[Letlet]
"Dalian mo, Letlet!" Halos mayanig ang buong bahay nila na gawa sa pawid sa lakas ng sigaw ng kanyang Lola Asun.
Taranta na tumakbo siya para sundin ang iniutos ng kanyang Lola, ang kumuha ng isang uri ng halamang gamot para sa sugat.
"Aray ko po!" Malakas na hiyaw niya ng madapa. Katulad ng palaging nangyayari ay nauna na naman ang kanyang mukha, nagasgasan na naman tuloy ang mukha niya.
Nagmamadali siyang tumayo. Baka bugahan siya ng apoy ng Lola Asun niya kapag hindi agad siya nakabalik.
Nang makuha ang kailangan niya ay nagmamadali siyang tumakbo pabalik. Kailangan daw ito para magising na ang pinsan niya. Malala kasi ang sugat na natamo nito dahil sa disgrasya kaya naman ginagamot ito ngayon ng kanyang mabait na Lola.
"Oh, Letlet, may bangas na naman ang Maganda mong mukha. Sabi ko naman sayo di'ba kapag may kailangan kang gawin ako nalang ang utusan mo. Para sa'yo gagawin ko lahat. Ganyan kita kamahal!"
Hindi niya pinansin si Balug. Nilagpasan lang niya ito katulad ng palagi n'yang ginagawa.
Palagi nito sinasabi na mahal siya. Hindi naman siya bangka para maipagpalit ng mahal. Saka kahit mahal pa siya ay hindi naman siya papayag na ipalit siya ng kanyang Lola sa mga gulay, prutas o isda. May pag aari noon ang Lola niya na isang bangka. Narinig niya na mahal iyon, pero ipinalit lang iyon ng Lola niya sa limang buwan na panustos ng mga isda, gulay at prutas.
"Letlet! Mamamatay na 'tong pinsan mo dahil sa kabagalan mo!"
Nagtakip siya ng dalawang tenga. Kung magsalita ang Lola niya ay halos pasigaw, eh magkatabi lang silang dalawa.
Tumingin siya sa pinsan niya na nakahiga. Hindi niya maiwasan na ikumpara ang balat nito sa kanyang balat.
"Lola Asun, bakit po ang puti ng balat niya at sa akin ay hindi?" Hinawakan niya ang sariling braso saka binasa ng laway ang kamay at saka ikinuskos iyon ng madiin sa balat.
Hindi nagbago ang kulay niya, maitim pa rin siya kumpara rito.
Nilagyan ng halamang gamot ng Lola niya ang sugat sa balikat nito.
"Imported kasi siya, Letlet." Sagot ng Lola niya pagkaraan ng ilang sandal.
"Napakamot siya sa ulo. "Eh Lola, alam kong imported siya, pero bakit perpekto siya?"
"Teka paano ko ba ipapaliwanag 'to?" Nagkamot sa kilay ang Lola niya. "Ganito nalang, siya labanos, samantalang ikaw naman ay talong."
Nalukot ang mukha niya. "Lola naman, eh! Hindi naman gano'n ang kulay ko!" Reklamo niya na tinawanan lang ng matanda.
Habang ginagamot ng Lola niya ang pinsan niya ay hindi niya maiwasan na pasadahan ng tingin ang kabuohan nito.
Maputi ang balat ng pinsan niya. Wala siyang makita na maski isang pilat sa makinis nitong balat, maliban nalang sa mga sariwang sugat na sigurado siya na mag iiwan na ng marka. Makapal ang kilay nito at malantik ang pilikmata. Tila isang anghel ito habang natutulog. Matangos din ang ilong nito at mapula ang labi. Perpekto din ang prominenteng panga nito.
Mas makisig pala 'to sa personal kaysa sa litrato.
Ngayon lang siya nakakita ng isang perpektong lalaki sa buong buhay niya. Kahit si Balug ay walang binatbat sa pinsan niya. Sigurado na maaalis na ang kayabangan na mayro'n 'to dahil hindi na ito ang ituturing na pinakamagandang lalaki rito sa kanilang Isla.
Hindi niya mapigilan ang ngiti sa labi. Hindi man niya nakasama ang pinsan niya sa paglaki ay masaya pa rin siya dahil simula sa araw na 'to ay may kasama na siya sa mga gawaing bahay. Hindi na siya mahihirapan at makikinig mag isa sa mga sermon ng kanyang Lola Asun.