MATAAS AT MASAKIT SA BALAT ANG SIKAT NG PANG-HAPONG ARAW. Pero kahit na halos nakakasunog ng balat ang init, kasalukuyan kaming naglalakad papunta sa paboritong tambayan ng mga kaibigan ko tuwing tapos na ang klase.
Kung tutuusin ay hindi naman ito nangyayari araw-araw. Hindi naman ako palaging sumasama sa kanila, lalo na kung wala naman akong pera. Napilitan lamang akong sumama ngayon dahil nagtatampo na si Pelli sa akin.
Pero kung ako ang papipiliin, at kung hindi lamang para akong nakokonsensiya dahil sa inaasahan talaga ako ng kaibigan, hindi ako sasama.
Sa Billiard House ang paborito nilang tambayan dahil maraming estudyante ang napapadpad doon tuwing hapon, o kaya ay kahit tanghaling tapat. Wala naman akong pakialam sa mga iyon.
Siguro ito na rin ang huling beses na makakasama ako roon. Malapit nang magbakasyon kaya hindi ko na rin makakasama ang mga kaibigan ko. Sa susunod na school year na ulit kami magkikita.
Katulad ng inasahan, marami na namang tao sa Billiard House. Kaagad humanap si Nora ng mauupuan namin. Bahagya akong natigilan nang napansin ang pamilyar na uniporme ng mga estudyanteng nauna sa amin dito.
Sino ba naman ang hindi makakakilala sa uniform ng Chowden? Mamahalin ang school na iyon, private at balita ko nga ay sosyal ang mga estudyante roon.
Ganoon naman talaga kapag mayayaman, hindi ba? Mga sosyal. Sila ang tinuturing na out of league ng mga katulad ko. Tingnan pa lang sila, nakaka-intimidate na.
Magaganda ang kutis ng mga babaeng nasa kabilang table. Kapansin-pansin pa nga na pinagtitinginan nila kami mula pa kaninang pagdating namin dito. Bukod sa plain white ang blouse, wala rin dating ang kulay asul na palda namin na umabot sa ilalim ng tuhod ang haba.
Hindi naman mahalaga ang tingin nila sa amin. Hangga’t walang sinasabi ang may-ari na bawal kaming pumunta rito, wala naman sigurong masama kung pupunta kami.
Pero kung ako ang papipiliin, ayos lang at mas pabor sa akin kung hindi na ako magpupunta rito. Dahil lang naman kanila Nora at Pelli kaya ako napapadpad sa lugar ma ito.
“Grabe mga makatingin,” sita ni Pelli sa nanlilisik na mata. “Parang minamaliit tayo.”
Nagbaba ako ng tingin saka dahan-dahang nilapag ang bag sa kabilang upuan na walang tao. Hindi ko alam kung paano ako makakagalaw sa ganitong klaseng lugar na puno ng mga estudyanteng mukhang ayaw sa mga taong nag-aaral sa public school.
Masyadong halata na hindi kami kaaya-aya sa kanilang paningin. Parang… ayaw nila na narito kami. At kahit pa ayaw kong aminin, ramdam ko naman na sa lugar na ito ay hindi kami talagang nababagay.
Hindi naman lahat sa kanila ay kung makatingin parang hindi kami kaaya-aya. Ang iba walang pakialam sa amin, iniisip ang sarili nilang mundo. Kahit paano ay nakahinga ako nang maluwag. Hindi ko na lang titingnan ang mga estudyanteng nasa kabilang table.
“Hindi naman maganda, mukha pang maldita,” ani Nora. “Ang kapal ng make-up sa mukha.”
“May pimbili sila, tayo wala. Johnson powder na lang, hiningi pa.” Humalakhak si Pelli.
Wala akong reaksyon sa usapan nila. Tahimik ako sa upuan at pasimpleng pinagmamasdan ang paligid. Tunay naman ang sinabi ng kaibigan ko. Nanghihingi lang kami ng pulbos sa kaklase namin na si Myra.
Natural na pinkish ang labi ko kaya hindi ko na nilalagyan ng kahit na anong produkto. Wala rin naman kasi talaga akong pambili ng mga ganoong bagay.
“Pero tingnan mo, ang ganda ng babaeng iyon, o.” Itinuro ni Nora ang table malapit sa billiard. Sumunod ang tingin namin ni Pelli roon. Kaagad niyang binaba ang kamay dahil napansin na rin naman agad namin ang tinutukoy niya. “Charming masyado. Grabe ang kutis niya, nakaka-inggit. Ang ganda.”
BINABASA MO ANG
Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)
General FictionALIMENTATION SERIES #4 Cereal is sure of how she really feels for Salatiel. She loved his every naughty smiles and manly laugh. She could feel pure attraction for him but was she willing to fight for the man recognized by many as a criminal who kill...