"Teka, kayo muna ang magtulak. Babalik muna ako sa bahay, naiihi kasi ako." Pagpapaalam ni Clarity sa mga kaibigan habang nakahawak sa kanyang puson.
Binigyan siya ng mga ito ng nag-aalalang tingin.
"'Wag kayong mag-alala, mag-iingat ako." Sabi nito na parang nabasa ang naiisip ng mga kaibigan. "Sige na. Sasabog na pantog ko!"
Pagkuwan ay dali-dali na siyang tumakbo pabalik sa bahay.
Nagmamadali siyang pumasok, walang tao sa loob. Lahat ay pawang abala sa labas dahil sa paghahanda. Agad niyang nilandas ang daan papunta sa banyo na nasa tabi ng kusina at pumasok doon. Kinandado ang pinto at saka umihi.
Nang matapos ay tumayo na siya, iaangat na sana niya ang kanyang salawal ng makarinig siya ng mga yapak na papalapit sa banyo. Natigilan siya at mabilis na nakaramdam ng kaba.
Naramdaman niyang tumigil ang mga ito sa tapat ng pinto ng banyo. Mabilis siyang nakaramdam ng tensyon. Nagsimula nang mamuo ang butil-butil na pawis sa kanyang noo.
"Joss, sa tingin mo ba ay nakakahalata na sila?" Tanong ng isang babae mula sa labas. Napakunot ang noo ni Clarity at agad niyang nakilala ang may-ari ng boses. Si Aling Susan.
"Gaya nga ng sinabi ko sa 'yo, tiya. Hangal ang mga iyon. Hindi nila malalaman kung ano tayo." Ani ng tinig ni Joss.
"Sana nga, dahil hindi na ako makapapayag kung mauulit nanaman ang nangyari noon," naramdaman niya ang paglungkot ng boses ni Aling Susan, "Namatay ang inay noon ng dahil sa Emerald na iyon!"
"Tama na, Tiyang." Pagsaway ni Joss dito. "Bukas ng gabi, pagkatapos ng pagsamba natin sa harap ng ating panginoon, sa pagsilay ng bilog na buwan sa langit, lahat sila ay iaalay natin sa ibabaw ng malaking hapag."
Nakaramdam ng matinding kilabot si Clarity ng marinig ang tinuran ni Joss.
"Walang makakatakas. Walang mabubuhay. Pupugutin natin ang ulo at kukunin natin ang puso nila upang ialay sa ating panginoon! At matutunghayan iyon ng lahat ng ating mga kasama sa paniniwala!" Nakakakilabot na sabi ni Joss saka humalakhak.
Binalot na ng labis na takot si Clarity. Napatakip siya sa kanyang bibig upang pigilan ang malakas na pagsinghap dahilan para mabitawan niya ang kanyang short na hindi pa niya tuluyang naisusuot. Lumaglag iyon sa sahig ng banyo at gumawa ng ingay dahil sa pagtama ng bakal ng sinturon sa sahig.
Naputol ang pagtawa ni Joss at mabilis na napalingon sa pinto ng banyo, nanlilisik ang mata.
Halos magdilim na ang paningin ni Clarity dahil sa sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso. Pakiramdam niya ay mahihimatay siya sa takot. Gumawa siya ng ingay, at narinig iyon ng mga kampon ng demonyo!
"May tao ba diyan?" Tanong ni Joss habang unti-unting lumalapit sa pintuan ng banyo.
Mabilis na pumatak ang luha ni Clarity dahil sa takot. Tuluyan na ring tumulo ang kanyang mga pawis na dulot ng tensyon. Humigpit din ang pagkakatakip niya sa kanyang bibig dahil sa pagpipigil ng pagsigaw.
"Sino ang nandiyan?" Si Aling Susan, habang binubunot ang patalim na laging nakasukbit sa bewang niya.
Nagkatinginan ang magtiyahin. Dahan-dahang hinawakan ni Joss ang door knob ng pinto ng banyo habang dinilaan naman ni Aling Susan ang hawak niyang patalim bilang pagbabasbas.
"Joss! Aling Susan! Halina kayo dito sa labas! Dali!"
Mabilis na napalingon ang dalawa at nakita nila ang isang lalaking humahangos papalapit sa kanila.
"May problema po sa labas. Dali!" Humihingal na sabi ng lalaki.
Nagkatinginan ang magtiyahin. Binitawan ni Joss ang door knob.
BINABASA MO ANG
Sitio Kulto [Book 2 of Kulto]
Terror"Hoc est, non ad finem. Suus 'iustus non est principium." Sabi ng taong nakaitim, puno ng dugo ang kanyang mukha. Iniangat niya ang hawak niyang tumitibok-tibok pang puso. Nilapit niya iyon sa kanyang mukha at nakapikit na inamoy iyon. "Ang alay!" N...