[Lance]
TAMA si Lola Asun, kailangan n'yang humingi ng tawad kay Letlet. Pumunta siya sa kwarto ng pinsan at kumatok.
"Letlet—"
"Wag mo 'kong kausapin dahil baka matabas ko 'yang dila mong bwisit ka!" Malakas na singhal ng dalaga.
Bumuntong-hininga siya. "Alam ko na mali ako, Letlet. Sorry na please... nag aalala lang talaga ako sayo kaya bilang pinsan mo ay ginawa ko lang ang alam kong tama—"
"Ang sabihin mo may tama ka na sa utak!"
Mukhang mahihirapan siyang mapaamo ang dalaga.
"Alright, tama ka na, may tama ako. Ayos na ba?" Hindi tumugon ang dalaga. "Patawarin mo na ako, Letlet. Ano ba ang gusto mo para patawarin mo na ako? Sabihin mo lang—" Halos mapatakbo siya sa gulat ng biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Letlet at walang reaksyon ang mukha na nakatingin 'to sa kanya.
Napapalunok na lumayo siya sa dalaga sa takot na bigla nalang 'to lumundag sa kanya na parang pusa at kalmutin na naman siya.
"Sigurado ka na ibibigay mo sa akin lahat ng gusto ko?"
Nakita niya ang pagkislap saglit ng mata ng dalaga ng tumango siya, pero saglit lang 'yon at agad ding nawala.
"Bilhan mo 'ko ng lipstick." Matapos sabihin ni Letlet 'yon ay malakas na isinara nito ng pinto.
Napangiti siya. Lipstick lang pala ang gusto nito. Napakasisiw! Nagmamadali na naligo siya at nagbihis. Paglabas niya ng bahay ay natigilan siya.
"Damn." Mahina n'yang mura ng maalala na hindi siya si Lance ngayon kung hindi si Lucian!
Wala siyang pera at wala siyang hawak na card maski isa. Maaari naman siyang tumawag sa mga tauhan niya ngunit baka makarating agad 'yon sa kanyang tiyuhin. Wala siyang dapat na pagkatiwalaan ngayon dahil hindi naman niya alam kung sino-sino pa ang kasabwat nito. Ang Lolo lang niya ang dapat n'yang pagkatiwalaan dahil ito lang ang sigurado siya na hindi magtatraydor sa kanya. Paano siya magagawa na traydurin ng abuelo kung siya ang tagapagmana na inaasahan nito?
Napailing siya.
Kahit ang kanyang Lolo ay hindi rin niya maaari na kontakin sa ngayon dahil baka kasama 'to ng kanyang tiyuhin. Sa ngayon ay kailangan niya muna na patagalin ang pamamalagi niya sa Isla ng sa gayon ay hindi malaman ng tiyuhin niya na buhay pa siya.
Shit! Paano naman niya mabibilhan ng lipstick si Letlet nito?
He can buy a whole mall with just a snap of his finger, but in his situation right now, nah! Kahit isang lipstick na gustong-gusto ng babaeng mahalaga sa kanya ay hindi niya mabili.
Mahalaga?
Hindi niya mapigilan ang ngumiti. Ngayon lang nagkaroon ng babae na mahalaga sa buhay niya bukod sa mommy niya, kaya gagawin niya ang lahat para mapasaya 'to.
[Letlet Scene]
"GRABE, NAPAKAKISIG NIYA! Sana hindi lang isang imported ang mapadpad dito sa atin sa Isla para hindi tayo nag aagawan sa iisang lalaki!" Kilig na kilig na saad ni Birang. Kulang na lang ay mangisay 'to na parang bulate na binudburan ng asin.
Napaismid si Letlet saka tumingin sa pinsan niya na tumutulong kila Mang Mario na ibaba ang mga nahuling isda. Ilang araw na 'tong sumasama sa pangingisda, hindi daw kasi nakasama si Balug dahil may inaasikaso 'to na napakahalagang bagay daw, pero alam naman niya na umiiwas lang 'to sa kanya dahil sa mga sinabi ng baliw n'yang pinsan.
Mabuti na rin 'yon para hindi na siya nito kulitin pa.
"Letlet!" Agad na kumapit sa braso niya si Birang. "Ang sipag ng pinsan mo, ganyan ang nais kong mapangasawa." Ani pa ng kaibigan niya. "Alam mo ba na usap-usapan ngayon na inaswang iyang si Lucian, hay naku, kawawa naman ang Lucian ko, puro kalmot ng aswang ang mukha."