“Kuya Will, masungit ba talaga ako?” Tanong niya sa kuya ng barkada. Ito ang nagsisilbing adviser ng grupo. 19 years old na ito pero nasa high school pa rin dahil sa pagloloko nito sa pag-aaral. Nasa canteen sila at kasalukuyang nagla-lunch nang maisip niyang itanong ulit iyon. Hindi kasi titigil ang barkada niya hangga’t may hininga siyang makipag-asaran sa mga ito.
“Oo. Malaking oo.” sagot ni Sipag. Lester ang totoo nitong pangalan. Malimit itong tawaging Sipag dahil masipag itong mag-aral.
“Hindi ikaw ang kinakausap ko.”mataray niyang sagot. Ipinatong niya ang dalawang siko sa mesa at nangalumbaba. “Bakit kayo ganyan sa akin? Parang hindi ko kayo kaibigan.” lumabi pa siya with matching fake na hikbi.
“Tumigil ka nga sa kaartehan mo at ‘wag kang lumabi-labi diyan. Malaki kana astang bata ka pa rin.” nakaangil na sumagot si Will.
Tiningnan niya ito bago umayos ng upo. Hindi niya maintindihan ito kung minsan. Moody ito kaya siguro laging napapaaway.
“Eh kasi kayo, palagi niyo na lang ako inaasar.” inis niyang dagdag.
“Ang cute mo kasi.” natatawang singit ulit ni Sipag. Pinisil pa ang namumula niyang pisngi.
“Ano ba!” tabig niya sa mga kamay nito. “May mantika pa yang kamay mo oh.” angil niya at kumha ng tissue bago ipinahid sa pisngi.
“Ang arte nito.” natatawang sabi ni Sipag.
“Itigil mo na nga ‘yan Sipag. Baka may bulkan na namang sumabog dito.”
“Kuya Will!”
“Kuya Will!” panggagaya ni Sipag sa kaniya.
Inambaan niya ito ng suntok. Natatawa itong tumayo. “Hugas lang ako ng kamay.”
Tumango sila. Ibinaling niya ang tingin sa mga estudyanteng katulad nila ay iba-ibang topic din ang pinag-uusapan. Napangiti siya ng mapansin niya ang isang grupo ng mga estudyanteng papasok sa canteen. Natawa siya dahil iisang babae lang ang nakikita niya sa grupong iyon. Parang siya, katulad noon. Nag-iisa lamang siyang babae sa barkada. Kaya naman napagkakamalan siyang one of the guys. Pero nagbago ang ikot ng mundo ng barkada ng makilala nila si Maryrose na saksakan ng cute. Transferee sa school at walang kakilala. Naging bestfriend niya at ngayon ay isa na sa mga pangyayari sa buhay niya na gusto na niyang kalimutan. Pasalamat siya at may isang Erin pang natitira sa mundo na pwede niyang pagkatiwalaan at iintindihin siya kahit na saksakan siya ng sungit.
“Hindi ka naman talaga masungit, Ikay.”
Ang salitang iyon ang nagpabaling ng tingin sa kaniya sa direksyon ni Will. Nakangiti ito sa kaniya. Masuyong ngiti na gusto sana niyang gawin nito lagi. Pero muli itong nagseryoso ng titigan niya.
Tumikhim ito bago nito ipinagpatuloy ang sinasabi. “Kaya ka nagsusungit kasi hindi mo kayang ipakita ang totong nasa loob mo.”
Nagbuntong hininga siya. Napakagat-labi. Tama ito. Ganoon nga siya. Takot siya. Takot siyang ipakita ang tunay niyang nararamdaman.
Umiwas siya ng tingin dito at tumingin ulit sa mga grupo ng mga estudyanteng nagumpukan sa loob ng canteen. Ewan ba niya kung bakit siya ganito. Siguro kasi ipinanganak siyang ganoon.“Nandito na pala si Marc eh.” nakangiting tinawag ni Will si Marc na tila may hinahanap. Napatingin din siya sa direksyong itinuro ni Will.
Lumingon si Marc sa direksyon nila. Pilit siyang ngumiti. Alangan siya kung lalapit sa mga ito. Muli niyang inilibot ang mga mata sa loob ng canteen. Nagbuntong hininga ng hindi makita ang hinahanap. Lumakad siya papalapit sa dalawa sa ilang segundong pag-aatubili niya.
“May hinahanap ka ba?” tanong ni Will na humila ng silya sa katabing table para sa kaniya. “Para kang nag-aalangang lapitan kami ah. Para kang nakakita ng multo.”
“Wala.” agad niyang sagot. bago naupo paharap kay Ikay.
“O Marc.” bungad ni Sipag na galing sa likod ng canteen para maghugas ng kamay. “Nasaan na si Maryrose?” naupo na ulit ito sa sariling upuan na paharap kay Will. “Magkagalit pa rin ba kayo?”
“Huli kana sa balita. Wala na kami ng Ex-best ni Ikay.” natatawang sagot niya. Kumindat pa sa kaharap niya na tumahimik ng dumating siya. Napupuna niyang hindi ito mapakali.
“Ayun! kaya naman pala para kang pusang di mapaanak na naman. Nag-iisip ka na naman siguro ng strategy kung pa’no aamuhin na naman ang tigreng iyon.” nang-aasar ang boses ni Sipag.
Nakangiti siyang umiling. Kung dati ay naaasar siya kapag inaasar siya ng mga ito tungkol sa pagiging under niya kay Maryrose pero ngayon ay maluwag na ang pakiramdam niyang tanggapin iyon. “Hindi na ‘ko nag-iisip ng strategy para sa kaniya.”
“Anong ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong ni Will. Nahinto sa pagkagat sa ham sandwich at tumingin sa kaniya.
Tahimik lang si Ikay na nakikinig sa usapan ng tatlo habang ang bibig niya ay ngumunguya ng chips. Wala na naman siyang pakialam kay Maryose simula ng sabihan siya nito ng masasakit na salita sa harap ng maraming tao.
“May iba na ‘kong pinag-iisipan ng strategy.” sagot nito.
“Ang ibig mo sabihin, meron kana agad na bagong pinopormahan?” natatawang tanong ni Sipag.
“Yup!” masigla nitong sagot. Nangingislap ang mga mata nito. Kitang kita sa mukha nito na masayang-masaya ito. “At ang sabi niya sa akin ay may pag-asa ako sa kaniya. Well, sabi niya ay pag-iisipan daw niya. Pero ganoon na rin iyon.”
Para siyang sinaksak ng kutsilyo sa narinig. Pakiramdam niya ay hinihiwa niyon ang puso niya. Bakit naman niya naramdaman iyon? At bakit ba siya naiiyak? Inihinto niya ang pagkain ng chips at nagpahid ng bibig.
Tumayo siya sa pagkabigla ng tatlo. “Time na namin. Sige, mauna na ko sa inyo ha.” kinuha ang knapsack bag niya na nakapatong sa silya at dali-daling lumabas ng canteen. Kung magtatagal pa siya roon ay baka ngang may sumabog na bulkan.
“Anong nangyari d’on?” nagtatakang tanong ni Sipag sa dalawa.
“Ewan.” kibit-balikat na sagot ni Marc.
Nasundan lang ni Will ng tingin ang dalagitang sa tingin nito ay tila maiiyak.