Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang nagtama ang aming mata. Ayan na naman ang bilis ng pagtibok ng puso ko, agad akong bumuntong hininga at umalis sa aking pwesto.
"K! Tara na magpapraktis na tayo!", sigaw ni Ara mula sa corridor.
"Oo! Susunod ako!", sigaw ko pabalik.
Nagtungo muna ako sa locker room upang magpalit ng damit. Siguradong mapapagod na naman ako sa pagpapraktis ng sayaw maya-maya. Lalo't nang tatlong araw na lamang kami magpapraktis ng aming performance para sa closing party.
Parang ang bilis lang ng high school no? Tatlong araw na lang ay matatapos na ako sa sekondarya. Ngunit imbis na maging masaya ay ako'y nalulungkot dahil ibig sabihin ay wala na, wala na talagang pag-asa upang maibalik ang dati diba?
"Sorry, Kristina". Naririnig ko na naman ang mga salitang iyan. Paulit ulit subalit hindi ko alam kung anong ibig sabihin. Nabobo, natatanga ako kada maririnig ko ang mga katagang iyan.
"Attention!", malakas na sigaw ni Elliot. Apat na oras din kaming nagpraktis ng sayaw at mga ala-singko ay nagdesisyon na kaming umuwi at ituloy na lamang kinabukasan.
"Sasama ka ba mamaya kila Acke?",tanong ni Ray. Tila nabuhay na naman ang aking katawan nang marinig muli ang pangalan niya. Sobra sobra pala talaga akong naattached sa kanya, samantalang siya wala, wala.
"May pupuntahan pa kasi ako", pagsisinungaling ko. Mabuti na siguro ito, ang lumayo sa kanya. Iyon naman ang gusto niya eh, ang mawala ako sa buhay niya.
Bumuntong hininga si Ray sa sagot ko. Alam kong may alam siya, mabuti na siguro iyon at hindi niya na ako pipiliting sumama pa.
Wala ako sa sarili na lumalakad patungo sa gate ng school. Agad namang bumalik ang mga alaala ko kasama siya. Napangiti na lang ako ng mapait, sabi nga ng iba magmove on na kung wala na talaga. Pero ang hirap pala.
"Tapusin na natin to", pagod niyang sabi. Parang tila akong nabomba nang marinig kong sinabi niya ang mga iyon. Kung ayaw niya na alangan naman ipagpilitan ko ang sarili ko diba? Tanga lang?
"Okay, ayos lang", pinilit kong ngumiti habang sinasabi ang mga salitang iyon. Oo, ako na ang tanga.
Bigla ko na lamang naramdaman ang pagkakabangga sa isang katawan. Katangahan na naman , Kristina. Wala ka nang ginawa sa buhay mo kung hindi maging tanga.
Naestatwa ako nang makita ko si Acke. Nakakunot ang mga noo, nag-aalala. Bahala ka sa buhay mo, tapos na diba? Edi tapos.
"Sorry", mapakla kong sabi at dumiretso sa paglalakad.
Sorry. Sorry. Yan yung salitang madalas niyang gamitin sa tuwing hindi siya makakasipot sa usapan namin. Sorry. Sorry. Salitang gamit na gamit niya nung kami pa.
" Sorry, pedeng sa ibang araw nalang?", nakailang sabi na ba siya ng ganyan? Sorry, hindi ko na mabilang eh.
Bwisit na sorry na yan. Ngayon itatak ko sa sarili ko na hinding hindi na muli ako makakatanggap ng sorry mula sa kanya.
"Jusme! Nakakaloka", reklamo ni Dane. Halos lahat ay nangangarag sa gagawin. Mabilis lumipas ang dalawang araw at maya-maya ay kami na ang sasalang sa stage. Ngunit imbis na magpanic ay nagawa ko pang tumunganga.
"Kristina! Galaw galaw tayo na ang susunod", mataray na sabi ni Antonette. Napatawa na lamang ako at naghanda na. Hindi ako kinakabahan hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil na rin sa dami kong problema.
Nang matapos kaming sumayaw ay agad nagsipalakpakan ang mga tao. Iginala ko ang aking paningin at nakita ko siya sa di kalayuan. Sa unang pagkakataon ay hindi ako umiwas kundi ay ngumiti pa ako sa kanya, isang sinserong ngiti. Siguro nga dito na natatapos ang relasyon namin.