka na nga, pati ba naman regalo mong aso, nawala na rin.

Di ako sigurado kung mababasa mo 'tong love letter ko sa 'yo, Babe. Ako na lang ata ang lalaki sa buong mundo na sumusulat pa rin ng love letter. Hindi ko nga alam kung love letter ba tawag dito o nobela na eh, medyo mahaba kasi. Wala naman akong paki kung korni. Basta ang alam ko lang, miss na miss na talaga kita. Sobra. Kahit halos 6 months na tayong wala.

Naaalala mo pa ba n'ong tanghaling nagtext ka sa 'kin? September 02, 2014. Sabi mo magkita tayo sa tapat ng St. Joseph Church ng 7pm. Dahil ayokong paghintayin ka, 6pm pa lang nand'on na ako. Nagtext ka bandang 6:45pm na medyo male-late ka kamo dahil may kailangan ka lang puntahan saglit. Ayos lang naman sa akin. Medyo malamok nga lang ng gabing 'yon. Nagugutom na rin ako pero hindi ako kumain kasi mas gusto kong sabay na lang tayo pagdating mo. 8pm na wala ka pa rin. Tinawagan na kita pero di ka sumasagot. Hanggang sa dumating ka na. 11pm na 'yon. Sa sobrang ganda mo, napawi lahat ang pagod at gutom ko sa paghihintay sa 'yo. Hinding-hindi ko makakalimutan 'yong dilaw na blouse na suot mo n'ong gabing 'yon dahil iyon din 'yong blouse na suot mo n'ong gabing sinagot mo ako.

Ngumiti agad ako sa 'yo pero di ka ngumiti sa akin. Tumango ka lang bilang tugon. Tinanong ko kung kumusta ka. Ang sinagot mo, "Sorry kung kanina ka pa naghihintay ah." Wala kakong problema. "Gusto ko lang sabihin sa 'yo personally na nakikipagbreak na 'ko. Please, 'wag mo 'kong susundan." Tapos tumalikod ka na. Tapos naglakad. Nakatingin lang ako sa 'yo habang palayo nang palayo ang distansya mo mula sa akin. Hanggang sa di na kita matanaw. Parang hindi ko ma-digest 'yong nangyayari. Alam kong emosyonal kang tao pero bakit parang wala ka man lang nararamdaman maski katiting na lungkot habang sinasabi mo sa aking nakikipagbreak ka na? Parang wala lang sa 'yo 'yong isang taon nating pinagsaluhan. Nakipagbreak ka? Break na tayo? Babe? Hanggang ngayon di ko pa rin masikmura. Birthday ni mama n'on pero umalis pa rin ako dahil gusto kitang makita. Halos 1 week na kasi tayong di nagkikita kaya sobrang excited akong makasama ka n'ong gabing 'yon. Sana pala di na lang ako pumunta. Oh sana naibulong agad sa akin ng mga ibon na makikipagbreak ka para sana nakapagpasagasa na lang ako sa jeep para kaawaan mo ako pag nakita mong sabog-sabog ang katawan ko. Baka sakaling magbago ang isip mo. Baka sakaling manatili ka sa akin at alagaan ako. Baka sakaling maramdaman mong mahal mo pa pala ako. Para akong pinatawan ng death penalty nang dahil lang sa nagmahal ako nang sobra. Minahal kita, Babe, nang sobra-sobra. Alam kong alam mo 'yon. Gusto kong habulin ka at itanong sa 'yo kung bakit ka biglang nakipaghiwalay sa akin. May nagawa ba ako? May hindi ba ako nagawa? May magagawa pa ba ako para magbago ang isip mo?

Gusto kitang tanungin pero alam ko naman na ang sagot sa tanong ko. Alam kong tama ang hinala ko.

Parang kailan lang n'ong huling araw na magkasama tayo.

Naaalala mo pa ba n'ong birthday ng ate mo? Inaasar ako ng mga kamag-anak mo na kamukha ko raw talaga si Enrique Gil. Tawa ka nga lang nang tawa eh, di ba? Ansaya-saya mo n'on, alam ko. Nagselos ka pa nga kasi panay ang yakap at papicture sa akin ng mga pinsan mo. Gwapong-gwapo sa 'kin. Pinahiran mo pa nga ng icing ng cake 'yong ilong ko. At dahil paborito ko ang caramel, kinuha at kinain ko 'yong icing na nilagay mo sa ilong ko. Andugyot ko kamo kaya hinampas-hampas mo ako sa braso habang tawa ka nang tawa. Tumigil ka lang n'ong hinalikan kita. Tapos pumasok na tayo sa kwarto mo.

Masaya naman tayong dalawa, di ba? Pero bakit nakipagbreak ka? Hahabulin talaga sana kita kaso sabi mo huwag kitang sundan. Alam mo naman ako, kapag sinabi mo, sinabi mo. Hindi naman sa sunud-sunuran ako sa 'yo na parang aso. Mahal lang talaga kita, Babe.

Lubos Na Umaasa, VincentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon