Kasama ni Dominic ang dalawang warden at naglalakad sila sa pasilyo. Pabalik na sila sa kabilang building patungo roon sa penitentiary. Ibabalik na siya sa kulungan.
Sinusuri ni Dominic ang paligid. Tinitignan niya ang dalawang warden na kasabay niya. Iyong isa, may nakasuksok na baril sa holster, iyong pangalawa ay nakasabit ang susi sa sinturon. Walang baril iyong pangalawa.
Nakaposas pa rin ang mga kamay ni Dominic pero hindi naman nakaposas iyon sa likod kundi sa harap niya. Kung tutuusin may advantage siya sa sitwasyon. Nakaisip siya ng paraan at tumigil sa paglalakad.
Natigilan din sa paglalakad ang dalawang warden na kasabay niya.
"Hoy, ano ba?! Lakad na!" tulak ng warden 1.
Siko ang ginanti ni Dominic sa warden 1!
"AHHH!" nagulat ang warden 1 at natamaan sa panga. Mabilis na kumilos si Dominic at kinuha ang baril sa bulsa ng warden 1. Agad niyang tinutukan ng baril si warden 2 at lumayo sa kanila.
Nagulat si warden 2 sa bilis ng kilos ni Dominic, hindi siya nakakilos at naging estatwa lang doon.Lalapit si warden 1 pero mabilis na binaril ni Dominic ang hita nito.
"AHHH!" napasigaw ulit si warden 1 at natumba.
"Akin na ang susi kundi papatayin kita!" banta niya na tinutukan ng baril si warden 2. Mukhang natakot si warden 2 dahil hindi nagdadalawang isip si Dominic magpaputok. Nanginginig pa ang mga kamay na kinuha iyon ni warden 2 sa sinturon.
"Bilis!" pagmamadali niya na nagpaputok ulit. Warning shot lamang iyon pero napasinghap sa takot ang dalawa.
Nataranta na hinugot ni warden 2 ang susi at inihagis sa paanan ni Dominic.
Nakatutok pa rin ang baril niya kina warden 1 at warden 2 habang dinadampot niya ang susi. Nilusot niya iyon sa kandado at natanggal niya ang posas. Marahan siyang umatras tapos biglang kumaripas ng takbo.
Napatulala na lang ang dalawang warden nang makatakas si Dominic.
Tumatakbo siya sa hallway pero hindi niya inaasahan ang bubulaga sa harap niya. Muntik na silang magkabunggo ni Danilo.
Kapwa silang nagulat at napahinto. Namilog ang mata ni Danilo at natapon ang kapeng hawak niya.
"DOMINIC?!"
Tinulak ni Dominic si Danilo, natumba naman ang huli at nasubsob pa ang mukha sa pader. Buti na lang hindi niya nabitawan ang tasa kundi mababasag iyon. Tumapon lang ang mainit na kape sa tiyan niya.
"Ah!" napaso tuloy ang pobreng pulis. "Dominic!" sigaw niya nang makitang tumatakbo na ang lalaki palayo. Inilapag niya ang tasa sa sahig. Tumayo siya at hinugot ang baril sa holster.
"Tigil Dominic!" nagpaputok siya ng warning shot.
Napatigil ang lalaki pero nakatalikod pa rin ito kay Danilo. Mukhang wala siyang balak na humarap at makipaglaban sa pulis.
Unti-unti namang lumapit ang pulis habang nakatutok pa rin ang baril sa likod ng tumatakas, "Taas ang kamay!"
Hindi sumunod si Dominic sa halip namataan nito sa gilid ang bukas na bintana. Sliding glass window iyon at may kalakihan pa. Nakaisip siya agad ng paraan. Nasa ground floor lang sila ng building, walang problema kung doon siya dadaan.
Nanlaki ang mata ni Danilo nang mabilis na lumapit si Dominic sa bintana at sumampa roon.
"SHIT!" mura niya na nagpaputok ng dalawang beses pero wala na, nakatakas na si Dominic. Tumalon sa bintana ang lalaki at nakalabas.
Tumakbo si Danilo at dumungaw sa bintana. Nakita niya si Dominic na dire-diretso sa parking lot. Binasag nito ang bintana ng kotse, nagawang buksan ang pinto at pumasok sa loob.
"DOMINIC!" nagpaputok ulit siya at napayuko naman si Dominic. Hindi natamaan ng bala ang lalaki.
Lumabas ang ibang pulis sa nasa loob ng building dahil narinig nila ang kaguluhan. Nagpaputok sila pero nasa loob na si Dominic ng kotse at hindi nila matamaan ang lalaki.
Sa gate ay akma pang haharang ang dalawang guard pero nang makitang handa silang sagasaan ni Dominic ay wala silang nagawa. Napaiwas ang dalawang guard at diretso na nakalabas si Dominic sa gate.
"Nako!" napahilamos si Danilo sa mukha. Problemadong kinuha niya ang phone sa bulsa at nagmadaling nag-dial ng numero. Kailangan niyang matawagan si Ramil at ibalita ang nangyari.
Nagmamaneho naman ng kotse si Ramil sa kalsada patungo kila Ligaya.
"Sa pagkakaalam ko sa dormitory sila ng school nakatira," sa isip ni Ramil habang nakatingin sa daan. Nag-aalala siya para kina Ligaya at sa anak nito. "Diyos ko, sana hindi pa ako huli."
Habang nasa byahe ay tumunog ang phone niya kaya kinuha niya iyon sa bulsa.
"Hello?"
"Sir Ramil! Nakatakas si Dominic!" boses iyon ni Danilo.
"Ha?!" gulat na singhap niya. Lagi na lang bad news ang naririnig niya ngayong gabi.
"Ano?! Paano makakatakas iyon, may mga pulis diyan ah!"
Hindi alam ni Danilo ang isasagot sa lalaki. Feeling niya ay napahiya siya dahil wala kasi siyang nagawa para mapigilan si Dominic.
"Ah di bale, nahuhulaan ko kung saan papunta ang lalaki na iyon," nasambit na lamang ni Ramil nang hindi magsalita si Danilo.
"Ano sir?"
"Danilo, magsama ka ng team. Pumunta kayo sa Agsikapin Elementary School. Kung hindi sa lumang bahay, marahil sa dorm ng paaralan, doon pupunta si Dominic. Kung hindi niya mahanap si Tom, si Ligaya ang hahanapin niya," bilin niya sa kaibigang pulis.
Hindi man masyadong maintindihan ni Danilo pero um-oo na lang siya. May tiwala siya kay Ramil dahil naniniwala siyang mas alam nito kung ano talaga ang mga nangyayari.
Iyon lamang at natapos na ang usapan nila.
Sa wakas, pagkatapos ng ilang minuto; nakarating na rin si Ramil sa tapat ng Agsikapan Elementary School. Tanaw niya roon ang abandonadong bahay.
***
BINABASA MO ANG
𝕋𝕙𝕖𝕣𝕖'𝕤 𝕒 𝕄𝕒𝕟 𝕚𝕟 𝕥𝕙𝕖 ℂ𝕒𝕓𝕚𝕟
Random"Walang mukha ang kasamaan." Bagong dayo sina Ligaya at Maninging sa San Fernando Pampangga nang mangyari ang kahindik-hindik na krimen sa tapat ng abandonadong bahay. Ang bahay na iyon ay katabi lamang ng Agsikapin Elementary School kung saan nagtr...