Trigger warning: Violence
*****
Ang pagkakaroon ng kalakasan ay mayroong kaakibat na responsibilidad.
Hindi ko alam kung ilang beses itong sinabi sa akin ng ama ko, kaya naman hanggang ngayon ay hindi natatanggal sa aking isipan ang mga katagang ito.
Patuloy ang karahasan sa dating mapayapang nayon. Ang mga iilang kabahayan na dati, bagaman ay maliit at hindi marangya, na punong puno ng pamilyang nagkakasiyahan ngayon ay unti unti nang nilalamon ng mga naglalakihang apoy.
Hindi pa rin tumitigil sa pagsugod ang mga mandirigma, at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matukoy kung ano ang kanilang sadya. Bakit nila ginagawa ito?
Anong ginawa namin para saktan nila kami ng ganito?!
Ang mga damo na dati ay berde, ngayon ay naging pula na dahil sa mga dugo ng mga naninirahan sa bundok na ito.
Ang dating masaganang mga kakahuyan, ngayon ay unti unti nang tinutumpok ng mga apoy na gawa rin ng mga mandirigma.
Bumaba ang aking paningin sa aking mga palad na puno ng dugo. Nabitawan ko na ang kutsilyong hawak dahil sa labis na panginginig. Kitang kita ko kung paanong naghalo ang aking luha at dugo sa aking maliliit na palad.
Naramdaman ko ang marahang pagtapik ni Eden sa aking kulay pilak na buhok na ngayon ay may mga bahid na ng dugo, dahilan para lingunin ko siya. Tinitigan ko ang kaniyang mukha at doon ko lamang napagtanto na hindi lamang pala ako ang nagdurusa, hindi lang ako ang nahihirapan ngayon, alam kong siya rin ay natatakot.
"Dapa!" Narinig kong sigaw ng aking ama, dahilan upang natataranta akong mapayuko. Napapikit ako nang tumalsik sa akin ang mga dugo ng mandirigma na susugod sana sa amin ni Eden mula sa likuran.
Dahan dahan akong lumingon habang tinatakpan ang mga mata ni Eden upang tingnan ang mandirigma. Doon aking nadatnan ang espada ni ama na nakatarak sa dibdib nito. Mabilis niyang hinugot ang espada at muling bumalik sa pakikipaglaban habang ako ay nakatulala pa rin.
"Hindi ito nararapat na makita ng mga batang kagaya mo, gayundin ang maranasan ang ganito," sambit ni ama habang nakikipagtagisan. "Ngunit, kung nais mong manatiling humihinga, kailangan mong lumaban. Para mabuhay, kailangan mong kumitil ng isa pang buhay. Sapagkat sa bansang ito, ang matitira lamang ay ang mga matitibay."
Malamig at may diin niyang sambit. Seryoso siyang nakikipaglaban, ngunit kitang kita ko sa kaniyang mata ang pag aalala at takot na marahil hindi para sa kaniyang sarili, kung hindi para sa amin. Sinasalamin ng reaksyon ng aking ama ang nararamdaman din ng aking ina na ngayon ay halata na ang pagod sa mukha.
Huminga ako nang malalim at dahan dahang pinulot ang kutsilyong hawak ko kanina. Tama si ama, kailangan kong lumaban. Ibinaba ko na rin si Eden upang kausapin siya at sabihing magtago muna. Natatakot akong baka pati siya ay masaktan kung akay akay ko pa siya.
"Eden, naaalala mo pa ba 'yung laro na madalas nating laruin nila ama noon?" Tanong ko sa kaniya na sinagot niya lamang nang mabilis na tango kahit na halata pa sa kaniya ang pagkalito. "Maglalaro tayo ngayon, hmm? Kailangan mong magtago sa malayo rito... hindi ka lalabas hangga't hindi kita nakikita, maliwanag?" sambit ko nang dahan dahan.
"Tagu-taguan?" Inosente niyang tanong. Ngumiti lamang ako at tumango.
"Oo, kaya kailangan mong magtago nang maigi," ngiti ko pa, ginantihan niya rin ang ngiting ito bago maya maya pa ay tumakbo na papalayo. Sinundan ko siya ng tingin habang alerto pa rin sa kapaligiran. Mabuti na lamang at wala pang sumusugod sa akin, salamat kay ama.
BINABASA MO ANG
Alpas
AdventureFrom the vast land of Pretania---where pain, grief, and anger reside---five people ended up finding each other for one reason. ********** In a country where humanity is forced to follow this so called Ministers, Venus vowed to wreak vengeance after...