Walang hindi gusto si Tadhana sa pamilyang napuntahan niya. Mababait ang mga magulang at bata pa lang, ibinigay na ng mga ito ang kailangan niya. Sa pag-aaral, sa private school pa siya ipinasok.
Sa lahat ng needs and wants, kompleto siya. Noong eighteenth birthday niya, niregaluhan siya ng kotse. Nakapangalan din sa kaniya ang businesses ng mga ito tulad ng mga pinarerentahan.
Noon, nakapangalan iyon sa full name ng mommy niya. Pero noong naampon na siya, tinawag nang Destin Transient ang lahat ng pag-aari ng mga ito.
It was overwhelming for Tadhana. Iyon din kasi ang rason kung bakit madalas siyang inaatake ng mga totoong kadugo ng mga ito, ang mga totoong pamangkin, lalo na at siya ang spoiled.
Iniisip ng mga ito, peperahan lang niya ang mga magulang na kung tutuusin, wala siyang pakialam sa kahit na anong pag-aari ng mga ito.
Namimili ng damit si Tadhana. Malapit na naman ang pasukan kaya kailangan niyang bumili ng mga pandagdag sa araw-araw na damit lalo na at wala namang uniform sa university kung saan siya nag-aaral.
Naisipan na rin munang bumili ni Tadhana ng kape sa Starbucks. At habang nakapila, mayroong kumalabit sa kaniya.
Tadhana was ready to glare until she saw Keanu smiling at her. "Hi," bati nito.
Inilibot ni Tadhana ang tingin sa paligid para hanapin ang mga kaibigan nito, pero wala siyang makilala. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya.
"Coffee." Keanu smiled. "Ikaw, saan ka pupunta? Shopping?"
"Mag-e-enroll." Itinaas ni Tadhana ang hawak na paper bags. "At bumili ng mga damit para sa pasukan. Mag-isa ka?"
Tumango si Keanu at uminom mula sa coffee cup na hawak nito. "Oo. Galing kami kahapon sa La Trinidad, 'tapos nag-bar hopping. Ayun, lasing na naman silang lahat. Mga hindi na natuto. Ako lang ang alive."
"Ang weak ng mga kaibigan mo sa inuman," natatawang sabi ni Tadhana.
Magsasalita pa sana si Keanu, pero si Tadhana na ang kausap ng cashier. Pasimple niyang tiningnan ang dalaga.
Naka-shorts na naman ito at kulay dilaw na hoodie. Nakaitim ulit itong Converse katulad noong unang beses niya itong makita. Naka-ponytail naman ang buhok nito, may maliit na sling bag na brown, at may hawak na maroon folder.
Inilibot ni Keanu ang tingin sa paligid. May ilang tumitingin kay Tadhana. Hindi rin naman kasi maitatangging pansinin ito. Bukod sa may katangkaran at maputi, maganda ang maliit na mukha ngunit mukhang mataray.
"Baka naman ma-in love ka niyan? Gago, 'di kita sasaluhin," biglang sabi ni Tadhana na ikinatawa ni Keanu. "Tawa ka riyan. Titig na titig ka sa akin. May gusto ka ba?"
"Hindi kita type," ani Keanu at uminom ng kape. "Saan ka pupunta after?"
"Mag-e-enroll nga. Paulit-ulit?" Inirapan ni Tadhana si Keanu. "Ikaw? Babalik ka na sa transient?"
Keanu shrugged. "Hindi ko pa alam. Bahala na. Naghahanap din ako ng puwedeng makainan. Bahala sila roon, basta ako, mag-iikot muna rito sa Baguio. Wala akong magawa, e. Tulog silang lahat."
Sabay rin silang lumabas sa Starbucks habang nagkukuwentuhan. Limang araw na sina Keanu at ang mga kaibigan niya sa Baguio. Kung saan-saan na sila nagpunta, iba't ibang tours na ang nasubukan at mga landmark na na-search nila sa internet.
"Nahatak lang naman ako rito," natatawang sabi ni Keanu habang naglalakad sila sa loob ng SM. Hawak pa rin niya ang coffee cup habang sinasabayan si Tadhana. "Biglaan lang naman ito. Dapat talaga, sina Ariana and other couples lang. E sakto namang nag-iinuman kami that night, nahaltak kami nina Juancho."