BUCKET LIST
HALOS hindi ako makahinga matapos niyang lumuhod sa harap ko habang may hawak na bouquet of red roses. Hindi ko rin alam kung ano ang dapat na maging reaction sa ginawa niya.
Tumili?
Kiligin?
O
Ang mahiya?
Paano ba naman kasi... bigla na lang siyang lumuhod at nagbigay ng bulaklak dito sa may field kung saan ay kakatapos lang ng soccer game. At halos lahat ng estudiyante ay nanuod ng laro nila.
"Will you be my girlfriend?" ang sabi ni Alex— ang bestfriend ko. Ang lawak ng ngiti niya habang tagaktak pa ang pawis sa mukha.
Natawa ako na kinilig sa ginawa niya. "Nagpalit ka man lang sana ng damit, pawis na pawis ka, o."
Kumunot ang noo niya. Hindi inaasahang iba ang sasabihin ko sa tanong niya. "Y-yes or no?"
"Maybe?" ang biro ko pa.
"Nangangalay na 'ko," ang sabi niya habang malawak pa rin ang ngiti sa labi.
Napanguso tuloy ako para pigilan na muling matawa. "Hindi mo naman kasi kailangang lumuhod. Kung ano-anong gimik na lang talaga ang maisipan mo."
Mas lalo siyang ngumiti kaya naningkit na ang mata. Mukhang masaya ang itsura niya pero dahil bestfriend ko siya at kilalang-kilala, alam kong iba na ang ibig sabihin ng ngiti niya.
Naiinis na siya.
Nabaling ang atensiyon ko sa mga estudiyanteng pinalilibutan na kami. Ang iba ay kilig na kilig habang ang iba ay parang nasasaktan... well, hindi ko sila masisisi.
Si Alex Miranda... The school heartthrob ay nag-confess sa akin.
"Oy, ano na? Masakit na ang tuhod ko," ang sabi niya pero naroon pa rin ang mala-killer smile niyang ngiti. Literal na killer smile kasi inis na talaga siya.
"Hindi kita sagutin, e."
"I love you~"
Tuluyan na akong humalakhak. "I love you too, and yes, sinasagot na kita." Kukunin ko na sana mula sa kanya ang bulaklak nang bitawan niya at nalaglag sa damo.
Niyakap niya ako nang mabilis kaya hindi ko na nagawang pulutin.
Naghiyawan naman ang mga estudiyante na may kasama pang pagbati.
Mahina kong hinampas ang braso niya. "'Yung bouquet, basta mo na lang binitawan."
"Ay, sorry," sabay pulot ng bulaklak. "To my beautiful girlfriend." At binigay sa akin ang bouquet.
"Thank you." At niyakap siya.
Napansin ko naman mula sa mga estudiyante si Gwen. Humiwalay ako kay Alex at nilapitan ito— ang girl bestfriend ko.
"Congratulations," ang bati niya.
"Thank you." Sabay yakap.
"Tinulungan niya nga pala ako para ma-surprise ka," ang singit ni Alex.
"Really?" hindi ako makapaniwala na nagtulungan silang i-surprise ako. "Thank you, bessy." At mas lalo pa siyang niyakap ng mahigpit.
"Pa'no kasi, hindi raw siya marunong kaya tinulungan ko."
"Oy, may usapan tayong hindi mo ako ibubuko," ang reklamo ni Alex.
"Sorry, mas importante si Stacy kaysa sa friendship natin," ang sagot naman ni Gwen.
Nilabas ko ang dila para asarin si Alex. "Sorry, 'sis before hoes'," ang sabi ko sa motto naming dalawa ni Gwen.
"Grabe, pinagtulungan niyo talaga ako."
Natawa na lang kami ni Gwen. Ang cringe kasi tignan ni Alex habang nagkukunwaring nagtatampo.
KASAMA ang mga classmate ay pinanuod namin ang soccer practise nila Alex. Nakaupo kami dito sa may field at kumakain ng snacks.
"Hindi ba awkward?" ang tanong ni Bianca sa akin.
"Ang alin?"
"Na, naging boyfriend mo ang bestfriend mo?"
"Hindi naman, mas okay nga kasi parang walang nagbago... I mean, magkaibigan kami and at the same time ay boyfriend ko rin siya."
"Ang cool nga, e," ang komento naman ni Ryzza.
"Pero pa'no kung mag-break kayo?" ang tanong muli ni Bianca. "Baka kasi masira ang friendship niyong dalawa."
"Nope, hindi mangyayari 'yun. Impossible."
"Ang alin? Ang maghiwalay kayo?"
"Ang masira ang friendship namin."
Parehong kumunot ang noo nilang dalawa. Naguguluhan sa sinabi ko.
"Ito na ang another batch ng snacks," ang sabi ni Gwen na nakabalik na matapos bumili ng pagkain. Kasama nito si Rina— isa sa classmates at malapit na kaibigan.
Nanatili ang tingin nila Bianca at Ryzza sa akin kaya bago pa magtanong ang bagong dating ay tinuro ko na ang mga naglalaro sa field. “Sayang!” ang sigaw ko pa para mabaling doon ang atensiyon nila.
“Ha, anong nangyari? Hindi ko nakita!” ang sabi ni Ryzza.
“Muntik nang ma-goal,” ang sagot ko naman.
“Ano ba ‘yan, hindi ko rin nakita,” ang komento naman ni Rina.
Natawa na lang ako habang pinagmamasdan sila.
Hanggang kailan ko pa kaya sila makakasama?
Gusto ko sana, hanggang sa pagtanda. Pero kung imposible ang gusto ko… ayos lang. Sapat na sa akin ang makasama sila kahit ito na ang huli.
NAKANGITI akong kumaway kay Alex matapos niya akong ihatid sa bahay. “Thank you, babe. Ingat sa pag-uwi,” ang paalam ko.
“Okay babe, see you tomorrow,” ang sagot naman niya habang papalayo.
Nang tumalikod na siya ay doon lang nawala ang ngiti ko at nagmadaling pumasok. Tuloy-tuloy ako papunta sa kwarto.
Sinundan naman ako ni Mama na alalang-alala. Dala niya ang gamot na kailangan ko. “Ba’t mo kasi nakalimutan ‘tong painkiller, Anak.”
“Sorry ‘Ma, nagmamadali kasi ako kanina. Sorry po talaga, hindi na mauulit.” At pagkatapos ay niyakap siya. Huminga ako ng malalim nang bumuti na ang pakiramdam ko matapos mainom ang gamot.
“Kung, bumalik na lang kaya tayo sa ospital? Hindi ko kayang nakikita ka ng ganito… nahihirapan ako, Anak,” nakita kong may pumatak na luha sa mata niya.
Gusto ko mang pagbigyan ang hiling niya ay hindi pwede. Para saan pa? Kung huli na ang lahat para sa akin.
Malala na ang sakit ko at tatlong buwan na lang ang itatagal.
Unang beses na sinabi sa akin ng doctor ang kondisiyon ko, tinawanan ko lang noong una. Dahil may gamot o kaya pwede naman akong magpa-opera.
Pero nang sabihin nitong wala ng pag-asa.
Gusto ko na lang sumigaw at magwala…
Ang unfair!
Bakit ako?!
Ang bata-bata ko pa! Marami pa akong hindi nagagawa sa buhay at gustong ma-achieve!
Gusto kong magreklamo sa Itaas… itanong, isumbat at magmakaawa.
Pero tao lang ako, hiram ko lang ang buhay na meron ako. At binabawi na Niya ito.
BIGLA akong kinabahan at the same time ay na-excite nang takpan niya ang mata ko.
“Ano na namang pakulo ‘to, Alex?” ang tanong habang pilit kong inaalis ang kamay niya sa mata ko.
“Basta, ‘wag kang makulit. Surprise ‘to.”
Natawa ako. “Surprise? Pero sinabi mo na kaya hindi na.”
“Ang kulit mo kasi,” ang sagot naman niya habang inaalalayan akong maglakad. “’Wag d’yan, may nakaharang.” At mabilis akong iginiya papunta sa ibang direksiyon.
Binitawan ko na tuloy ang kamay niya at saka kumapa-kapa sa paligid. “Sa’n ba kasi tayo papunta?”
“Wait lang, malapit na tayo.”
Ilang sandali lang ay huminto siya kaya huminto na rin ako. Bahagyan niya pa akong hinila palapit sa kanya kaya naramdaman ko ang katawan niya. Naamoy ko rin ang pabango niyang gustong-gusto ko.
“Okay na?” ang tanong ko at muling hinawakan ang kamay niya.
“Yup, pero wait lang, bilang ka muna ng 1 to 10.”
“1 to 10,” ang sagot ko at sinubukang alisin ang kamay niya.
“Sandali lang, mali naman ang bilang mo, e,” ang reklamo niya.
Napahagikhik tuloy ako. “Ang tagal naman kasi.”
“Ang atat mo naman kasi masiyado.”
“Grabe ka sa ‘kin, babe.” Ngumuso pa ako para ipakitang nagtatampo-tampuhan ko.
“Sorry babe, o sige na nga, tatanggalin ko na ang kamay ko,” at ginawa nga niya. “Open your eyes na.”
Unti-unti ko namang binuksan ang mata. At first medyo malabo ang nakikita ko pero nang luminaw na ay natakpan ko na lang ang bibig dahil sa shock.
Si Alex na nasa likod ko ay tumingin sa akin. “Surprise~. Happy monthsary.” ang sabi niya at tinaas pa ang dalawang kamay.
Hindi ko napigilang maluha dahil sa ginawa niya. Madilim ang buong paligid pero dahil sa nilagay niyang LED lights ay nagmukhang stars na may iba’t ibang kulay ang buong kwarto.
Sa gitna ay may round table at cake. Sa dingding ay may nakalagay na tarpaulin.
“Happy Monthsary Babe!” Ito ang nabasa ko na nakasulat sa tarpaulin.
Parang may kung anong kumirot sa puso ko at tuluyan nang naiyak. Agad naman akong niyakap ni Alex.
“Na-surprise ka?” ang tanong niya.
Tumango naman ako. “Sobra,” niyakap ko siya ng mahigpit. “Thank you.”
Bahagya naman niya akong isinayaw-sayaw habang yakap pa rin. “Tahan na, sige ka, baka pumangit ka. ‘Pag nangyari ‘yun walang sisihan ‘pag pinagpalit kita sa iba.”
Mahina kong hinampas ang likod niya. “Subukan mo lang.”
“Joke lang, siyempre hindi ko ‘yun magagawa sa ‘yo. Love na love kaya kita, at hinding-hindi kita ipagpapalit sa iba.”
“Promise ‘yan, a,” ang paniniguro kahit alam kong ang selfish ng sinabi ko.
“Promise.” Tinignan niya ako at pinunasan ang basa kong pisngi. Pagkatapos ay hinalikan ang noo ko.
Ang sweet niya talaga. Kaya hindi ko mapigilang mahalin siya ng husto.
NAGISING na lang akong hirap nang huminga. Pinagpapawisan at halos hindi makakilos.
“’Ma…” ang hingi ko ng tulong pero dahil siguro sa hina ng boses ko ay walang nakarinig. Pinilit kong bumangon at lumabas ng kwarto.
Kumapit ako sa pader para hindi tuluyang matumba. “’Ma…” ang ulit ko pero wala pa ring nakakarinig. Nahihirapan na ako.
Nang sa wakas ay makarating sa kusina ay nakita ko si Mama na nakatalikod. Inangat ko ang kamay at gusto siyang abutin… pero malabo na ang paningin ko hanggang sa tuluyan ng nagdilim.
Nang magising ay nasa ospital na ako at kasama si Alex.
“Gising ka na,” ang sabi niya agad at mabilis na tumayo para tawagin ang doctor.
Pero pinigilan ko siya. “Nasa’n si Mama?”
“May binayaran lang na bill. Okay ka na ba? May masakit ba sa ‘yo?” Kita ko ang pag-aalala sa mata niya.
Umiling ako. Kahit mabigat ang pakiramdam ay hindi na ganoon kasama.
“Salamat naman, alalang-alala kami sa ‘yo. Umiyak pa nga si Gwen at Bianca.”
“I’m sorry, pinag-alala ko kayo.”
“No it’s okay, ang importante ay maayos ka na.”
Tinitigan ko ang mukha niya. Sa kilay, sa mata, sa ilong at sa labi.
Siguro oras na para sabihin sa kanya ang lahat.
“Bakit?” muling nabalot ng pag-aalala ang mata niya. “’Wag kang umiyak.” Pagkatapos ay pinunasan ang luha sa mata ko.
“A-alex… tigilan na natin ‘to.”
“Ha?”
Mariin kong itinikom ang bibig para maiwasang humikbi. Nanginig ang labi ko nang magsalita, “Maghiwalay na tayo.”
“B-bakit? May mali ba akong ginawa?”
Pumikit ako para hindi makita ang mukha niya nang sabihin kong, “Kasi may sakit ako… Malala at may taning na ang buhay.”
“E, ano naman.”
Napadilat ako sa narinig. Pinaghalong lungkot at galit ang makikita sa mata niya.
“Hindi ibig sabihin na may sakit ka at malapit nang mawala ay basta-basta mo na lang akong hihiwalayan.” Ramdam ko ang inis sa boses niya.
“Pero mamamatay na ako! At iiwan na kita!”
“Kaya nga mas lalong ayokong maghiwalay tayo kasi iiwan mo ‘ko!” nasaktan ako nang makitang may pumatak na luha sa mata niya. “Gano’n na lang ‘yun? Basta mo lang akong iiwan? Pa’no naman ‘yung feelings ko?”
Hinawakan ko ang pisngi niya, kinabisado ang bawat parte ng mukha niya. Gusto ko na sa huling hininga ko ay makikita ko ang mukha niya kahit madilim na.
“Alex… tama na, alam kong ginagawa mo lang ‘to kasi alam mo na ang sitwasiyon ko.”
Nagbago ang expression ng mata niya. Pinaghalong gulat at takot ang makikita.
“Paano…?”
“Pa’no ko nalaman na alam mo na?” yumuko ako at mapait na ngumiti. “Kasi nakita kong nasa ‘yo ang nawawala kong diary. Sigurado akong nabasa mo ro’n ang lahat at pati na rin ang bucket list ko.”
Tumingin ako sa kanya at nakitang umiiyak na siya.
“Nagawa ko na ang nasa listahan except lang sa pinaka-huli… ang magmahal.”
Sa isang iglap ay niyakap niya ako at humagulgol sa balikat ko. “I’m so sorry, Stacy. I’m so sorry kasi niloko kita. Gusto ko lang ma-kompleto mo ang bucket list.”
“Pero Alex, wala naman talaga akong balak kompletuhin ang nasa listahan… kasi, matagal ko na ‘yung nagawa…”
Matagal na… simula nang makilala kita.
Humiwalay ako sa yakap at pinunasan ang luha sa mata niya. “Malaya ka na… pinapaubaya na kita kay Gwen.”
Gulat na gulat ang itsura niya kaya hindi ko maiwasang mapangiti kasi ang cute niyang tingnan. “Hindi naman ako manhid para hindi maramdamang mahal mo siya.”
“Stacy…” Hinawakan niya ang kamay ko at dinala sa labi niya para halikan.
“I love you, Alex… and I’m sorry… kasi iiwan kita ng mas maaga kahit may promise tayo noon na walang iwanan, bestfriend.”
Makalipas ang ilang buwan…
Nagpunta si Alex sa bahay ni Stacy para dalawin ang Ina nito.
“Naparito po ako para ibigay sa inyo ito,” binigay ni Alex ang diary ni Stacy. “Sorry, dapat ay matagal ko na itong sinauli… pero hindi ko magawa. Masakit pa rin po kasing… wala na siya.”
Makikita ang lungkot sa mata ng Ina ni Stacy. “Patawad, Hijo. Ako ang may dahilan kung bakit napunta sa ‘yo itong diary ni Stacy.”
“Naiintindihan ko po kayo Tita. Kung ako rin po siguro ang nasa kalagayan niyo ay maaring gawin ko rin ang ginawa niyo.”
Tinitigan nito si Alex nang matagal. “Ang sabi ni Stacy, may iba ka raw na nagugustuhan… totoo ba ‘yun?”
Dahil iba ang nakikita nito sa mga mata ni Alex tuwing nakakasama si Stacy. Puno nang pagmamahal sa tuwing tinitignan nito ang kanyang Anak.
“Ang totoo po ay… mahal ko siya… sobra-sobra.”
“Pero bakit? Bakit hindi mo sinabi sa kanya ang totoo?”
Mapait na napangiti si Alex. “Nasanay na po akong lagi siyang nasa tabi ko. Kaya no’ng nalaman kong may sakit siya, hindi ko po matanggap. Ilang beses kong sinabi sa sariling aminin na ang nararamdaman… pero ayoko pong mas masaktan siya. Masakit na po sa kanyang iwan ako, tayo. Baka mas lalo lang siyang masaktan kung sasabihin kong ‘mahal’ ko siya kung huli na ang lahat. Kaya… pinaramdam ko na lang sa kanya kung ano siya sa buhay ko.”
Tuluyan nang lumuha ang Ina ni Stacy sa sinabi ni Alex. “Naiintindihan ko, Hijo.”
“Bago siya malagutan ng hininga… hindi ko na po napigilan at sinabi sa kanyang mahal ko siya. Alam kong narinig niya ako kasi ngumiti siya… Pero ang sakit lang na kahit sa huling sandali. Hindi niya ako tinanggap.”
“’Wag ko raw siyang mahalin, kasi ayaw niya akong masaktan.”
Wakas.