03

98 6 0
                                    

*****

"Binibini, nahulog mo ang iyong salapi!"

Napahinto ako sa ginagawa nang mayroong biglang humigit sa aking braso. Mabilis pa sa hangin na inikot ko ang kaniyang mga kamay patungo sa kaniyang likod dahil sa aking pagkabigla. Natural na reaksyon na nga siguro ito ng aking katawan.

Malakas na napasigaw ang lalaki marahil ay dahil masiyado kong nadiinan ang pagkakaikot ko sa kaniya. Nang matauhan, ay dahan dahan ko ring binitawan ang kaniyang mga braso. Dali dali siyang tumakbo papalayo sa kinaroroonan ko, halata ang takot sa kaniyang mukha.

"Venus," pagtawag ng kung sino sa akin habang inaabot sa akin ang salaping napulot ng lalaki. "Ayan tuloy, pinagtitinginan na tayo."

Doon ko lamang napansin na halos pala lahat ng mga namimili rito sa pamilihan ay nakatingin na sa aming direksyon na tila ba kami ay hinuhusgahan. Inayos ko ang pagkakatabon ng aking manto, o madalas tawagin dito sa Wallachia na 'cloak', sapagkat hindi ako komportable sa atensyong kanilang ibinibigay.

Mabuti na lamang at nakasuot kami ng ganito.

"Nabili mo na ba ang nais mong bilhin?" Pagtatanong ko sa lalaking kasama ko. Nilingon niya naman ako dahilan upang aking makita ang kaniyang kulay asul na mga mata, katulad ng akin.

Ang kaniyang kutis na kasingkulay ng kutis ko, namana namin sa aming ina na mayroong porselenang balat, ay bahagya nang pinapawisan sapagkat mataas ang tirik ng araw ngayon dito sa bayan.

Pinanood ko ang kaniyang palad na pinasadahan ang kaniyang kulay pilak na buhok na mayroong kahabaan dahilan upang matakpan ang kaniyang noo hanggang tenga. Ngumiti lamang siya sa akin.

"Mukhang hindi sila nagtitinda ng mga hinahanap ko," wika niya at pagkatapos ay luminga pa sa paligid. Naintindihan ko naman kaagad ang kaniyang nais ipahiwatig.

Sa edad na labing-dalawa, ang kaniyang taas ay mas nangunguna kumpara sa iba niyang mga kaedaran. Bagaman mas matangkad pa rin ako sa kaniya, ang kaniya namang taas ay hindi nalalayo sa akin.

"Kung ganoon ay umuwi na tayo, Eden. Maghahanap na lamang tayo bukas ng ibang pamilihan," pang aaya ko sa kaniya. Nilingon niya muna ako bago pasadahan ng tingin ang buong pamilihan sa huling pagkakataon upang siguraduhing wala rito ang kaniyang hinahanap.

Nang masigurong wala nga rito, saka lamang siya tumango.

Akmang maglalakad na kami ngunit ako'y napahinto sa tapat ng isang tindahan nang makuha nila ang aking atensyon. Mayroon silang pinag uusapan kaya naman hindi ko mapigilan ang aking sarili na makinig.

"Tingnan mo itong mga karneng binebenta ko! Galing pa ito sa kakahuyan malapit sa bundok sa timog!" Sabi ng isang tindera.

Bundok sa timog.

"Bundok sa timog? Hindi ba iyon 'yung dating nayong Danube na pinasabog anim na taon na ang nakakalipas? Mga traydor daw kasi ang mga residente roon noon!" Sagot ng babaeng kausap nito. "Balita ko ay lahat daw ng mga naninirahan doon ay namatay! Hindi ba kayo natatakot mangaso roon?"

"Aba'y oo nga! Gumagala raw doon ang mga kaluluwa ng mga namatay e! Nais maghiganti!" Tila kinikilabutang singit ng isa pang babae. Napangisi ako sa narinig.

AlpasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon